News Update
Abogadong pangkarapatang pantao sa Mindanaw binabantaan
Ilang-Ilang Quijano
KINONDENA ng Union of Peoples' Lawyers in Mindanaw o UPLM ang sunud-sunod na mga banta ang panghaharas sa mga abogadong pangkarapatang pantao sa Mindanao kamakailan.
Noong Hunyo 14, tiniktikan at kinuhanan ng litrato ang opisina ng UPLM sa Davao City ng mga di pa nakikilalang kalalakihang nakasakay sa isang pick-up.
Noong Hunyo 28, pinilit makapasok ng tatlong di pa nakikilalang kalalakihan ang tahanan ni Angela Librado, miyembro ng UPLM at konsehal ng Davao City. Wala si Librado sa kanyang tahanan pero naalarma ang kanyang pamilya sa insidente.
Samantala, noong nakaraang linggo sa General Santos City, tiniktikan ng ilang magkakasunod na araw ng apat na di pa nakikilalang kalalakihan ang opisina ng Mindanao Law Firm kung saan nag-oopisina ang apat na miyembro ng UPLM.
Nagreklamo naman si Atty. Beverly Musni, opisyal ng UPLM sa Cagayan de Oro City, sa pagsunod sa kanya ng isang di pa nakikilalang lalaki noong Hulyo 4.
“Nangyari ang mga kasong ito sa loob ng wala pang isang buwan. Hindi ito nagkataon lamang, kundi malinaw na pattern na nagpapakitang target din ang people’s lawyers ng patuloy na pampulitikang panunupil sa bansa,” sabi ni Atty. Carlos Isagani Zarate, pangkalahatang kalihim ng UPLM.
RSS