News Update

Bulnerable sa kampus

Kenneth Roland A. Guda

NAKITA sa dalawang prominenteng kaso ng gang rape ng dalawang babaing estudyante ng PUP (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas) sa Sta. Mesa at UPHS (University of the Perpetual Help System) sa Cavite kung gaano kabulnerable ang kababaihan sa seksuwal na atake sa loob ng kanilang mga kampus.

Pebrero 14 ginahasa diumano ng pinaghihinalaang mga kaeskuwela niya ang estudyante sa Cavite, pero kamakailan lang niya napag-alamang ikinalat pala ng mga salarin ang isang bidyo ng panggagahasa.

Samantala, sa PUP, noong Hunyo 25 at 26 diumano ginahasa ng humigit-kumulang 15 kaeskuwela ang freshman na estudyante sa loob mismo ng kampus. Ayon sa biktima, binidyo rin diumano ng mga salarin ang panggagahasa sa kanya.

Sa dalawang kaso, nakitang kumpiyansa ang mga salarin na hindi sila mananagot sa krimen kahit pa makita ang kanilang mga mukha sa bidyo. Para sa Gabriela, militanteng organisasyong pangkababaihan, ipinapamalas lamang ng dalawang kasong ito kung gaano kahina ang sistema ng hustisya, laluna sa mga kaso ng kababaihang biktima ng abuso.

Banta sa eskuwela

Bulnerable ang kababaihan sa pang-aabuso sa kapwa mga kaeskuwela sa UPHS na may kumpiyansang hindi sila mananagot sa panggagahasa. Pebrero 14 nang niyaya diumano ng mga kaeskuwela ang 17-taong-gulang na biktima sa isang piging sa labas ng kampus. Nilasing ang biktima at saka ginahasa ng apat na kalalakihang pawang menor de edad.

Ang masama pa, napag-alaman ng biktima sa isa pang kaeskuwela na kumakalat sa internet ang bidyo ng krimen. Sinabi pa ng kanyang ama na nakita at nakabili pa siya ng kopya ng bidyo sa tindahan ng piniratang mga DVD sa Quiapo.

Sa PUP naman, wala umanong pasok noong Hunyo 25, pero nagkita-kita pa rin ang mga magkakaeskuwela, kasama ang biktima, sa klasrum. Pinainom ng mga kaeskuwela niya ang biktima ng di-pa-matukoy na droga at saka ginahasa. Naulit pa umano ang panggagahasa kinabukasan.

Hulyo 3 nang pasukin ng nakasibilyang mga pulis, kasama ang midya, ang isang klasrum sa PUP. Kasama ang biktima, pinosasan, inaresto nang walang mandamyento at mistulang ipinarada sa kampus ang mga salarin. Ayon sa mga saksi, hindi itinuro ng biktima ang hinuling mga estudyante. Kinumpirma lamang ng pulis batay sa pangalan nila.

Kinumpirma ng mediko-legal na eksaminasyon sa biktima na ginahasa nga siya.

Imbestigasyon

Samantala, iginigiit ng pulisya na isang underground fraternity ang nagpasimuno ng panggagahasa. Sinabi ni Sta. Mesa Police Station Chief Superintendent Jimmy Tiu na sinabi sa kanila ito ng biktima. Ngunit hanggang sa pagkakasulat ng artikulo, hindi makumpirma ang ipormasyong ito.

Kung kaya panawagan ngayon ng Gabriela Women’s Party na masusing imbestigahan ang kaso at huwag magpadalusdalos. Ayon kay Gabriela Rep. Liza Maza, “Kailangang tiyakin ang mabilisan at masinsing imbestigayon ng pulisya at ng PUP University Committee sa kaso ng gang rape sa PUP. Dapat managot ang mga salarin.”

Iginiit din ni Maza na tiyaking maging “masinop at hindi padaskul-daskol” ang mga pulisya sa imbestigasyon lalupa’t pawang mga minor de edad ang mga sangkot at apektado.

Nagbuo ng fact-finding team ang administrasyon ng PUP para imbestigahan ang kaso, laluna’t nangyari ito sa loob ng kampus. Ayon kay Dr. Dante Guevarra, pangulo ng PUP, “Ito ang dahilan kung bakit nilikha ko ang isang fact-finding committee – para tingnan nang malalim ang problema na nakakaapekto hindi lamang sa loob ng komunidad ng PUP kundi sa buong akademikong komunidad din.”

Pero hindi basta-basta gustong palusutin ng Gabriela ang administrasyon ng PUP. Ayon kay Maza, “Hindi dapat makalimutang may pananagutan rin ang administrasyon ng PUP lalupa’t naganap ito sa loob mismo ng kampus.”

Sinabi ng Gabriela na repleksiyon lamang ang aksiyon ng mga salarin ng namamayaning pagtingin sa kababaihan bilang seksuwal na kasangkapan. Repleksiyon din ang dalawang kaso ng kainutilan ng sistema ng hustisya at kung papaano nagiging kampante ang mga kriminal na gumawa ng krimen dahil sa mahinang sistema ng hustisya.

Bilang panimulang hakbang, iminungkahi ni Maza na palakasin sa mga kampus ang “Women and Gender Desks.” “Magiging malaking tulong ang mga naturang tanggapan para tiyakin ang proteksiyon, counselling at pagbibigay hustisya sa mga kababaihang estudyanteng biktima ng sexual harassment, panggagahasa at pangmomolestiya,” sabi pa ni Maza.

May ulat sina Jean Campos, Rodalyn Capilo at Mary Rose Retrita