News Update
Prodyuser ng 'Serbis' umapila para maging R-18 ang pelikula
ni Boy Villasanta
Nang ipalabas sa ika-61 na Cannes Film Festival ang pelikulang Serbis ng Centerstage Productions noong Mayo 18, 2008 sa Cannes, France ay buung-buo itong naipalabas sa prestihiyosong okasyon.
Kahit ang Hollywood actor at mahusay na alagad ng sining na si Sean Penn ay puring-puri sa pelikulang gawa ng isang Filipino na tulad ni Brillante Mendoza.
Huwag isnabin ang rekord ni Sean sa kanyang pagganap sa pelikula lalo na sa kanyang premyadong pag-arte sa I Am Sam na pinuri ng mga kritiko.
Si Penn ang tagapangulo ng mga hurado sa Cannes kung saan nakipaglaban ang Serbis sa main competition at ayon sa aktor, binigyan niya nang mataas na puntos ang pelikula kaysa mga kalaban nito. Kaya lang ay hindi lang siya ang hukom na maaaring humusga sa pelikula kundi marami pang ibang persona.
***
Sa Pilipinas ay X ang nakamtan nitong klasipikasyon – na ang ibig sabihin ay hindi puwedeng ipalabas sa komersiyal na mga sinehan at hindi karapat-dapat mapanood ng nakararaming Pilipino.
Ginawaran ng X ang obra ni Brillante dahil sa mga seksuwal na eksena tulad ng pumping scene ni Coco Martin kay Mercedes Cabral; ang oral sex ni Julia Taylor kay Kristofer King at ang pagsiserbis ng isang bagets na lalaki sa isang gurang na bakla sa loob ng sinehan.
Pero para hindi na humaba pa ang argumentasyon ay nagkasya na lang na iklian ni Mendoza ang mga eksena o kaya’y putulin na nang tahasan ang kontrobersiyal na mga tagpo.
Nang gawin ito ng produksiyon ay binigyan ito ng R-18 na rating.
***
Okey na ’yon para sa kumpanya kaya imbes na sa ika-18 ng Hunyo ang playdate nito ay ginawang ika-25 ng buwan ang pagtatanghal.
Hindi naman dapat isyu ang pagpapakita ng pagsubo ng babae ng sandata ng lalaki sa loob ng sinehan kung ang paksa ay pagseserbisyo ng mga callboy sa mga bakla.
Nasa konteskto ito at lunan ng pinangyayarihan ng istorya.
Simbolo lang ang seksuwal na mga gawain ng mga tauhan sa laganap na prostitusyon sa loob ng sinehan.
Ang sumubo sa pagkalalaki ni Kristofer sa kuwento ay isang baklang maitim na operada at ginagampanan lang ni King ang papel gayundin si Julia.
Paglalarawan ito ng dekadente at paghihikahos na buhay ng mga Filipino kaya kahit na ang pagpuputa ng mga lalaki ay ginagawang tanggapin at pagkakitaan para lang makaadya sa gutom.
Sa loob lang ng sinehan nagaganap ang paksa at tema kaya nakakulong dito ang masusing paghihimay sa nagaganap sa lipunan para matanggap ang kaputahan ng mga lalaki.
***
Samantala, sinagot ni Dennis Roldan ang akusasyon ng grupo ni Teresita Ang-See kung bakit ang isang kidnapper umano na tulad ni Dennis ay makapagsalita sa spiritual fellowship ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines.
Bagamat may katagalan na ang isyu ay ngayon lang ani Dennis siya nagkaroon ng pagkakataon na masagot ang paratang.
Sinabi ni Roldan na unang-una, “Hindi pa naman ako sentenced. Hindi pa ako conviced. I am still innocent until proven guilty. Bakit naman nila pinangungunahan ang kaso ko. Hindi pa naman napapatunayan na maysala ako.
“Kaya nga dapat ay mag-isip-isip sila sa kanilang sinasabi. At saka, hindi naman ako ang nagprisinta para makapagsalita sa mga salita ng Diyos kundi ang office mismo ni Isafp [Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines]. Ako ang kinontak nila para magkalat ng mga salita ng Diyos,” pahayag ni Dennis isang gabi sa Jesus Christ The Lifegiver Ministries na simbahan ng aktor ngayon.
***
Kasama ni Dennis, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, sa pananampalataya ngayon sina Monette Rivera, dating bituin ng Viva Films at Rudolf Rivera, ang tatay ni Priscilla Almeda.
Kapanalig na rin ng aktor ngayon ang Bustos Family ng showbiz na sina Darry Boy at Neneth Bustos, mula sa pamilya ng mga production manager sa pelikula at ang kanilang anak na si Choy Bustos.
Si Choy ang kauna-unahan sa grupong ito ng Born Again Christian at dinala niya rito sina Darry Boy at Neneth.
Tulad rin ni Dennis na sa kulungan nagbago ang pananalig.
Paglabas niya sa kulungan sa bisa ng piyansa ay nagtuloy na rin sa simbahang ito ang action star.
Sa katunayan, sa organisasyong ito ipinagbili ni Dennis ang kanyang lupa at bahay sa Kamuning kaya ang kinatatayuan ngayon ng kanyang simbahan ay ang dati niyang opisina at bar.
***
Nakikiramay kami sa pagpanaw ng nanay ng peryodistang pampelikula at litratista na si Felix Espinosa na nagdadalamhati pa rin hanggang ngayon.
Nagluluksa rin ang mga Noranians sa pagkamatay ng isang masigasig na tagahanga ni Nora Aunor na si Mandy Diaz, Armando Diaz Jr. sa tunay na buhay.
May hiling pala noon si Mandy na kung siya ay mamamatay ay hayaang makarating si Nora mula sa Amerika.
Pero ngayong sumakabilang-buhay na si Diaz at nasa US pa si Guy, nagpasya ang pamilya ng namatay at ng mga Noranians lalo na si Albert Sunga na ipanalangin na lang ang kaluluwa ng kanilang kasama at unawain na lang si La Aunor.
***
Ayon kay Albert, kaya hindi pa makabalik sa Pilipinas si Mandy gustuhin man ng Superstar ay hindi puwede dahil naghihintay pa ito ng green card.
“Pero hindi po totoo na may kaso pa si Ate Guy sa Amerika. Cleared na po ang kaso. Dropped na po ang kaso,” paliwanag ni Sunga.
Matatandaan na nahulian si La Aunor ng shabu sa kanyang bag sa Los Angeles Airport kung saan siya ay hinainan ng demanda.
“Pero nananalangin po si Ate Guy sa kaligtasan ng kaluluwa ni Mandy,” wika ni Albert.
Gayunman, imbes na si Nora ay ang kanyang mga ampong anak na sina Lotlot at Kiko de Leon ang nagpunta sa lamay ni Mandy.
***
Namatayan din sina Gina Pareño at Julio Diaz.
Ang dalawampu’t limang taong kasa-kasama ni Gina na alalay ay kinitlan na ng buhay samantalang ang kapatid na babae ni Julio ay namaalam nang dahil sa matagal nang karamdaman sa pantog.
Kaya nga hindi nakarating si Gina sa salu-salo para sa mga artista ng Serbis ay dahil sa trahedya sa mahal na mahal niyang kawaksi sa buhay.
Samantala, ayon kay Julio, transplant ang pantog ng kanyang kapatid pero ngayon lang bumigay pagkatapos ng maraming taon.
***
Mag-de-debut na ang anak nina Jaclyn Jose at Mark Gil na si Andy.
At iimbitahan ba ng debutante ang kanyang ama?
“Nasasakanya ‘yon. Eighteen years old na si Andy at alam na niya ang kanyang desisyon. Siya ang magpapasya no’n.
“Sa akin, okey lang na dumating si Mark sa birthday party. Walang problema sa amin ’yon,” paliwanag ni Jaclyn.
***
Nasa post-production na ang “Latak” ng Outline Digital Films sa direksyon ni Jowee Morel bituin sina Marc Jacob, Mercedes Cabral, Zach Urdaneta, Pia Millado, Tia Pusit, Dan Alvaro, Ram Alvaro, Sheena, Chanel Latorre at marami pang iba.
“Parang Hollywood ang production,” pahayag ng peryodistang pampelikula at patnugot na si Art Tapalla.
“Ibang klase. Magugustuhan ’yan ng local market,” pag-oobserba naman ni Dennis Adobas, isa ring movie reporter.
“Kaiba sa ibang digital film na napanood ko na,” wika naman ni Arthur Quinto, isang premyadong manunulat.
Aber, abangan nga natin.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
Related Articles
- Maui, inind’yan ang premiere night ng sariling pelikula dahil sa co-star?
- Didith Reyes, wagi sa kaso ng Anti-Violence Against Women vs ex-lover
- Didith Reyes, ang alamat, nagbabalik
- Mylene, nangatal sa tuwa sa Best Actress award ng Cinemalaya 2008
- Osang, balik-pelikula; Anita, pinarangalan; Perla, inoperahan
RSS