News Update

Walang Magbabago

 

 


IKINATUWA ng marami, kabilang na ang ilang pangkat ng nag-aastang mga probresibo sa Estados Unidos, ang tagumpay ni Illinois Sen. Barack Obama bilang kandidato sa pangkapangulo ng Partido Demokratiko. Pero dapat nga bang ipagdiwang ito ng laksa-laksang maralitang mga mamamayang Amerikano, laluna ng mga Pilipino?

Sa isang banda, hindi maitatanggi ang halaga sa kasaysayan ng Estados Unidos ng kauna-unahang pagtakbo ng isang Aprikano-Amerikanong kandidato sa pagkapangulo. Bago si Obama, si Jesse Jackson Sr. noong 1984 at 1988 ang pinakamalapit nang nakarating sa ganitong antas. Noong 1984, pumangatlo si Jackson sa mga nominadong kandidato sa Partido Demokratiko. Muntik naman niyang talunin ang puting nominado na si Michael Dukakis noong 1988.

Mahalaga ang tagumpay ni Obama sa kasaysayan ng pagtataguyod ng karapatang sibil ng mga Aprikano-Amerikano at mga nasa etnikong minorya sa Estados Unidos. Indikasyon ang paglampaso ni Obama sa mas maimpluwensiyang pulitiko na si Sen. Hillary Clinton na may antas na ng pag-alpas ang mga Amerikano sa malawakang rasismo at diskriminasyon sa mga itim. Bunga ang kandidatura ni Obama ng pangmatagalang laban ng mga Aprikano-Amerikano para sa kanilang karapatang sibil sa naturang bansa.

Sa kabilang banda, hindi rin dapat magpadalusdalos ang matatalinong progresibo sa pag-endorso kay Obama. Bagamat malakas na simbolo ng pagbibigay-kapangyarihan sa dating ineetsa-puwersang sektor ng lipunang Amerikano, maituturing pa rin si Obama na kinatawan ng naghaharing uri sa Amerika. Pansinin na lamang, ayon sa independiyenteng kandidato sa pagkapangulo na si Ralph Nader, ang ilan sa pinakamasugid na tagapinansiya ni Obama: mga negosyanteng may-ari ng mga korporasyon sa transportasyon, pharmaceutics at depensa, at marami pang iba. Imposibleng isiping magsasalita siya laban sa pagsasamantala sa mahihirap ng mga negosyante’t korporasyong ito. Sa mga ito nakasandig ang kanyang kandidatura. Hinding hindi niya sasagpangin ang kamay na nagsusubo sa kanya ng dolyar.

Para kay Nader, isang (kalahating) Aprikano-Amerikano si Obama na nag-aastang “puti”.

Sinasabi ng mga tagasuporta ni Obama na tumindig laban sa giyera sa Iraq ang kanilang kandidato. Ngunit sa malalim na pagsusuri sa mga pahayag ni Obama, matatantong mabuway ang tindig nito laban sa giyera. Hanggang ngayo’y hindi pa lubos na napapatunayan ni Obama ang komitment niya sa paglaban sa pananakop sa Iraq. Patunay nito ang pagtanggi niyang manawagan ng malawakang pag-alis ng mga tropang Kano sa naturang bansa.

Tila sinusuyo pa ni Obama maging ang mga estado na may malalawak na konserbatibong populasyon na maka-giyera. Sa kabila ng imoralidad ng naturang pananakop, bahag ang buntot ng unang Aprikano-Amerikanong kandidato sa pagkapangulo na manindigan para sa kagyat na pagwawakas nito.

Napatunayan pa lalo ang konserbatismo ni Obama ng mga pahayag niya sa walang kakuwenta-kuwentang pagbisita ni La Gloria sa Amerika. Laman ng pahayag nito ang suporta diumano ni La Gloria sa mga kampanya “kontra terorismo,” laluna ang panghihimasok ng tropang Kano sa Mindanaw at iba pang bahagi ng Pilipinas. Binigyang-diin pa ni Obama ang magandang intensiyon daw ng ehersisyo-militar na Balikatan.

Hindi sikreto sa mundo ang rekord ni La Gloria sa karapatang pantao at pagtataguyod ng mapanirang mga polisiyang neoliberal sa ekonomiya. Hindi sikreto ang mahigit 900 na pinaslang na aktibista at halos 200 na nawawala. Hindi sikreto ang malawakang paglikas ng mga sibilyan at pagkawasak ng mga tahanan sa kanayunan sa ngalan ng “giyera kontra terorismo.” Para sa isang matalinong pulitiko, imposibleng nanatiling ignorante si Obama sa mga impormasyong ito.

Ang tanging kapani-paniwalang paliwanag lamang: May basbas si Obama sa mga krimen ni La Gloria sa ating abang bansa, tulad ng pagbasbas dito ng gusto niyang palitang pangulo na si Dubya. (KRG)