News Update
Pagbangon at paglaban ni Hazel
Kenneth Roland A. Guda

Si Melly, ina ni Hazel (Ilang-Ilang Quijano)
WALANG malay na halos si Hazel nang isakay siya ni Sgt.
Ronald Edward Hopstock Jr. sa isang taksi sa labas ng Hotel New Century sa
Okinawa, Japan gabi noong Pebrero 18. Sumibat agad ang sundalong Kano, at naiwan sa taksi
si Hazel. Di pa nakalalayo ang taksi nang bumalik ito sa harap ng hotel.
Natakot ang Hapon na drayber dahil sa grabeng pagdurugo ni Hazel.
Ibinaba ng drayber ang kanyang Pinay na pasahero sa hotel. Dito nadatnan ng mga
empleyado ng hotel si Hazel, at agad na itinakbo sa nalalapit na hospital.
Namuntikan si Hazel.
Ginahasa diumano si Hazel ni Sgt. Ronald Edward Hopstock Jr. ng 1st Battalion, 1st Air Defense Artillery Regiment ng US Army, sa isang kuwarto sa Hotel New Century. Sa tindi ng panggagahasa kung kaya matinding dinugo si Hazel.
Mapagtiwala
Ito ang ikinuwento ng 22-anyos na si Hazel sa kambal na kapatid na si Lala, nang magkausap ang dalawa sa telepono matapos ang nangyari. Tatlong araw pa lang noon sa Okinawa si Hazel, na, tulad ng napakaraming Pinay na sa unang pagkakatao’y nakipagsapalaran sa dayuhang bansang ito, salat sa karanasan at likas na mapagtiwala.
Sa kabuuan ng Okinawa, nagkalat ang tropang Kano na nakabase sa lugar.
Nagkalat din ang mga entertainment bar
at bahay-aliwan para sa mga tropang ito. Isa na rito ang Mermaid, bar na matatagpuan sa Park Avenue, Okinawa,
kung saan dinala ng mga rekruter si Hazel pagdating na pagdating niya mula sa
Maynila noong Pebrero 15.
Biktima diumano ng sex
trafficking, o puwersahang pangangalakal ng seks, si Hazel. Kasama ang
kababatang tiyahin, nag-aplay siya sa Japan habang nagtatrabaho sa
Maynila. Entertainer ang inaplayan
niya – ito ang nakasaad sa kanyang visa,
ito rin ang ipinangako sa kanya ng mga rekruter.
Ngunit sa panayam kay Hazel ng pahayagang Stars & Stripes noong Hunyo 20,
2008, napag-alamang pinuwersa siyang ikalakal ang sarili sa mga sundalong
Kanong namamalagi sa Mermaid. Katunayan, pagdating na pagdating niya sa
Okinawa, idiniretso ng rekruter si Hazel sa naturang bar, pinagbihis nang seksi, at inutusang makihalubilo sa mga Kano. Hawak ng employer
ang kanyang pasaporte at wala siyang kapera-pera.
“Naguluhan ako,” kuwento niya sa Stars & Stripes. “Sabi sa kontrata ko, hindi ako puwedeng
mang-aliw ng mga kostumer. Nagsimula akong magtaka kung bakit nang-aaliw ako ng
mga kostumer sa halip na sumasayaw.”
Nagtrahabo umano siya hanggang alas-tres ng umaga.
Pagkatapos dinala siya sa isang bahay sa Awase, Okinawa.
Kinabukasan, ganoon pa rin ang kalakaran. Sa pangatlong araw, pinagsayaw na
siya. Pagkatapos, niyaya siya ng mga kapwa entertainer
na lumabas kasama ang limang sundalong Kano.
Pumunta sa videoke bar
ang grupo. Pagkatapos tumungo sila sa Hotel New Century kung saan nag-check-in ang grupo. Pero pilit nilang
ibinukod si Hazel at ang sundalong Kano
na si Hopstock, na kumuha ng sariling kuwarto. Nagkuwentuhan ang dalawa, at
humiga sa magkahiwalay na kama. Kalagitnaan ng
gabi nang magising si Hazel habang pinupuwersa ni Hopstock ang sarili sa kanya.
