News Update
Karapatang pantao at ang ‘giyera kontra-terorismo’ ng US
Carol Pagaduan-Araullo
Nagkaroon ng mapanirang epekto ang estratehiya (ng US), na nakasandig sa paglilihim at lakas ng militar, sa batayang mga kalayaan ng mga pinaghihinalaang terorista... May di-maiiwasang epekto sa karapatang pantao sa mundo ang giyera kontra-terorismo, lalo na sa mga bansang pinaghihinalaang pinagkakanlungan ng mga terorista.
-- Punong Hukom Reynato S. Puno
SA ikawalong sesyon ng UN Human Rights Council, tinindigan ni Prop. Philip Alston, UN Special Rapporteur, ang mga natuklasan niya hinggil sa bugso ng EJK (extra-judicial killings) sa Pilipinas sa nakaraang anim na taon.
Ayon sa Philippine UPR (Universal Periodic Review) Watch, sinabi ni G. Alston na marami sa mga kaso ang di pa nareresolba; iilang kaso ang naihabla; at wala pang napaparusahang militar. Idiniin niyang sa dami at katangian ng mga pagpatay, depektibo ang pamamaraang ginamit ng gobyerno.
Sabi ni Fr. Rex Reyes, pinuno ng delegasyon ng Philippine UPR Watch, matapos ang Ulat Alston, nagpasa ang Philippine Mission sa Geneva ng pahayag na umaatake sa ulat – “di tiyak, napakamapamili, at may pagkiling” – at sinisiraan si G. Alston.
Nasa karakter ng gobyerno na magmatigas sa modang todo-tanggi sa EJK at iba pang paglabag sa karapatang pantao. Bagamat patuloy na pinagmumukhang maliit ng rehimeng Arroyo ang tindi at saklaw ng EJK, naghuhugas ito ng kamay, at nag-aakusa sa mga kritiko nito ng pagpapalaki sa suliranin at pamumulitika, mayabang nitong ipinroklamang signipikante na nitong nabawasan ang EJK at lahat ng paglabag sa karapatang pantao.
Naiulat na “nagagalak na pinansin” ni G. Alston “ang pagkaunti ng EJK mula noong sinimulan niya ang misyon niya sa Pilipinas.” Pero idinagdag niyang “Bagamat dahilan ang pagkaunti para magdiwang, dahilan din ito para magkondena dahil… ipinapakita nito kung sino ang nasa likod ng EJK.”
Halos unibersal nang tinuligsa ang madugong rekord sa karapatang pantao ng rehimen. Pero nitong huli, naglabas ng press release ang Malakanyang na bumabati sa ulat ngayong 2008 ng State Department ng US “na pumupuri sa pagtangan ng gobyerno ng Pilipinas sa demokrasya at kalayaan, paggalang sa karapatang pantao at pinahusay na mga pagsisikap na wakasan ang EJK at mga pagdukot.” Dagdag ni Presidential Spokesperson Bunye, “Ipinapakitang muli (ng ulat) ang komitment ng gobyerno ng US na tumulong at kumampi sa atin.”
Dahil sa seryosong mga hamon sa paghahari nito, niligawan ng rehimeng Arroyo ang suporta ng US at tiniyak ang katapatan ng militar na sinanay ng US sa pagpapaigting ng mga aksiyong militar laban di lamang sa CPP-NPA-NDFP kundi maging sa legal na mga organisasyon at personalidad na progresibo sa balatkayo ng paglaban sa “terorismo.” Kaya naman dumami ang EJK.
Napatapang din ang rehimen ng giyera ng US “kontra-terorismo” para sumandig pangunahin sa solusyong militar sa armadong labanan sa halip na tugunan ang mga ugat ng huli sa pagpapatupad ng batayang mga reporma. Kaya isa sa mga biktima ng “giyera kontra-terorismo” sa Pilipinas ang paglaban para sa makatarungan at tumatagal na kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyong pangkapayapaan ng gobyerno at NDFP.
Sa harap ng dumadaming paglalantad sa matitinding paglabag sa karapatang pantao at pandaigdig na makataong batas ng militar ng US, pribadong mga ahensiyang kinontrata ng gobyerno ng US, at gayong mga ahensiyang pang-imbestigasyon ng estado sa giyera ng pananakop ng US sa Iraq at Afghanistan – at habang nililipol ang mga pinaghihinalaang “terorista” sa US at ibang bansa – hindi katakatakang pinagtitibay ng administrasyong Bush at rehimeng Arroyo ang pasistang kaisipan at patakaran ng bawat isa.
Itinutulak nito ang mga taguyod ng karapatang pantao na naglalantad at lumalaban sa rehimeng Arroyo na bigyang-pansin ang madugong rekord sa karapatang pantao ng US sa buong mundo gayundin ang partikular na papel ng US sa paghikayat at pagsuporta sa terorismo ng estado ng neo-kolonyal na mga rehimen. Dapat ilantad at labanan ang di-mapapasubalian at naisadokumentong bakas ng war crimes, krimen sa sangkatauhan, genocide, at krimeng agresyon laban sa malalayang bansa ng US.
Ipinapakita lamang ng magaganap na pakikipagpulong ni Gng. Arroyo kay Pres. Bush sa US ngayong buwan kung gaano niya hinahangaan at sinusundan pa rin ang halimbawa ng kanyang pasista, bagamat lame-duck, na idolo.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 6-7 Hunyo 2008.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS