News Update

Kasaysayan nakamit ni Pacquiao

in

Darius Galang

KINAILANGAN ni Manny Pacquiao ng siyam na rounds upang makamit ang kanyang ikaapat na titulo sa magkakaibang dibisyon, at abutin ang hindi pa nagagawa ng mga nauna sa kanya - ang makuha ang titulo ng lightweight division.

Pinaluhod ni Pacman si David Diaz bago matapos ang ika-siyam na round upang makamtan ang kampeonato sa lightweight ng WBC (World Boxing Council). Siya ang unang Pinoy na matagumpay na nakuha ang titulo matapos yumuko sina Gabriel "Flash" Elorde, Bert Somodio, Andy Ganigan, Dindo Canoy at Randy Suico sa pagtangkang sungkitin ang karangalan.

Bago ito, kampeon ang tinaguriang Pambansang Kamao sa super-featherweight ng WBC. Siya ang kauna-unahang Asyano na nakakuha ng apat na titulo sa boksing sa magkakaibang timbang sa kanyang karera. Nauna niyang nahawakan ang International Boxing Federation super-bantamweight at featherweight titles.

Walang humpay ang mga suntok ni Pacquiao mula round 1 pa lamang. Bagaman nagpahayag ng pangamba ang ilang komentarista sa unang bugso ni Pacman sa unang round - anila'y pabor ito para sa dating kampeon na si Diaz na mahilig sa dikitang suntukan - napahupa ang pangamba nang kitang-kita ang kalamangan ng napatamang suntok ni Pacquiao kumpara kay Diaz. Nagsimulang pumutok ang kaliwang bahagi ng mukha ni Diaz sa ika-apat na round sa walang humpay na suntok ni Pacquiao. Maya't maya ang pag-antabay ng ring doktor upang silipin ang natamong sugat ng dating kampeon.

Sa kahabaan ng laban, nagpakita si Pacquiao ng panibagong armas - ang kanyang kanan. Matagal na inensayo ito hanggang epektibong nagamit ng kampeon upang panatilihing malayo ang mas malaking si Diaz habang tuloy ang pagtama ng jab galing sa kanan.

Sa huli, ang trademark na kaliwa ni Pacquiao ang tumama sa panga ni Diaz upang lumuhod ito sa harap ng Pinoy. Agad namang sinuri ng referee at ring doctor ang natumbang dating kampeon. Sila rin ang nagpalayo kay Pacquiao nang lumapit ito sa nakatumbang si Diaz upang tignan kung maayos ang lagay nito - inangat pa niya ang isang braso ni Diaz bago tuluyang lumayo.

Mismong ang kanyang coach na si Freddie Roach ang nagsabi, at naghusgang ito ang kanyang pinakamahusay na laban. "He did everything right," ang pahayag ng coach. Ilan pang komentarista ang umayon na ang kanyang bagong-tuklas na kanan ang naging malaking salik upang hindi tumama ang mahigit na 90% na suntok ni Diaz, lahat pawang mabibigat at delikado kung nasalo ng todo ni Pacquiao sa mahabang 9-round na laban. Nabatid rin mismo ni Bob Arum ang naging paraan ng tila walang-kapagurang pagsuntok ni Pacquiao na dala ng mahusay na pag-eensayo nito. Ngunit pinina rin niya na ang hindi pag-eensayo ng Pambansang Kamao noong nandito pa siya sa Pilipinas bago lumipad sa US para sa pag-eensayo.

Matapos ang laban, kasamang nagbunyi ng bagong kampeon ang karamihan ng manlalaro ng Boston Celtics, kasama sina Kevin Garnett, Ray Allen at Paul Pierce. Ang Boston ang nagwagi ng kampeonato sa nakaraang finals ng National Basketball Association.

Sa Nobyembre ang huling laban ni Manny para sa taong ito. Sa ngayon pa lang ay tinitingnan na ang posibilidad na makalaban niya si Ricky Hatton ng Englatera, ang kasalukuyang kampeon ng International Boxing Organization sa naturang timbang. Panahon rin ang kakailanganin upang umangat si Pacquiao sa light welterweight (140lbs) para makaharap si Hatton, ngunit may paghahanda rin naman sa iba pang posibleng makasagupa niya, kauna-unahan rito si WBA super featherweight champion Edwin Valero ng Venezuela.

ibang klase talaga ang

ibang klase talaga ang kaliwa ni pacman. idol ka namin. sino kaya ang susunod na makalaban ni pacman?