News Update

Kaanak ng biktima ng abuso, nainsulto sa pagtalaga sa RP bilang VP ng UN HRC

in

NAINSULTO ang mga kaanak ng mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ng Philippine UPR Watch sa pagtalaga sa gobyerno ng Pilipinas bilang bise presidente ng UN Human Rights Council.

“Sa kasamaang-palad, dalawang beses pang nahalal ang Pilipinas bilang miyembro ng HRC,” pahayag ng grupo.

Kabilang sa mga miyembro ng Philippine UPR Watch ay sina Marie Hilao-Enriquez ng Karapatan, Fr. Rex Reyes ng National Council of Churches in the Philippines, Atty. Edre Olalia ng National Union of People's Lawyers, Edita Burgos ng Desaparecidos, Donnie Mapanao ng Migrante-Switzerland, Trisha Garvida ng Karapatan at Ed Cubelo ng unyon ng Toyota sa Pilipinas.

Hindi umano nila malubos-maisip kung paano magkakaroon ng posisyon sa right body na ito ang isang bansang “may madugong rekord sa karapatang pantao.”

Nasaksihan diumano ng delegasyon ng UPR Watch sa Geneva, Switzerland kumg papaano binalewala ng Philippine Mission ang ulat at rekomendasyon ni Prop. Philip Alston, UN Special Rapporteur on extrajudicial, summary or arbitrary executions.

“Dito sa bansa, palpak ang gobyerno sa pagtupad sa mga obligasyon nito sa mga internasyunal na kasunduan sa karapatan,” anila. Halimbawa umano nito ang patuloy na pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño na dalawang taon na mula dinukot diumano ng mga militar.

“Hindi kami patatalo. Masugid pa rin naming isisiwalat ang mga abuso sa karapatang pantao at ikokondena ang mga kasinungalingan at ipokrisya,” pagtatapos ng UPR Watch.