News Update

6 pulis sa pagdukot ng Tagaytay 5 kinasuhan ng CHR

in

Ilang-Ilang Quijano

ANIM na miyembro ng PNP (Philippine National Police) ang kinasuhan ng CHR (Commission on Human Rights) para sa pagdukot, ilegal na pag-aresto, at arbitraryong detensiyon ng Tagaytay 5, limang lider-pesante na 27 buwan nang nakakulong sa Camp Vicente Lim sa Cavite.

Umano’y nilabag ang Paragraph 1, Article 9 at Article 10 ng International Covenant on Civil and Political Rights nina Police Superintendent Rhodel Sermonia, PO1 Alvaro Amba Jr, PO1 Eugene Arellano, PO1 Marvin Mejia, PO1 Rommel Dimaala, at PO1 April Jo Ambajia, ayon sa CHR.

Pinuri ng Pamantik-KMU (Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusang Mayo Uno) ang desisyon ng CHR sa pamumuno ni Komisyuner Leila de Lima. Umano’y inisyal itong hakbang sa pagkamit ng Tagaytay 5 ng katarungan.

“Umaasa kaming mapapalaya rin ang Tagaytay 5,” ani Romeo Legaspi, tagapangulo ng Pamantik-KMU.

Inaresto noong Abril 8, 2006 sina Enrico Ybañez, Michael Mesayes, Aristedes Sarmiento, Axel Alejandro Pinpin at Ariel Custodio sa haywey ng Tagaytay City.

Matapos itago, isailalim sa interogasyon, at pahirapan diumano nang pitong araw, inilitaw ng PNP ang lima sa isang press conference at kinasuhan ng rebelyon.