Mahigit dalawang linggo si Hazel sa ospital. Nang iulat sa pulisya ang insidente, agad itong nag-imbestiga. Nanatili sa Kadena Air Base si Hopstock habang iniimbestigahan. Matapos iulat ng midya ang kaso, pinangasiwaan ng DFA (Department of Foreign Affairs) ang pagpunta sa Okinawa ng ama ni Hazel na si Rafael, noong Marso.
Ngunit, reklamo ni Rafael, isang beses lang niya nakita ang
anak sa anim na araw niya sa Okinawa. Hindi pa
raw niya maayos na nakausap dahil sa pag-iyak ni Hazel. Nakatira sa kumbento ng
mga madre sa Okinawa kung kaya hindi
basta-basta puwedeng puntahan ng ama.
Noong Mayo 19, idinismis ng Naha District Public Prosecutor’s Office sa Okinawa ang kaso. Balisa si Hazel. Ayon sa ina niyang si
Melly, hindi na nila naringgan ng anumang tulong ang gobyerno matapos nito.
Sa tulong ng ilang mamamahayag na sumusubaybay
sa kaso, nakipag-ugnayan si Melly sa Gabriela para sa muling pagpapatambol ng
kaso ni Hazel. Gabriela ang nanguna sa kampanya para sa hustisya para kay
Nicole, biktima ng pangagahasa ng sundalong Kano sa Subic,
Zambales, dalawang taon na ang nakaraan.
Sumagot agad ang DFA, na nagsabing inaaral umano nila ang susunod na mga hakbang para
makamit ang hustisya sa kaso ni Hazel. Ayon kay Usec. Esteban Conejos ng DFA,
maaari pa ring itulak ang court martial sa US Army laban kay Hopstock.
Maaari ring ipetisyon ang pag-imbestiga sa naging desisyon ng public
prosecutor na hindi ituloy ang kaso.
Hanggang sa isinusulat ang artikulong ito,
wala pang malinaw na hakbang ang DFA para umusad ang kaso ni Hazel.
“Hindi ko naman alam na ibabasura nila iyon,” sabi ni Melly.
“Nahihiya pa kaming humingi ng tulong sa Gabriela.” Noong Hunyo 19, sa isang press conference, sinabi ni Melly na
inisip na sana
nilang iatras ang kaso. Pero madiin umano si Hazel. Determinado siyang ilaban
ang kanyang karapatan. Handa siyang manatili sa Japan hangga’t makamit ang
hustisya.
“Nasa likod mo kami, anak,” sabi ng ina, sa gitna ng mga hikbi.
| Tropang Kano sa Okinawa Di bababa sa isang porsiyento ng populasyon ng Japan ang matatagpuan sa isla ng Okinawa, sa timog na bahagi ng bansa. Pero 20,000 sundalo, o mahigit kalahati ng tropang Kano ang matatagpuan sa islang ito. Magmula pa noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nanatili na ang tropang Kano sa Japan para protektahan diumano ang bansang ito na walang malakas na puwersang pandepensa. Nakadepende ang malaking bahagi ng lokal na ekonomiya ng Okinawa sa dolyar na dinadala rito ng mga Kano. Sa maraming bahagi ng isla, matatagpuan ang mga entertainment center na nakatuon sa pagbibigay-aliw sa mga sundalo. Ayon sa pulisya ng Okinawa, may 15 kaso na ng panggagahasa ng sundalong Kano sa isla magmula taong 1995. Kabilang sa pinakatanyag na kaso ang panggagahasa ng tatlong sundalong Kano sa isang 12-taong-gulang na Hapones. Noong Pebrero 10, 2008, ginahasa diumano ng isang US Marine ang isang 15-taong-gulang na Hapones. Inulan ang US ng protesta ng mga taga-Okinawa. Walong araw matapos ang sinasabing panggagahasang ito, naganap naman ang panggagahasa diumano kay Hazel, Pinay na entertainer na tatlong araw pa lamang sa Okinawa. KR Guda |
RSS