News Update
Hinahanap-hanap
Carol Pagaduan-Araullo
Hindi mapapanatag sa kanyang libingan si Ret. Navy Capt. Danilo “Ka Dan” Vizmanos kung maririnig niya ang pagsesermon ng tagapangulo ng Board of Marine Inquiry sa weather bureau dahil sa inilabas nitong “napakateknikal” na bulletin na di maunawaan ng karaniwang tao. Ituturing niyang katawa-tawa ang pahiwatig ng mga opisyal pandagat na ang mga tauhan ng lumubog na barkong MV Princess of the Stars ay hindi makakabasa nang wasto sa weather bulletin dahil napaka-teknikal nito.
Malamang ding maliitin ni Capt. Vizmanos ang pagpapadala ng US ng isang aircraft carrier at ng mga warship nito sa Pilipinas para tumulong sa operasyon ng pagliligtas, paghango at pagtulong matapos ang pamatay na bagyong Frank. Tiyak na papalamnan niya ang malumanay na komento ng kolum na ito na overkill iyon sa pamantayan ng makataong pagtulong, magpapahiwatig na may maiitim na intensiyong tugma sa estratehiyang dyeo-pulitikal ng US.
Kinomisyon si Ka Dan bilang ensign ng Philippine Navy nang magtapos siya sa US Merchant Marine Academy sa King’s Point sa New York noong 1950. Tumaas ang ranggo niya at naging Inspektor-Heneral ng AFP na may titulong Navy Captain (katumbas ng colonel sa hukbong katihan). Nagalit sa kanya ang pamunuan ng AFP nang ipinaglaban niya ang tesis niyang Ang Paglitaw ng Republikang Bayan ng Tsina bilang Kapangyarihang Pandaigdig at ang Epekto nito sa Seguridad at Pambansang Interes ng Pilipinas. Malaking pihit sa buhay niya ang desisyong direktang maglingkod sa sambayanan at bansa, higit sa personal na ambisyon at ginhawa.
Sa ganitong panahon, hahanap-hanapin mo si Captain Vizmanos. Isa siyang “rebeldeng sundalo” sa mas malalim at tunay na pakahulugan. Matuwid siyang opisyal-militar, matatag na makabayan, konsistent na internasyunalista, rebolusyunaryong intelektuwal, at masugid na komentaristang panlipunan, napakahusay na aktibistang pampulitika at, gayundin, responsableng taong pamilyado.
Namatay nang maralita
si Ka Dan na nag-iwan ng mayamang pamana ng kanyang buhay at mga prinsipyo para
sa susunod na mga henerasyon ng mga Pilipino. May-akda siya ng tatlong libro, Through
the Eye of the Storm, Martial Law Diary, at A Matter of Conviction. Nailarawan ang mga sulatin niya na
“kritika ng isang kaayusang panlipunang nagtanikala sa bayan sa kolonyal nitong
pinagmulan at nagdulot ng kawalan ng katarungang panlipunan.”
Gusto kong ibahagi sa mga mambabasa ang parangal sa kanya ng isang kapwa-militar, si Dr. Dante C. Simbulan, PMA Class 1952. Naglingkod sa Corps of Professors si Dr. Simbulan at nagturo sa Philippine Military Academy sa Baguio hanggang nagretiro noong 1967. Mayroon siyang Doktorado sa Agham Pampulitika sa Australian National University, at may-akda ng librong Ang Makabagong Principalia: Ang Ebolusyong Historikal ng Naghaharing Oligarkiya sa Pilipinas na inilathala noong 2005 ng UP Press.
Pareho kaming bilanggong pulitikal ni Ka Dan, ‘klasmeyt’ sa mga piitan ng diktadurang Marcos. Tulad ni Ka Dan, inaresto ako sa halos parehong panahon at ikinulong nang dalawa at kalahating taon nang walang kaso.
Kaiba sa maraming heneral ng AFP at PNP ngayon (na karamiha’y nagtapos sa PMA), tinanganan ni Ka Dan ang Code of Honor na itinuro sa aming Peemayers sa loob ng apat na taon: Na dapat ay hindi kami mandaya, magsinungaling, magnakaw o mangunsinti sa mga gumagawa nito sa hanay namin. Bagamat hindi nagtapos sa PMA, isinabuhay din niya ang mga prinsipyo ng PMA na “Courage, Integrity and Loyalty,” ang diumano’y CIL na naka-emboss sa aming singsing na pangklase. Ang totoo, puwede siyang mapabilang sa iilan sa aming naniwala AT NAGSABUHAY ng mga ito. Puwede siyang maging mahusay na role model ng mga kadete at batang mga opisyal ng AFP at PNP – at naniniwala akong magiging ganito siya.
