News Update
Karaniwang mga sakit sa tag-ulan
Resty Tibay
Maraming sakit ang naglipana at maaaring makuha tuwing tag-ulan. Sa seryeng ito, matutunghayan natin ang ilan sa karaniwang sakit tuwing tagbagyo.
Amoebiasis
Ang amoebiasis, (puwede ring amebiasis) ay sanhi ng Entamoeba histolytica, isang uri ng amoeba.
Ang amoeba ay mga single-cell na nilalang na kadalasa’y naninirahan sa tubig ngunit maaari ring mabuhay sa basang lupa, nabubulok na halamanan, at kahit sa mga hayop.
Kadalasan nakukuha ang sakit sa pag-inom ng kontaminadong tubig. Isang impeksiyon sa tiyan ang amoebiasis na maaaring hindi makaramdam ang pasyente ng sintomas. Kaya, maaaring nasa loob na ito ng isang taong nahawan ng sakit sa loob ng maraming taon.
Kung sakaling naglabas na ito ng sintomas, klinikal na itong tatawaging invasive amoebiasis. Makikitaan ang tinamaan ng amoebiasis ng pagtatae hanggang disenteriya, na may halong dugo at mauhog na pagdumi.
May dalawang maaaring kalabasan na porma ang sakit. Sa pagtama nito sa tiyan, tatawagin itong amoebic dysentery o amoebic colitis sa pag-atake ng amoeba sa intestinal lining o palibot ng bituka . Kung aatake naman ang parasito sa dugo, mabilis itong kakalat sa katawan ng tao na madalas umaabot sa atay kung saan ito nagsaanhi ng amoebic liver abscesses. Kahit walang sintoma ang isang tao, maaari siyang taga-dala ng sakit. Mailipat sa iba ang parasito ng taong nagdadala nito sa di-wastong pananatili ng pansariling kalinisan.
Tinatayang 70,000 katao sa buong mundo ang namamatay sa naturang sakit, ayon sa estima ng mga mananaliksik. Sa US na lang, pinakatanyag na ang isang outbreak sa Chicago World’s Fair noong 1933 ang nag-iwan ng higit sa 1,000 kaso ng amoebiasis, na 58 ang namatay. Kulang naman sa dalawang daan ang naging kaso noong 1998 sa Republika ng Georgia sa loob ng halos apat na buwan.
Dapat tandaan na hindi bacteria ang sanhi ng amoebiasis. May iba’t ibang paraan ng paglulunas sa amoebiasis, ngunit tulad ng bacterial infections, maaaring kalinisan ang magiging daan sa pagiwas sa sakit.
Isang nakitang lunas para sa amoebiasis ang papaya. Nagkaroon ng pananaliksik sa Africa noong 1998 na nagsabing may buting dulot ang dalawang kutsarang buto ng papaya kada linggo. Kasama sa natuklasan ang ilang antiamoebic action ng naturang lunas, at tumutulong rin sa pag-iiwas sa sakit. Bagaman hindi pa lubusang nakukumpirma ang saliksik, totoong tanggap ang tulong-benepisyo ng papaya sa panunaw ng tao at laganap ito sa mga lugar na namumuhay ang halaman.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS