News Update

Gabriela nagprotesta sa DFA sa kaso ni Hazel

in

Noel Sales Barcelona


Mely (kaliwa), ina ng biktimang si Hazel, kasama ang mga miyembro
ng Gabriela, sa kilos-protesta
sa harap ng embahada ng US noong
Hulyo 4. (Ronalyn Olea)

SUMUGOD sa DFA (Department of Foreign Affairs) ang mga miyembro ng Gabriela noong Hulyo 4, araw ng paggunita sa Fil-American Friendship Day, para iprotesta ang pagpapabaya diumano ng gobyernong Arroyo sa kaso ni Hazel, 22 anyos na Pilipinang ginahasa umano ng isang sundalong Kano sa Okinawa, Japan.

“Hindi tayo makapapayag na matulad sa Subic rape case ang kaso ni Hazel, na matapos na mahatulan ang akusado ay hindi naman ito napayagang mapunta sa kustodiya natin,” sabi ni Joms Salvador, tagapagsalita ng Gabriela.

Habang nagaganap ang protesta, nakipag-usap naman ang ina ni Hazel sa mga opisyal ng DFA para usisain kung bakit napakabagal nang itinatakbo ng kaso.

Himutok ni Nanay Melly, wala pa ring nangyayari mula nang umapela siya sa DFA noong Hunyo 19.

“Sana lamang ay okey siya roon,” ani Nanay Melly, patungkol sa kondisyon ng kanyang anak na nasa pangangalaga ng isang simbahan sa Okinawa.

Sa komunikasyon ng Gabriela at ni Fr. Rommel Cruz, tumatayong tagapag-alaga ngayon ni Hazel, sinabi ng pari na hindi man lamang daw kumikibo si Konsul Ako Alarcon hinggil sa kaso.

“Talagang walang pakialam,” ani Cruz sa isang liham sa Gabriela.

Ayon kay Salvador, mismong si Cruz pa ang nagbigay-alam sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo na kailangan ng abogadong mahusay sa Ingles para mabisang maipagtanggol ang biktima sa paunang pagdinig sa kanyang kaso.

“Talagang mapatutunayan natin na talagang hindi seryoso ang gobyerno na isulong ang kaso ni Hazel,” sabi pa ni Salvador.

Nangako naman ang Gabriela na hindi sila titigil sa pagkalampag sa gobyernong Arroyo para matiyak na makakamit ni Hazel ang katarungan.