News Update
Hustisya para kay Julia Campbell, ikinatuwa ng Gabriela, hustisya para kay Hazel hiniling
IKINATUWA ng Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, ang agarang paggawad ng hustisya sa pumaslang kay Julia Campbell, Amerikanong peace corps volunteer.
Kasabay nito, hiniling nila ang agaran ding paggawad ng hustisya sa Amerikanong sundalo na nanggahasa sa 22-taong-gulang na si Hazel sa Okinawa, Japan noong Pebrero.
“Binibigyan ng buong suporta ng gobyernong niya si Campbell kaya siguro naitulak ang lokal na sisteme ng hustisya natin. Samantala, tila kinalimutan na ng gobyernong Pilipino si Hazel, tulad ng maraming Pilipinong inabuso at pinatay sa ibang bansa,” ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Para sa Gabriela, “barya-barya lang” ang mga aksiyon ng gobyerno sa kaso ni Hazel, at tila binaon na ito sa limot ng Department of Foreign Affairs.
“Sinabi ng DFA na maghahain sila ng petisyon para sa muling imbestigasyon ng kaso matapos ibasura ng korte ng Okinawa, pero hindi pa rin nila ito ginagawa,” sabi pa ni De Jesus.
Nadidismaya na umano ang mga Pinoy sa Okinawa sa pananahimik ni Ako Alarcon, konsul heneral ng Pilipinas sa Okinawa. Sinabi pa ni De Jesus na nakapangasawa si Alarcon ng naturalized US citizen at may isang anak na nagsisilbi sa militar ng US.
“Kailangan ng suporta ng inabusong OFW na humihingi ng hustisya sa ibang bansa katulad ng hiningi ng mga kaanak ni Campbell sa bansa niya,” pagtatapos ni De Jesus.
RSS