News Update
Gobyerno, wag magpadalus-dalos sa pagtanggal ng ban sa Iraq --Migrante
HINDI dapat magpadalus-dalos ang gobyerno sa pagtanggal ng deployment ban ng mga OFW (overseas Filipino worker) sa Iraq.
Ito ang pahayag ni John Leonard Monterona, rehiyunal na tagapag-ugnay ng Migrante sa Gitnang Silangan, matapos manawagan nito ang ilang pribadong rekruter.
“Dapat nakabatay sa aktuwal na pagtatasa sa lagay ng peace and order sa Iraq ang desisyon ng administrasyong Arroyo na tanggalin ang deployment ban dito, hindi sa simpleng inaasahang pagalis ng mga puwersang militar,” ani Monterona.
Sinabi pa ni Monterona na napakainit pa ng sitwasyon ngayon sa Iraq at masyado pang maaga para magdesisyon ang gobyernong Arroyo na tanggalin ang ban.
Noong nakaraang araw lamang, dalawang suicide bombers ang umatake sa Baghdad na ikinamatay ng 28 katao, ayon kay Monterona.
“Dahil karamihan sa mga manggagawang Pilipino ay madedeploy sa mga base militar ng US tulad ng Victory at Anaconda, magiging di-direktang target sila ng anumang rebolusyonaryong puwersang Iraqi,” sabi pa niya.
Kinikilala umano ng Migrante ang sitwasyon ng mga maralitang Pilipino ngayon na napipilitang mangibang-bansa kahit sa mga lugar na may matinding sigalot para lamang suportahan ang kanilang mga pamilya na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.
“Mas ginugusto pa ng dumaraming bilang ng walang trabahong Pilipino na harapin ang panganib sa mga bansang may giyera tulad ng Iraq na may relatibong mataas na suweldo kaysa manatili sa Pilipinas at makitang nagdaralita ang kanilang mga kaanak,” sabi pa ni Monterona.
Hindi umano dapat pagkakitaan ng mga recruitment agency ang ganitong sitwasyon ng mga OFW sa pamamagitan ng pagsingil ng matataas na placement fees, lalo pa’t naniningil pa ang mga ito ng VAT (value-added tax) kapatong ng placement fee.
“Kung magdesisyon man ang administrasyong Arroyo na tanggalin ang deployment ban sa Iraq, hindi ito dapat maghugas-kamay sa responsabilidad nitong siguruhin ang kaligtasan ng mga OFW sa Iraq,” pagtatapos ni Monterona.
KR Guda
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS