1,000 paglabag sa karapatan ng OFW sa Gitnang Silangan sa ’07

in

Soliman A. Santos

 

Umabot sa halos 1,000 kaso ng paglabag sa karapatan ng mga OFW (Overseas Filipino Worker) sa Gitnang Silangan ang naitala ng Migrante International sa huling limang buwan ngayong taon.

 

Ayon kay John Leonard Montenora, coordinator ng Migrante sa Gitnang Silangan, ipinakikita lamang nito ang kawalan ng maliwanag na programa ng gobyernong Arroyo para protektahan ang mga OFW.

 

Umabot sa 939 ang mga kaso ng paglabag sa karapatan ng OFW ngayong taon, kumpara sa 500 kasong naitala noong nakarang taon.

 

Ayon kay Montenora, hindi pa kasama rito ang mga kasong hinawakan ng embahada ng Pilipinas at mga PLO (Philippine Labor Office) sa bawat bansa sa Gitnang Silangan.

 

Hinala ng Migrante, mas marami pa ang mga kasong hinahawakan ng embahada at mga PLO kumpara sa naitala ng Rights and Welfare Committee ng Migrante.

 

Sinabi pa ni Montenora na karaniwang inilalapit ng mga kamag-anak ng biktima ang mga kaso o kaya’y sa pamamagitan ng direktang pagtawag o pag-email ng mga biktima sa tsapter ng Migrante sa Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, Jordan, Lebanon, Bahrain, at Oman.

 

Karaniwan sa mga kaso ang ilegal na pagrerekruta (illegal recruitment o trafficking), pagtakas sa trabaho at pagkakakulong, at ilegal na pagkakatanggal sa trabaho (illegal termination).

 

Kapansin-pansin umano ang dumaraming bilang ng mga stranded na napilitang tumakas mula sa kanilang abusadong mga amo. “Biktima sila ng seksuwal na pang-aabuso, pagmamaltrato, hindi pagpapasuweldo, at iba pang problema,” ani Montenora.

 

Nakapagtala ang Migrante ng 595 na stranded na OFW sa Saudi Arabia; 200 sa iba pang parte ng Saudi tulad ng Riyadh, Al Khobar, Dammam, Hail, at Al Jouf; 170 sa Jordan at lima sa Kuwait .

 

Binatikos ni Montenora ang gobyernong Arroyo dahil sa umano’y mga “papuri” nito sa mga OFW kapag mataas ang mga remitans gayong wala naman itong malinaw na programa para sa kanila.