News Update

Marinero: Kailan magkakaroon ng death benefits?

Atty. Remigio Saladero Jr.

Marami sa atin ang may kamag-anak na marinero. Ang Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamaraming "seafarers" sa buong mundo.

Sadyang mahirap ang maging marinero. Tigib ng hirap at panganib ang paglalayag sa malalaking dagat sa mundo. Ngunit kung sakaling mamatay ang isang marinero ng isang "overseas vessel" sa panahon ng kanyang kontrata, may matatanggap bang benepisyo ang kanyang pamilya? Paano kung ang kanyang pagkamatay ay sanhi ng mga kadahilanang wala namang relasyon sa kanyang trabaho, magbabayad pa rin ba ang manedsment ng barko ? Ito ang katanungang tinalakay ng Korte Suprema sa kasong "Coastal Safeway Marine Services, Inc. vs. Leonisa Delgado", G.R. No. 168210 na dinesisyunan nitong Hunyo 17, 2008.

Sa nasabing kaso, chief engineer itong si Jerry sa isang barko na ang biyahe ay nasa Middle East. Limang (5) buwan pa lamang siya sa barko nang siya ay magkasakit. Pinababa siya at ginamot sa isang ospital sa Saudi Arabia ngunit siya ay namatay. Dinala sa Maynila ang kanyang mga labi.

Agad namang humingi si Leonisa, biyuda ni Jerry, ng death benefits sa kompanya. Tumangging magbayad ang kompanya. Napilitang magdemanda si Leonisa sa Labor Arbiter. Pinanalo naman nito si Leonisa. Ayon sa desisyon ng Labor Arbiter dapat magbayad ang kompanya ng death benefits kay Leonisa sa halagang US $ 50,000 at US $7,000 bawa't isa sa apat niyang anak na mga menor-de-edad.

Nag-apela sa National Labor Relations (NLRC) ang kompanya ngunit hindi nabago ang desisyon. Inakyat ng kompanya ang kaso sa Court of Appels pero talo pa rin ang kompanya. Napilitang pumunta sa Korte Suprema ang kompanya.

Bilang unang katuwiran, sinabi ng kompanya sa Korte Suprema na wala raw katunayan na ang pagkamatay ni Jerry ay sanhi ng "work-related causes". Wala raw patunay na ang sanhi ng pagkamatay nito ay dahil o may kaugnayan sa kanyang trabaho. Dahil dito, wala raw obligasyon ang kompanya na magbayad sa mga naulila ni Jerry.

Mali ang katuwiran ng kompanya, sabi ng Korte Suprema. Lahat ng kontratang pinirmahan ng mga marinero ay sakop ng "standard employment contract" na inilalabas ng Phil. Overseas Employment Administration (POEA) . Ang nilalaman standard employment contract na ito ay tinuturing na bahagi ng kontrata sa pagitan ng marinero at ng barko. Sa madaling sabi, upang malaman natin ang karapatan ng bawat panig, dapat din nating tingnan kung ano ang sinasabi ng POEA standard employment contract.

Sa POEA standard employment contract, nakasaad na ang isang marinero na mamatay sa panahon ng kanyang kontrata ay makakatanggap ng death benefits. Hindi sinasabi rito na kailangang "work connected" o sanhi ng kanyang trabaho ang dahilan ng kanyang kamatayan. Ang tanging kondisyon lamang ay kailangang mamatay siya sa panahon ng kanilang kontrata. Sa kaso ni Jerry, limang buwan pa lamang ang kanyang kontrata nang bawian siya ng buhay. Hindi pa tapos ang nasabing kontrata. Walang duda na sa ilalim nito, makakatanggap ng death benefits ang kanyang mga naulila, sabi ng Korte Suprema.

Bilang pangalawang katuwiran, sinasabi ng manedsment ng barko na may pinirmahan si Jerry na affidavit of waiver na nagsasabing walang pananagutan ang barko sa anumang mangyari sa kanya. Ganun pa man, hindi ito binigyan ng bigat ng Korte Suprema. Una, nilabas lamang ito ng manedsment matapos silang matalo sa Labor Arbiter at naka-apela na sa NLRC ang kaso. Hindi nila nilabas ito nang nakabinbin pa sa Labor Arbiter ang kaso. Sa madaling sabi, maaring gawa-gawa lamang nila ang nasabing affidavit. Pangalawa, labag sa patakarang pampubliko ang pag-ayaw sa isang karapatan na hindi pa malinaw na mapapasa-iyo. Paano aayawan ni Jerry ang death benefits na hindi pa malinaw na mapapasakanya noong ginagawa niya ang affidavit of waiver? Dahil dito, hindi binigyan ng Korte Suprema ang nasabing affidavit .

Inutos ng Korte Suprema na bigyan ng death benefits ang biyuda at mga anak ni Jerry.