Dingdong, di ipagpapalit si Karylle kay Angelica

in

Boy Villasanta

MAGKATAMBAL ngayon sa patalastas ng isang sapatos sina Dingdong Dantes at Angelica Panganiban. At bagay na bagay sila.

Kaya lang ay wala nang pag-asa kahit pa gustuhin ito ng mga tagahanga.

Napakaganda at napakakyut ni Angelica. Para siyang hindi isang bituing nagpapaseksi sa kanyang edad. Para siyang nene sa kanyang suot na damit na pula at nakapulupot na malapad na pulang ribbon.

Ang timbang ni Angelica ay lalo pang nagpatingkad sa kanyang kariktan na batambata.

“Nagda-diet po ako lagi kaya payat na payat ako,” pahayag ni Angelica.

Pero siyempre, ang pinagpapapayatan niya ay si Derek Ramsey na kanyang kasintahan.

***

I find Angelica very sexy. Siya ang tipo ng babae na talagang nakakapagpa-turn on sa lalaki,” pahayag ni Dingdong.

Bakit si Karylle ba na kanyang katipan ay hindi ba seksi?

“Siyempre, si Karylle ang pinakaseksi sa kanilang lahat,” maliksing tugon ni Dantes.

Hindi ipagpapalit ni Dingdong si Karylle kahit kay Angelica.

Bagamat sa propesyunal ay maaaring tumambal ang bawat isa sa iba.

May konsiyerto nga si Karylle na ang kanyang kasama at katambal ay si Mark Bautista at si Dingdong naman ay nakikipareha sa iba’t ibang aktres kabilang sina Angel Locsin at Marian Rivera.

***

Alam ba ninyo na nagdidisenyo rin ng sapatos si Panganiban?

Ipinagtapat niya na dahil marami siyang ginagawang TV show, kailangan niya ang maraming sapatos kaya nakaisip siyang magdisenyo hindi lamang para sa kanyang sarili kundi sa iba rin.

I love colors, at ito ang aking inspiration sa pagdi-design ng shoes,” sabi ni Angelica.

Isusumite nga niya ang kanyang mga guhit at likha sa may-ari ng Mario D’boro.

Gayunman, naghihintay siya nang tamang panahon na maihulma sa mga ginagawang sapatos ang kanyang mga likha.

***

Pagkatapos ni Rudy Fernandez ay ang prolipiko namang direktor na si Felix E. Dalay ang kinuha ng Panginoong Diyos.

Namatay si Felix noong Linggo dito sa Maynila sa sakit na kanser sa baga.

Si Felix ay gumawa ng pangalan sa larangan ng showbiz nang una niyang idirehe sina Vivian Velez at George Javier sa A Man Called Tolongges ng Bukang Liwayway Films nina Jerry at Precy Talavera.

Pagkatapos ay nagprodyus si Dalay ng maraming pelikula para sa iba’t ibang kompanya ng pelikula.

Kamakailan lang ay idinirehe niya sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla, ang dalawa sa mga macho na senator ng Pilipinas.

Si Jinggoy ay hinawakan ni Mang Felix sa Sagot Kita: Mula Ulo Hanggang Paa katambal si Vina Morales samantalang idinirehe naman niya si Bong sa “Pepeng Agimat.

 

***

“Pamilya na ang turing ko kay Felix. Hindi ko siya makakalimutan sa tanang buhay ko,” pahayag ni Jinggoy.

Sa katunayan, tumulong pa si Estrada sa pamilya ni Dalay para gumaan ang pakiramdam ng mga ito sa pagkakasakit ng direktor.

Nang panahon ni Joseph Estrada ay namayagpag si Felix sa showbiz at hindi siya napapabayaan ng mga Estrada.

Pero biglang nagkasakit ang filmmaker na kinalaunan ay kumitil sa kanyang buhay.

Naidirehe rin ni Felix ang macho at malakas ang sex appeal na si Gary Estrada sa Gising Na Si Adan kasama sina Via Veloso at Allona Amor. Siya rin ang naglunsad kay Criselda Volks sa pagkabituin sa pelikulang Sabong ng Viva Films katambal si Jay Manalo.

Nakaburol si Dalay sa Funeraria Paz sa Araneta Avenue pero iuuwi siya sa Paete, Laguna at doon ililibing.

***

Totoo ngang nagkaproblema sina Kris Aquino at James Yap pero napakasimple at napakanipis ng istorya.

Nakaladkad pa ang pangalan ni Ai Ai de las Alas dahil sa pelikula nito na naging panauhin si Kris nang walang permiso si James. Matatandaan na inis si Yap kay Ai Ai. Nais din umano ng basketball player na ipaalam ng kanyang misis sa kanya ang mga nagaganap sa buhay nito pero hindi nga naipabatid ni Aquino ang pagsama niya sa pelikula ni de las Alas.

Gayunman, parang lumalabas na pinahaba at pinahatak ang kuwentong ito para ibenta si Kris.

Parang pilit na pilit.

***

Natagpuan namin ang sikat na mang-aawit na si Didith Reyes sa Reyes Haircutters ni Les Reyes sa panulukan ng Anonas Street at Aurora Boulevard sa Quezon City.

Sikat pa rin si Didith kahit na siya ay hindi na aktibo sa showbiz kundi receptionist at personality development instructress sa beauty parlor ni Les.

Dahil maraming pinatanyag na awitin si Reyes kabilang ang Nananabik, Bakit Ako Mahihiya?, Aliw, Araw-Araw, Gabi-Gabi, Hindi Kami Damong Ligaw, at iba pa.

Kaya lang ay malupit ang tadhana kay Didith.

Ngayon ay wala siyang naipon at nagtatrabaho nang malinis at maluwag sa kanyang dibdib.

Pero minsan ay umiiyak din ang mahusay na singer.

***

“Kailangan ko ng vocalization. Mahilig ako sa yelo kaya naiba na ang boses ko. Pero puwede pa ako. Marami pa akong puwedeng gawin,” sabi niya na punung-puno ng pag-asa.

Nakilala na siya ni direktor Jowee Morel, ang may likha ng pelikulang “Latak” ng Outline Films.

Singer din kasi si Jowee. Nakagawa na siya ng mga plaka at CD sa London at sikat na sikat siya sa bahaging ’yon ng Europa.

Kaya ibabahagi niya ang kanyang kaalaman kay Didith sa pagkakataong ito.

Jazz talaga ang foundation ko. Nang nagsisimula pa ako sa showbiz, jazz ang kinakanta ko. Si Emil Mijares ang nagpapiyano sa akin. Ang galing niya,” sabi ni Didith.

May nahanap nang prodyuser si Jowee para kay Reyes at ang peryodistang pampelikula naman na si Dennis Adobas ay naghahanap na ng makakantahan niya.

***

Sa isang maliit na kuwarto sa Tindalo Street sa Project 2 nakaistar si Reyes at nagtitiyaga siya sa kanyang buhay na parang sa daga dahil nagbabawi siya sa mga nawalang sandali sa kanyang eksistensiya.

Mula nang bugbugin siya ng kanyang nakasama sa Biñan, Laguna ay lumayas siya sa piling nito at nagkataon na nakita siya ng peryodistang pampelikula na si Aster Amoyo kaya dinala siya kina Les at nagustuhan naman ng kapatid ni Ricky Reyes ang ideya.

“Nagdarasal ako lagi na dumami pa ang kustomer at pagnagdarasal ako, dumarami talaga,” sabi ni Didith, Helen Sta. Maria sa tunay na buhay.

***

Natatandaan pa rin ba ninyo si Josephine “Banig” Roberto?

Siya ang nanalo sa Bulilit Kampeyon ng “Ang Bagong Kampeyon” sa Channel 13 noon na programa nina Pilita Corrales at Bert “tawa” Marcelo.

Paslit pa siya noon at pero mahusay nang bumirit.

Sa katunayan, si Charice Pempengco ay ngayon lang samantalang si Josephine ay noon pa.

Dalawampu’t limang taong gulang na si Banig pero maganda pa rin ang boses at naglabas na siya ng CD sa Amerika. Nilikha niya ang mga kanta at prinodyus naman ang record album ni Jhoanna “Jojo” Roberto sa US.

Darating si Banig sa Pilipinas isa sa mga araw na ito upang magpugay muli sa ating lahat.

Dati siyang alaga nina Gary Valenciano at Angeli Pangilinan sa Genesis Entertaiment kaya lang ay nagkaroon sila ng di-pagkakaunawaan kaya nagpursigi na lang si Josephine na mangibang-bansa.

Si Reyma Buan-Deveza ang nakadiskubre kay Banig sa Internet ngayon para isulat niya sa ABS-CBN News Online.

Mabuhay kay, Banig!