News Update
Dating miyembro ng Gabinete, may ‘7 sumpa’ sa 7 taon ni GMA
Soliman A. Santos
PITONG sumpa ang iniwan ni Pangulong Arroyo sa sambayanang Pilipino sa pitong taon ng panunungkulan nito, ayon sa mga dating miyembro ng Gabinete.
Sa pahayag na inilabas ng Former Senior Government Officials o FSGO, ang pitong taon ng administrasyong Arroyo ay saksi sa paulit-ulit, patuloy at malalang paglabag sa mandato ng Konstitusyon na nakasama sa mamamayang Pilipino.
“Iresponsable at makasariling ginamit ni Gloria Macapagal Arroyo ang kapangyarihan ng pagkapangulo na nagpalala sa ‘pitong sumpa’ na lalong nagpahirap sa bansa,” pahayag ng FSGO.
Hinimok pa ng FSGO ang mga mamamayan na tasahin ang plano ng administrasyon para sa kinabukasan ng bansa sa kabila ng nakalipas na rekord nito.
Ang pitong sumpa na diumano'y "sumalanta" sa bansa ay ang mga sumusunod:
- Isang bansang hindi mapakain ang kanyang mga mamamayan.
- Lumalalang kahirapan at lumalaking di-pagkakapantay-pantay
- Nabubulok na batayang serbisyong panlipunan
- Kanser ng korupsiyon
- Walang habas na pag-abuso sa kapangyarihan ng Pangulo
- Ilehitimong Pangulo
- Isang bansang ninakawan
Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pag-asa ang FSGO na maibabalik pa ang demokrasya sa bansa. Nangangarap ang grupo ng isang bansa na mas maganda sa bansang iguguhit ni Pangulong Arroyo sa kanyang State of the Nation Address sa darating na Hulyo 28.
“Maaaring ninakaw sa atin ng administrasyon ang Republika, subalit hindi nito mananakaw sa atin ang pag-asa,” anila.
Related Articles
- Pang. Arroyo hinimok na manawagan ng tigil-putukan sa Palestine
- Katutubo sa Kordilyera, sama-sama sa paghahanap kay James Balao
- Pagpapatalsik kay Gloria, muling ipinanawagan sa Pangdaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
- Pinas pinakadelikado para sa brodkaster –IFJ
- Countdown kontra Cha-cha sinimulan ng kabataan
RSS