News Update
Puwede bang maging regular ang isang reliever?
Atty. Remigio Saladero
Kailan ba puwedeng ituring na regular na ang isang empleyado? Pwede rin bang maging regular ang isang reliever? Ang kasong "The Peninsula Manila vs. Elaine Alipio" (GR No. 167310) na hinatulan ng Korte Suprema nitong Hunyo 17, 2008 ay makukunan natin ng aral sa bagay na ito.
Sa nasabing kaso ay nagtatrabaho bilang reliever nurse sa isang sikat na hotel itong si Elaine. Ang hotel ay may klinika kung saan may mga regular nurse na nakatalaga. Kung sakaling may absent sa regular nurses na ito o kung sakaling sila ay off-duty, saka pumapasok itong si Elaine bilang kahalili nila, kung kaya siya tinuring na reliever.
Tumagal sa ganitong sitwasyon si Elaine. Noong mag-a-apat na taon na siya sa pagiging reliever ay naireklamo niya sa manedsment kung bakit wala siyang 13th month pay. Napiltang magbayad ng 13th month pay ang manedsment ngunit para lang sa kasalukuyang taon. Ang para sa mga lumipas na taon ni Elaine ay hindi na nito binayaran.
Isang araw, dumating sa kaalaman ng HR manager ng hotel na nagpapakopya itong si Elaine ng kanyang mga payslip. Nang tanungin, sinabi ni Elaine na kaya nagawa niya ito ay sa dahilang hindi siya binibigyan ng payslip ng kompanya. Nagalit ang HR manager at agad-agad ay sinabi kay Elaine na huwag nang pumasok sa trabaho.
Nagdemanda ng kasong illegal dismissal si Elaine sa tanggapan ng Labor Arbiter. Sa kasamang palad, talo ang kanyang kaso bagama't binigyan siya ng separation pay ng Labor Arbiter.
Nag-apela siya sa NLRC (National Labor Relations Commission) ngunit lalong sumama ang desisyon pagkat tinanggal nito ang kanyang separation pay. Umakyat siya sa Court of Appeals at dito na nanalo si Elaine. Sinabi ng Court of Appeals na hindi naaayon sa batas ang pagtanggal sa kanya ng manedsment at dapat siyang ibalik nito bilang regular nurse at bayaran ng backwages. Ang manedsment naman ang umakyat sa Korte Suprema.
Sinabi ng Korte Suprema na ayon sa Labor Code, ang isang empleyado ay dapat ituring na regular kung ang ginagampanan niyang gawain ay mahalaga o kailangan sa negosyo ng kompanya. Kung hindi, ituturing siya bilang kaswal na empleyado at hindi regular. Ganoon pa man, ang isang kaswal na empleyado na nakapagtrabaho na nang hindi bababa sa isang taon ay dapat nang ituring na regular at hindi siya maaring tanggalin sa kompanya habang nandoon pa ang kanyang gawain.
Sa kaso ni Elaine, sabi ng Korte Suprema, walang duda na mahalaga at kailangan sa negosyo ng hotel ang gawain na nakatalaga sa kanya. Kung ganoon, dapat siyang ituring na isang regular na empleyado. Ganoon pa man, kahit na sabihin natin na siya ay isang kaswal, nakapagtrabaho na si Elaine nang hindi bababa sa isang taon. Kaya kahit saang anggulo natin tingnan, siya ay regular na sa trabaho.
Bilang isang regular na empleyado, maari lamang tanggalin si Elaine kapag may ginawa siyang kasalanan sa manedsment. Ang pagpakopya ng kanyang payslips ay hindi kasalananan sa manedsment. Obligasyon ng manedsment na bigyan ng kanyang mga payslip si Elaine. Lumalabas na ang manedsment pa ang may pagkukulang kay Elaine sa hindi nito pagbigay ng mga payslip dito. Kung ganoon, may karapatan ang si Elaine na gumawa ng paraan para makakuha ng mga payslip na ito.
Dahil dito, sinang-ayunan ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals na dapat lamang ibalik bilang regular na empleyado si Elaine at bayaran ng kanyang backwages.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS