News Update
29M bata ‘walang pag-unlad’
Ilang-Ilang Quijano
WALANG pag-unlad ang 29 milyong bata sa Pilipinas dahil sa kapalpakan sa panunungkulan ni Pangulong Arroyo, ayon sa mga grupong tagapagtaguyod ng karapatang pang-bata.
Sa “State of the Nation 's Children Address” na inorganisa ng Salinlahi Alliance for Children's Concerns noong Hunyo 25, sinabi ng grupo na milyun-milyong bata ang malnourished, may sakit, o namamatay dahil sa matinding gutom.
“Sa mga maralitang komunidad, dahil sa mataas na presyo ng bilihin at kawalang-trabaho, kumakain na lang ang mga bata ng balinghoy o saging sa umaga,” ayon kay Alphonse Rivera, tagapagsalita ng Salinlahi.
Idinagdag ng Salinlahi na 90,000 batang Pilipino ang iniiwan kada buwan ng 3,000 Pilipino na nangingibang-bansa kada araw. “Masakit sa bata ang mawalay sa magulang. Bulnerable sila sa pang-aabuso at karahasan,” ani Rivera.
Mula 2001 hanggang 2006, may 215, 233 bata din umano ang biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao. Karamihan ang sapilitang lumikas dahil sa militarisasyon. May 106 bata naman ang naulila o naging saksi sa ekstrahudisyal na pagpaslang sa kanilang magulang.
Sinabi naman ni Gabriela Women’s Party Rep. Luzviminda Ilagan na hindi natupad ni Arroyo ang pangako nitong mas abot-kayang edukasyon para mga batang Pilipino sa kanyang State of the Nation Address noong 2001.
Tatlong bata mula sa Payatas ang ginamit ng Pangulo noon na halimbawa.
“Pitong taon na ang nakakaraan, pero hindi nakakapasok ang isa sa 10 bata, naghihiraman ang dalawa o tatlong sa isang teksbuk, at 60 hanggang 75 bata ang nagkaklasrum sa ilalim ng puno ng mangga,” ani Ilagan.
Sa ulat umano na isinumite ng gobyerno sa Geneva Convention on the Rights of the Child, lumalabas na bumaba pa nga ang ginagastos ng gobyerno para sa edukasyon.
Noong 2008, nasa P2,000 na lamang ang ginagastos ng gobyerno para sa isang tao, mas mababa ng 14% kumpara noong 1998.
Related Articles
- Pang. Arroyo hinimok na manawagan ng tigil-putukan sa Palestine
- Katutubo sa Kordilyera, sama-sama sa paghahanap kay James Balao
- Pagpapatalsik kay Gloria, muling ipinanawagan sa Pangdaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
- Pinas pinakadelikado para sa brodkaster –IFJ
- Countdown kontra Cha-cha sinimulan ng kabataan
RSS
Grabe na ang mga paghihirap
Grabe na ang mga paghihirap ng mga bata