News Update

Karangalan kay Pacquiao, o kambing kay Diaz?

in
Kampeonatong lightweight, karangalan at kasaysayan

Darius Galang

Marami ang tumatayang makakamtan ni Manny Pacquiao ang tagumpay sa darating na Linggo ng umaga (Sabado ng gabi sa US) sa pagharap niya kay David Diaz para sa kampeonato ng World Boxing Council (WBC) lightweight.

Si Manny ay aangat sa timbang mula super-featherweight (siya ang kasalukuyang WBC super-featherweight champion) upang maging ika-anim na Pilipinong susbok para sa dibisyong lightweight. Dalawang beses na sumubok si Gabriel “Flash” Elorde ngunit parehas na kabigpuan ang dinanas niya kay Carlo Ortiz ng Puerto Rico noong 1964 at 1966. Tumumba rin si Bert Somodio kay Joe Brown, at si Andy Ganigan ay pinatulog ni Alexis Arguelo ng Nicaragua noong 1981. 1995 nang sumubok si Dindo Canoy at 2006 si Randy Suico, ngunit masaklap rin ang kanilang pagkatalo.

Magiging bonus na ang titulo sa magiging laban para sa pambansang kamao dahil bukod rito ay nakaabang na rin ang kasaysayan sa kanya bilang unang Pilipinong kampeon sa lightweight.

Hindi maikakailang mabigat na katunggali ang kampeon para kay Manny. Si Diaz ang kasalukuyang may hawak ng korona sa timbang ng 135-lb. Ito ang ikalawa lamang niyang depensa, ngunit makulay at maalab ang una. Siya ang nagpadala kay Erik Morales sa pagreretiro noong Agosto ng nakaraang taon. Kay Erik rin niya nakuha ang titulo nang maglaban sila sa dating bakanteng kampeonato, sa pamamagitan ng isang knockout matapos mangulelat sa kahabaan ng laban.

Natural kay Diaz ang timbang. 139-lb ang kanyang tala sa 1996 Olympics at matagal ang panahon sa kanyang karera bilang super lightweight at welterweight. Hindi tulad ni Pacquiao, na tumimbang lamang sa 119 o mababa pa sa 29 niyang laban, tumimbang si Diaz ng 140 o higit pa sa 17 labanan, halos kalahati ng kanyang karerang laban na 36. Malaki rin ang bentahe niyang tanggapin ang mga suntok ng kamao dahil sa kanyang angking natural na timbang at laki.

I respect Manny for his talents and for what he’s accomplished, but I’m not intimidated or worried or afraid. Nothing anyone says or writes or does is going to change my belief in myself. I’m coming to win, and that’s all there is to it,” sabi ng kampeon, na bagaman sa kanya ang depensa, ay hinahambing sa kanyang paboritong koponan sa baseball na Chicago Cubs bilang underdog sa laban.

Kilala kasi ang Cubs bilang tila may-sumpang koponan na hindi pa nakakapagpanalo ng kampeonato mula 1908. May pangalan ang sumpa - “Curse of the Billy Goat” - ngunit hinaharap ito ng kampeon na may determinasyon upang hindi matulad na umuwing talunan tulad ng kanyang paboritong koponan.

Biro naman ni Manny, “Kambing ang paborito kong pagkain.”

Anupaman, hindi papayagan ni Diaz na umuwi siyang namamaho tulad ng nasabing kambing sa sumpa. Malaki man ang nakaambang na karangalan para kay Manny, parehas niya itong tatanggapin, bilang motibasyon na panatilihin ang korona.

Kaya naman puna ni Freddie Roach na kailangang ilabas ni Manny ang kanyang pinakamahusay sa Linggo kung kakailanganin niyang magtagumpay sa laban. Tinatayang papabor sa kampeon ang laban kung ito'y magtatagal sa ika-12 na round.