Maraming heneral ngayon ang di lamang tumalikod sa honor system at prinsipyo ng CIL, at ipinagyayabang
pa ang yamang nakuha nila sa masamang paraan; namumuhay sa mga mansiyon sa
Ayala-Alabang, Corinthian Gardens, Valle Verde, Green Meadows at sa iba pang high-class at may-tarangkahang mga
komunidad ng iilang mayayaman; nakikipagsosyalan sa matatayog at malalakas sa
ating lipunan. Ipinagsinungaling at ipinandaya nila ang kanilang mga amo –
kasama na ang peke nilang Commander-in-Chief – para ma-promote o makuha ang pinagnanasaang katungkulan. Sa kabilang banda,
ikinulong nila at ipinailalim sa court
martial ang mga nagtapos sa PMA na tumatahak pa rin sa tuwid na landas, na
gustong maglabas ng katotohanan anuman ang epekto. Sa madaling salita, naging
bahagi ng kasalukuyang problema ang mga heneral na ito – bahagi ng tiwaling
naghaharing oligarkiya!
Taliwas sa kanila, tumanggi si Ka Dan Vizmanos na sundan ang padron na ito. Hindi siya naglingkod sa diktador na si Marcos o nakinabang sa gayong paglilingkod. Sa halip, nilabanan niya ang diktadurang yumurak sa konstitusyunal na mga karapatan ng mga mamamayan. Nagprotesta siya sa paglabag sa mga karapatang pantao ng mga militar at pulis na tauhan ni Marcos.
Pero hindi lamang nagprotesta si Ka Dan. Nagpakita rin siya ng masigabong GITING sa pagsalungat sa diktador at mga tauhan nito noong Batas Militar na naging sanhi ng kanyang pagkakakulong; nagpakita siya ng lakas ng pagkatao, ng KATAPATAN at INTEGRIDAD na mabuhay batay sa kanyang kakayahan (bagamat, tulad ng iba, mayroon siyang oportunidad na magpayaman sa paghawak ng mahahalagang posisyon sa AFP). Ngayon, tulad ni Rep. Crispin ‘Ka Bel’ Beltran, nabuhay at namatay siya sa isang lumang bahay na mayroon lamang pinakabatayang pangangailangang kayang bilhin ng kanyang maliit na kita. Tulad ni Ka Bel, namatay na mahirap si Ka Dan. Kabaligtaran ng buhay ng mga heneral ng dispensasyon ngayon!
Pinakamahalaga sa lahat, ipinakita ni Ka Dan Vizmanos ang kanyang KATAPATAN, hindi sa naghaharing elite at sa tiwaling sistemang kinakatawan nila. Ibinigay niya ito nang buong-puso sa sambayanang Pilipino, lalo na sa nagdurusa at inaaping masa ng ating di-makatarungang lipunan.
Kontra siya sa namamalimos at pulubing aktitud ng ating mga lider na sibilyan at militar sa matanda nating among kolonyal, ang Estados Unidos. Tinuligsa niya ang napakatagal nang pagsandig ng gobyerno at militar sa mga Amerikano. Kinutya niya ang patapong ‘surplus’ na ibinibigay ng US, para ‘imodernisa’ ang ating hukbong sandatahan. Pinagtawanan niya ang mga pagpapasalamat ng ating diumano’y mga lider sa ‘kabutihang-loob’ ng mga Amerikano sa pagbibigay ng mga helikopter na 40 taon na ang edad!
Gusto niyang sumandig sa sarili ang ating bayan at hukbong sandatahan at di maging buntot ng saranggola ng US. Gusto niyang makitang makamit ng Pilipinas ang tunay na kalayaan at gamitin ang ating mga karapatang pang-soberanya bilang iginagalang na miyembro ng pandaigdigang komunidad ng mga bansa. Huli at di matatawaran, tinanaw ni Ka Dan na makitang may kapangyarihan ang ating mga mamamayan – di lamang ang iilang dinastiyang pampulitikang naghahari sa ating lahat – na lumahok sa pamamahala sa pagtatakda ng ating hinaharap at paghubog sa ating tadhana.
Sumasaludo ako sa iyo, Ka Dan, at tunay kong ipinagmamalaking nakilala kita. Kami’y iyong iniwan, ngunit ang iyong diwa, adhikain at paninindigan ay hindi namin kakalimutan. Aming ipagpapatuloy ang ating layunin hanggang hindi nakakamit ang paglaya ng ating bayang minamahal.
Tinitiyak kong darami ang ating kasundaluhan at opisyal-militar na makakakita sa iyong maningning na halimbawa at darating ang araw na magbabagong-anyo ang AFP. Pagdating ng panahong iyon, hindi na ito tagapagtanggol ng tiwaling naghaharing sistema, kundi natransporma na para maging tunay na hukbong sandatahan ng sambayanan, tagapagtanggol ng interes ng ating bayan, ng ating pambansang kalayaan at soberanya, at masasandigang giya ng tunay at taos na demokrasya.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS