News Update
KMU sa CBCP: Dagdag-na-sahod suportahan din
Ilang-Ilang Quijano
IPINAGBUBUNYI man ng KMU (Kilusang Mayo Uno) ang panawagan ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) na repasuhin ang 12% VAT (Value-Added Tax) at ODL (Oil Deregulation Law), inudyok din ng militanteng sentro ng paggawa ang mga obispo na suportahan ang pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod.
“Natutuwa kami na dininig ng mga obispo ang sigaw ng mga mamamayan. Pero kung pinag-uusapan ang temporary relief measures, dapat ipanawagan din ng CBCP ang makabuluhang dagdag-na-sahod,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Sinabi rin ni Labog na hindi lamang dapat repasuhin ang VAT at ODL kundi tuluyang ibasura.
Sa kabilang banda, wala na umanong “pagrerepaso” pa ang kailangang gawin sa P125 dagdag-na-sahod.
Ayon sa datos ng gobyerno, wala pa sa kalahati ng kinakailangan ng isang pamilya para mabuhay (P871) ang pinakamataas na minimum na sahod (P382 sa National Capital Region).
Inengganyo ng KMU ang CBCP na sumama sa alyansang Unity for P125 na kinabibilangan ng mga grupong pansimbahan gaya ng United Christian Churches in the Philippines at Young Christian Workers of the Philippines.
Sinuportahan ni Orsobispo Jaime Cardinal Sin ang pagsasabatas ng P125 dagdag-na-sahod noong 2000.
RSS