News Update

Sulong sa Olimpiyada!: Puspusang pagsasanay ng mga Pinoy para sa 2008 Beijing Olympics mabunga

in

Darius Galang

PUSPUSAN ang pagsasanay ng _labindalawang atletang Pinoy na magbubuhos ng kanilang husay sa darating na 2008 Beijing Olympics na magsisimula sa Agosto 8.

Kabilang sa mga Olympic qualifier sina Mark Javier para sa Archery; Rexel Ryan Fabriga at Shiela Mae Perez sa Diving; mga manlalangoy na sina Ryan Arabejo, Daniel Coakley, Miguel Molina, Christel Simms at James Walsh; Tshomlee Go at Mary Antoinette Rivero sa taekwondo; at Harry Tañamor para sa Boksing. Si Eric Ang na tatayong wildcard entry para sa Shooting.

“Optimistiko tayo sa delegasyon sa Olympics sa taong ito. Binubuo ang Philippine Team ng mga indibidwal na may ambisyon na pasikatin ang bansa. Anumang suporta na maibibigay ng sambayanang Pilipino ay magiging dagdag na kumpiyansa para sa kanila.” entusiyastikong pahayag ni Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr., Presidente ng Philippine Olympic Committee.

Ilang manlalaro ang kasalukuyang hinahasa ang kanilang galing sa pamamagitan ng pagsasanay sa labas ng bansa, at sa pagsabak sa internasyonal na mga palaro bago mag-umpisa ang Olimpiyada.

Tuluy-tuloy ang pagsabak ni light-flyweight Harry Tañamor sa internasyunal na mga paligsahan, kasama sa programa ng kanyang build-up para sa darating na Olimpiyada. Nauna na niyang nakopo ang ginto sa AIBA President’s Cup noong nakaraang buwan, nang talunin ang tatlong kapwa manlalaro na tutungo rin sa Beijing. Tutungo siya kasama nina bantamweight Charly Suarez, featherweight Orlando Tacuyan Jr. at light welterweight Genebert Basadre sa Germany para sa Chemistry Cup International tournament na gaganapin nitong Hunyo 18 hanggang 22.

Dinurog naman ni Miguel Molina ang tatlong Philippine record sa Janet Evans International Invitational sa University of Southern California sa US noong nakaraang linggo. Pumang-apat siya sa 200m individual medley ngunit binura niya ang 2:03.46 mark na kanyang ginawa sa Japan Open noong nakaraang taon. Sunod niyang nilunod ang 1:52.67 markang siya rin ang gumawa noong World Championships noong nakaraang taon sa 1:52.56 marka sa 200m freestyle. Sinundan ito ng impresibong ikalawa para sa 200m breast-stroke sa loob ng 2:16.62 upang tabunan ang naitalang 2:16.88 noong 2005 Manila SEA Games.

Kasama ni Molina sina Arabejo, Coakley, JB Walsh at Christel Simms sa US para sa kanilang mga pagsasanay.

Puspusan rin ang pagsasanay nina Ryan Fabriga at Shiela Mae Perez para sa diving. Sinikap ng Dabawenyong si Fabriga na tiisin ang hirap na mawalay sa kanyang mga mahal sa buhay upang magsanay sa Rizal Sports Complex sa Maynila, kasama ang kapwa-niyang Dabawenyong si Shiela Mae.

Ang 2008 Olympiyada ay ikalawang biyahe na ni Tshomlee Go, na nakapaglaro na sa Athens noong 2004. Kasama si Toni Rivero, nagsasanay sila dalawang beses mula Lunes hanggang Biyernes. “Walang time masyado para sa gimik at konti lang para sa pahinga pero kailangan talaga yung training,” pahayag ni Go.

Maliban sa araw ng Linggo, nagsasanay si Mark Javier sa Dumaguete upang hasain ang kanyang mga mata para sa recurve archery, ngunit naisabuhay na niya ang dedikasyon. “Esensiyal na mahalin mo ang ginagawa mo dahil ano pa ang punto ng pag-eensayo araw-araw kung hindi mo naman gusto ang ginagawa mo,” aniya.

Unang sumabak sa Olimpiyada ang bansa noong 1924 sa Amsterdam at hindi pa nakakakuha ng isang gintong medalya. Bagaman nakakuha si Bong Coo ng isang gintong medalya sa bowling noong 1988 sa Seoul, South Korea, ito’y galing lamang sa isang demonstration event. Tanging pilak ang pinakamalapit sa ginto na nakuha ng bansa, na nanggaling kay Mansueto ‘Onyok’ Velasco noong 1996 sa Atlanta.