Ang Halaga ng Pagiging Villanueva

in

U Eliserio

LIMANG bagay ang gusto ko tungkol sa (Im)Personal ni Rene Villanueva.

Una, kinikilala n'ya ang sentral na papel ng ekonomiya sa pagsusulat. Makikita ito, halimbawa, sa isang saknong sa tulang nagsasara sa libro, ang "Panawagan sa mga Nais Maging Manunulat": "Hanggang mas kailangan/ ng bayan ang bahay, gamot at pandesal;/ laging masasantabi ang mga tula, kuwento, dula, at sanaysay." Sa ating bansa, naisasantabi nga ang literatura, sapagkat kulang na kulang ang mga mamamayan sa batayang pangangailangan tulad ng pagkain. Hindi lang sa mga didaktikong piyesa ni Villanueva makikita ang kaliwanagang ito, kundi pati sa mga mas personal na akda. Sa totoo lang, mas makapangyarihan nga ang panawagan sa ganitong porma. Halimbawa, ang sanaysay n'ya tungkol sa pagkaayaw n'ya sa pangalan n'yang Renato at palayaw n'yang Reny. Kinaiinggitan n'ya ang kanyang kapitbahay na si Rendy, na hindi lang mas maganda ang tunog ng pangalan kundi mas marangya ang pamumuhay. Kinikilala ni Villanueva ang paghihirap, hindi s'ya nasa kung saang pantasyang mundo kung saan ang manunulat ay walang tiyan, walang pangangailangan sa materyal na bagay.

Pangalawa, inaamin ni Vilanueva na walang manunulat na ipinanganak na manunulat. Ito ay mahabang proseso. Winawasak n'ya ang mito ng indibidwal na henyo sa pamamagitan, halimbawa, ng pagsasalaysay tungkol sa mga karanasan n'ya sa workshop sa GAT. Kalikasan din ito ng dula, anyong pampanatikan na master si Villanueva, sapagkat higit sa kuwento at tula, mas lantad ang materyal na produksiyon sa dula: hindi ito maitatanghal nang wala ang mga aktor, set designer, atbp. Samantalang sa kuwento, maaaring magkaroon ng delusyon ang kuwentista na wala nang ibang taong nagtrabaho para malathala ang kanyang likha. Walang delusyon si Villanueva. Panay ang kanyang pagkilala sa mga taong tumulong sa kanya. Kahit guro n'ya sa high school na si Mrs. Rodriguez, pinasasalamatan n'ya sa tiwalang ibinigay nito sa kanya na nagbigay sa kanya ng lakas ng loob.

Pangatlo, binibigyang-diin ni Villanueva ang papel ng mambabasa. Bagaman sinasabi n'ya na habang nagsusulat ang dapat mong isipin ay kung nasisiyahan ka sa iyong ginagawa, sinasabi rin n'ya na pagkatapos na ang likha, wala itong kuwenta kung walang silbi sa iba. Ang papel na ito'y diniskas n'ya rin sa kanyang mga tala sa "Sa Pagsulat para sa mga Bata." Sa sanaysay na ito, sinabi ni Villanueva na konsiderasyon ng manunulat ang paghubog sa halagahan ng mambabasa (na mga bata). Pero hindi ibig sabihin nito'y simple, o pinasisimple, ang mga isyung tatalakayin. Ayon kay Villanueva, hindi kailangang payak at masaya ang ibig sabihin ng pagsusulat para sa bata. Tinuligsa nga n'ya ang mga publisher at editor na nilulunod ang mga bata sa "kulay-rosas na liwanag." Hindi s'ya nagkukunwari na ang mundo ay masaya basta magtitiis. Isinisiwalat ni Villanueva ang mga problema ng ating lipunan, kahit na walang muwang ang mambabasa. Halimbawa, sa kanyang "Ang Batang Ayaw Magising," pinaksa n'ya ang isang batang seksuwal na inabuso ng tiyo. Ang ganitong tapang at pagiging tapat sa katotohanan ay nag-uugat sa respeto ni Villanueva sa kanyang mambabasa.

Pang-apat, testamento ng buhay ni Villanueva na ang pagsusulat ay paggawa. Sa (Im)Personal may seksiyon s'ya sa pagpapanatili ng kalusugan. Sa ibang bahagi naman, idiniin n'ya ang halaga ng pagkakaroon ng takdang panahon para magsulat, at ang disiplina para totohanin ang schedule na ito. Higit sa lahat, ibinigay n'ya sa paksa ng rebisyon ang empasis na karapat-dapat dito. Ang pagsasalaysay ni Villanueva sa matinding pisikal at sikolohikal na paghihirap sa, halimbawa, Children's Communication Center, sa Batibot, atbp. ay nagpaparating ng isang hindi matatakasang aral: ang trabaho ng manunulat ay hindi madali. At mula rito'y makukuha natin: ang magtrabaho ay hindi madali. At mula sa hinaing ni Villanueva tungkol sa barat (i.e., hindi makatwiran) na bayad sa kanyang trabaho, mahihinuha natin ang pagiging hindi makatarungan ng eksploytasyon at hindi etikal na pagsusuweldo sa mga nagtatrabaho. Kinikilala ni Villanueva ang halaga ng pagsusulat bilang paggawa, ang halaga ng paggawa.

Panlima, itinuturo ni Villanueva ang pangangailangang maging walang hanggang mag-aaral. Sa una'y naisip kong pamparami lang ng pahina ang mga listahan ng paborito sa (Im)Personal, ngunit sa pagninilay-nilay natanto kong para magkaroon ng sampung paboritong dula at sampung paboritong manunulat si Villanueva, malamang mas higit pa roon ang kanyang mga nabasang awtor at napanood na dula (isama mo na ang pelikula). Sa kanyang mga sanaysay sa koleksiyong ito, naroon din ang palaging pagpapaalala na walang tigil na obserbasyon, ng mga tao sa paligid, ng lipunan, ng lahat. Kung walang laman ang utak ng manunulat, walang kuwenta ang kanyang isusulat.