News Update

3,000 estudyante ng PUP nag-walkout

in

Ilang-Ilang D. Quijano

NAG-WALKOUT sa klase ang halos 3,000 estudyante ng PUP (Polytechnic University of the Philippines) mula sa kani-kanilang klase at nagmartsa sa Mendiola noong Hulyo 3 para ipanawagan ang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Arroyo.

Dry run” o ensayo ito sa malawakang kilos-protesta ng mga kabataang estudyante para sa Sona (State of the Nation Address) sa Hulyo 28, ayon kay Ken Ramos, pambansang tagapangulo ng Anakbayan.

Umano’y testamento ang walkout ng pagka-disgusto ng mga kabataan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagpako sa sahod ng mga manggagawa.

“Pinatutunayan ng mga estudyante ng PUP ang kapagyarihan ng sama-samang aksiyon para makamit ang kanilang makatarungan at demokratikong mga panawagan,” dagdag ni Ramos.

Noong nakaraang linggo, napilitan ang administrasyon ng PUP na i-refund ang P250 developmental fee na isiningil sa mga estudyante matapos magmartsa ang halos 2,000 estudyante sa opisina ng Commission on Higher Education sa Pasig City.

Noong 2007, pinigilan din ng pagkilo ng halos 7,000 estudyante ang plano ng PUP Board of Regents na itaas nang 500% ang tuition fee sa unibersidad.

Sa P12 kada yunit, PUP ang may pinakamurang matrikula sa state colleges and universities.

Pero babala ni Ramos, hindi magtatagal ang mga tagumpay na nakamit ng mga estudyante ng PUP hanggang “ipinatutupad ang mga polisiyang pang-edukasyon at pang-ekonomiya ng administrasyong Arroyo.”

Nakaamba pang protesta

Samantala, una lamang ang naganap sa PUP sa serye ng mga student walkout na ilulunsad ng grupong Youth Act Now! o Youth for Accountability and Truth Now! bago mag-Sona.

Bawat Biyernes simula Hulyo 4, inaasahang magtitipon ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad sa Metro Manila sa Plaza Salamanca sa Taft Ave. at La Salle Greenhills sa Ortigas Ave. para sa isang regular na noise barrage.

Lalahok ang mga estudyante ng University of the Philippines Diliman, UP Manila, PUP, St. Scholastica’s College, Philippine Normal University, Pamantasang Lungsod ng Maynila, Lyceum of the Philippines University, Miriam College, Jose Rizal University, Technological Institute of the Philippines, at Philippine School for Business Administration.

Dadalo rin sa lingguhang protesta ang mga estudyante ng hayskul at mga out of school youth.

Sa UP Diliman sa Hulyo 8, naghahanda ang mga estudyante at guro na magsagawa ng reenactment ng itinayong Diliman Commune noong unang bahagi ng dekada ’70. “Walang ibang paraan para ipagdiwang ang sentenaryo ng UP kundi sariwain at isabuhay ang tradisyon ng radikal na aktibismo sa UP,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng LFS (League of Filipino Students).

Sa Hunyo 10, pangungunahan ng Youth Act Now! ang isang pambansang walkout ng mga estudyante mula sa iba’t ibang kampus. Magtitipon ang mga estudyante mula Metro Manila sa University of Sto. Tomas bago magmartsa papuntang Mendiola.

Kasapi ng Youth Act Now! ang National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, Student Christian Movement, Kabataang Pinoy, Anakbayan, LFS, Karatula, Youth Revolt, Kabataang Kristiyano para sa Bayan, at Liga ng Kabataang Moro.