News Update

Pagtangis kay Rudy, paghanga sa Cinemalaya

in

Boy Villasanta

HILAM na hilam sa luha si Sharon Cuneta nang bigyan niya ng luksang parangal si Rudy Fernandez. “Tinuruan niya ako na maging isang matatag na lider,” pahayag ni Sharon kaugnay sa kanyang pagiging bise-presidente ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon noong mga unang taon ng dekada ‘90.

“Higit pa sa tunay na kapatid ang pagturing sa amin ni Rudy,” sabi naman ni Jinggoy Estrada. “Babantayan namin na huwag ligawan si Lorna,” wika ni Bong Revilla. “Parang namatay na rin ang pelikulang Pilipino sa pagkamatay ni Daboy,” puna ni Phillip Salvador.

“Maraming salamat, Rudy,” sabi ni Lolit Solis sa gitna ng marami niyang sinabi tungkol sa pumanaw. “Ramdam na ramdam namin ang kabaitan ni Papa,” pahayag naman ni Renz Marion Fernandez, ang bunso nina Rudy at Lorna Tolentino. “Hindi mayayakap ang mga salita pero gusto kong yakapin si Papa,” mangiyak-ngiyak namang sabi ni Raphael Fernandez, ang panganay na anak.

“Nais kong maging tulad ni Papa,” pangako naman ni Mark Anthony Fernandez, ang anak nina Daboy at Alma Moreno. “Gabayan mo ako sa pagpapalaki kina Renz at Raf,” hiling ni LT. “I will follow you. Wait for me,” sabi ni Lorna, na kung ihuhulma sa ibang pangungusap ay “Till we meet again.”

 

***

 

Naglakad mula sa kapilya na pinagburulan kay Rudy ang mga nakipaglibing kabilang sina Susan Roces, Joseph Estrada, Lyn Ynchausti, Lani Mercado, Rowena Bautista, Tirso Cruz III, Precy Vitug, Efren Reyes, Bong, Jinggoy, Phillip, Amy Austria. Gina Alajar at marami pang iba.

Isinakay sa karwahe ang mga labi ni Daboy. May 21-gun salute dahil inampon pala siya ng Philippine Military Academy Class 1972. Nagpalipad din ng mga puting kalapati sina Eddie Gutierrez.

Pagkatapos isuot sa nitso si Rudy ay hinaplos ni LT ang marmol na libingan ng kanyang asawa at napabuntung-hininga na lamang siya.

 

***

 

Tatlumpung minuto pagkatapos ilagak sa kanyang huling hantungan si Daboy ay umalis na sina LT, Raf, Renz, Mark Anthony at iba pang nakipaglibing.

 

***

 

Bumuhos ang malakas na ulan pagkatapos ng paglilibing kay Rudy sa Heritage Park Mortuary and Crematory sa C-5 sa Taguig City noong Huwebes ng hapon.

Pero natira sa pinaglibingan si Efren at si Atty. Adolfo Gerson, ang abogado ni Rudy noong pangulo pa siya ng Actors Guild. Si Atty. Gerson ang gumawa ng Memorandum of Agreement sa pagtataas sa sahod ng mga empleyadong mga artista o mga kontratistang manggagawa ng pelikulang Pilipino kabilang ang mga ekstra at stuntman.

Habang umuulan ay kakuwentuhan ni Efren si Gerson at ang mga peryodistang pampelikula na sina Melchor Bautista, Virgie Balatico, Chat Santos at Tony Gonzales. Nagbabad sila sa huling hantungan ng kanilang paboritong aktor.

Sa East Gate ng parke ay maraming tagahanga na ayaw papasukin ng guwardiya. Nagrereklamo kung bakit daw sinabi ni Daboy noong buhay pa na buksan ang kanyang lamay sa kanyang fans. Sinusugan din anila ito ni Lorna.

Pero matigas ang loob ng bantay. Trabaho lang aniya nila ito.

Walang kaginsa-ginsa ay may papasok na Rover na itim. Si Rufa Mae Quinto ang lulan nito nang makita namin sa may tabi ng nitso ni Rudy na iyak ng iyak.

 

***

 

Kagagaling lang ni Rufa Mae sa London ng hapon na ’yon at mula sa Ninoy Aquino International Airport ay dumiretso siya sa sementeryo. “Malapit na malapit kami ni Daboy. Nang mamatay ang father ko noong 2002, pumunta siya sa burol. Parehong peri-ampullary cancer ang ikinamatay nila,” pahayag ni Quinto habang bumabalong ang mga luha sa kanyang mga mata.

Sila ni Rudy ang huling magkatambal sa kahuli-hulihang pelikula ng aktor, ang Hula Mo, Huli Ko noong 2002.

May lumabas na balita na may isang misteryosang babae na pupunta sa libing ni Daboy.

Si Rufa Mae ’yon pero hindi siya mahiwaga. Nahuli lang siya nang dating.

 

***

 

Nahuli rin si Amay Bisaya. Nakataksi si Amay pero hindi siya pinahintulutan ng mga sekyu na makapasok. Nagkagulo ang mga tao nang makita si Amay. Natatawa silang naliligalig. May nais manghablot ng damit ng aktor. May nais sumama sa kanya sa loob. Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan ay umibis sa taksi ang komedyante at tumakbo sa kinalalagakan ni Daboy.

Ano ang kahulugan ng ulan sa libing ni Daboy?

“Kasi, mahilig sa maraming tao si Daboy. Gusto niya na laging may kakuwentuhan. Ngayon, ayaw niyang pauwiin pa ang mga tao,” sabi ni Atty. Gerson.

“Nalulungkot ang industriya at lumuluha sa pagpanaw ni Daboy,” sabi ni Efren.

 

***

 

Patuloy ang buhay maski sa mga naiwan ni Daboy.

Kamakailan din ay namatayan ang litratista at peryodistang pampelikula na si Felix Espinosa. Pumanaw ang kanyang ina pero kailangan niyang maging reyalistiko—paghahanapbuhay ang kasunod ng paninimdim.

Hapon-hapon ay nasa parke sina Lorna, nag-aalay ng mga bulaklak at panalangin. Bagamat binasbasan ni Rudy nang ito ay nabubuhay pa na puwedeng magpaligaw ang kanyang magiging balo sa iba; huwag lang aniya mga kasimbata nina Raf at Renz. Pero hindi nagsasalita kahit patapos si LT.

Lilipat muna siya ng bahay. Rerenta siya ng apartment.

Magpapahinga muna siya at pagkatapos ay babalik sa showbiz.

Malungkot na bahagi ng buhay pero kahit kailan ay babalik ang kaligayahan.

 

***

 

Maligaya ang lahat sa paglulunsad ng ika-4 na Cinemalaya Independent Film Festival ng Cultural Center of the Philippines. Gaganapin ang mabituing filmfest mula ika-11 hanggang ika-20 ng Hulyo.

Sampung full length film at sampung short film ang opisyal na kalahok kabilang rito ang mga sumusunod: 100 ni Chris Martinez; Baby Angelo nina Joel Ruiz at Abi Aquino; Boses ni Ellen Ongkeko-Marfil; Brutus ni Tara Illenberger; Concerto ni Paul Alexander Morales; Huling Pasada ni Paul Sta. Ana; Jay ni Francis Xavier E. Pasion; My Fake American Accent ni Onnah Valera; Namets ni Emilio “Jay” Abello at Ranchero ni Michael Christian Cardoz.

Samantala, sa short film naman ay maglalaban-laban ang mga sumusunod: Andong ni Rommel “Milo” Tolentino; Ang Ibang Mga Pamilya ni Joel P. Ruiz; Angan-Angan (Dreamas) ni Sheron R. Dayoc; Diamante Sa Langit ni Vic Acedillo, Jr.; God Only Knows ni Mark V. Reyes; Huling Biktima ni Vitaliano A. Rave; My Pet ni Anna G. Bigornia; Panggaris ni Dexter B. Cayanes; Trails Of Water ni Sheron R. Dayoc at Tutos ni L.A. Yamsuan.

Sa ika-20 ng Hulyo ang awards night.

 

***

 

Alam ba ninyo na isa sa dalawampung kalahok ay pumasa sa prestihiyosong Festival of Paris Cinema sa France?

Ang pelikula ay ang Ranchero ni Cardoz.

“Hindi po ako makapaniwala na makakasama sa ibang bansa ang pelikula ko,” pahayag ni Michael.

Mga taga-Film Development Council of the Philippines at mga taga-CCP ang pumili ng pelikula. “May sinasabi talaga ang movie kung gayon,” sabi ng peryodistang pampelikula na si Dennis Adobas.

Nagtapos ng kursong Film si Cardoz sa UP at inspirasyon niya sina Jose Javier Reyes at Jeffrey Jeturian sa pagdidirek.

“Akala ko, kung anu-ano lang ang Cinemalaya. Napakalaki pala nito,” pag-amin ni Cardoz.

 

***

 

Sa pagdiriwang ng 2008 Cinemalaya, may pagpupugay sa mahusay na direktor na si Manuel Conde. Maglalabas ng aklat si Nicanor G. Tiongson, may pamagat na The Cinema Of Manuel Conde. Anim na pelikula ni Conde ang itatanghal sa loob ng selebrasyon at ito ay ang Genghis Khan (1950); Ibong Adarna (1955); Verganza (1958); Señroito (1953); Cruz Na Kawayan (1956) at El Robo (1957).

Kaya ano pa ang hinihintay nating lahat. Suportahan ang pelikulang Pilipino sa panonood ng Cinemalaya.