News Update
Crackdown sa Basilan ginunita
Ilang-Ilang Quijano
GINUNITA ng mga biktima at kanilang mga kapamilya ang ika-pitong taon ng crackdown ng militar sa Basilan kung saan libu-libong sibilyan ang sapilitang lumikas, daan-daan ang inaresto, at sampu ang pinatay.
Sa isang porum ng Liga ng Kabataang Moro sa Basilan State College, sinariwa ang tinaguriang “pinakamatinding bangungot” ng probinsya ang pagdeklara ni Pangulong Arroyo ng “state of lawlessness” dito noong Hulyo 13 – 15, 2001 para tugisin diumano ang mga bandidong ASG (Abu Sayyaf Group).
Ayon kay Amirah Ali Lidasan, tagapangulo ng Suara Bangsamoro, napapanahon ang porum dahil ilalabas ng Pasig Regional Trial Court sa susunod na buwan ang desisyon sa kaso ng pangingidnap kay Puno Mahajie kung saan isinama sa mga suspek na lider ng ASG ang diumano’y inosenteng mga biktima ng crackdown. Kinidnap ng ASG si Mahajie, isang paring Claretian sa Sumisip, Basilan noong Marso 2000.
Inilinaw ni Lidasan na inosenteng mga residente ng bayan ng Tabuk ang karamihan sa mahigit 500 na inaresto ng militar sa crackdown. Umano’y mga biktima sila ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Idinagdag ni Lidasan na mahigit 70,000 indibidwala ng sapilitang lumikas mula sa kani-kanilang mga tahanan sa walong bayan ng Basilan. Sampung katao rin umano ang pinatay ng militar sa mga tsekpoint sa paghihinalang sila’y mga Abu Sayyaf.
Sa tulong ng Commission on Human Rights - Region IX, nagsampa ang 28 sa mga inaresto ng kasong tortyur laban sa dating hepe ng Armed Forces of the Philippines na si Hen. Hermogenes Esperon, noo’y kumander ng 103rd Infantry Brigade.
Samantala, sinabi naman ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng Karapatan, na naging laboratoryo ang Basilan ng pagpapatupad ng Oplan Bantay Laya I at II, kampanyang kontra-insurhensiya ng gobyerno na responsable umano sa paglabag ng karapatang pantao ng mga aktibista sa buong bansa.
Inudyok ni Enriquez ang mga mamamayan ng Basilan na maging mapagbantay at ipaglaban ang kanilang mga karapatang sibil at pampulitika.
Dumalo rin sa porum ang mga opisyal ng Basilan kumondena sa crackdown noong 2001 at pumunta sa Malakanyang para iulat kay Arroyo ang mga pang-aabuso diumano ng militar.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS