News Update
Mylene, nangatal sa tuwa sa Best Actress award ng Cinemalaya 2008
Boy Villasanta
WALANG paglagyan ng tuwa si Mylene Dizon nang manalo siyang Pinakamahusay na Aktres sa katatapos na 2008 Cinemalaya Independent Film Festival na ginanap sa Cultural Center of the Philippines.
Sa Main Theater ng CCP idinaos ang gabi ng parangal noong Linggo na dinaluhan ng maniningning na bituin sa langit-langitan ng pelikulang Filipino.
Talagang nangatal sa tuwa si Mylene nang tawagin ang kanyang pangalan bilang Best Actress. Sukbit-sukbit pa nga niya ang kanyang bag pero nang paakyat na siya sa entablado ay mabuti’t may kumuha ng kanyang bag sumandali.
Pinasalamatan ni Dizon ang kanyang pamilya, ang kanyang mga kasamahan sa pelikulang “100” kung saan niya nakamtan ang parangal sa pamamagitan ng pagganap sa isang babaing malapit nang mamatay.
“Inihahandog ko ito sa aking anak at kay Lord,” pahayag ni Mylene.
***
Si Thomas ang kanyang anak kay Paolo Paraiso at ayon kay Mylene, karapat-dapat lang na ialay niya ang karangalang ‘yon para sa bata dahil inspirasyon niya ang paslit.
Pinasalamatan din ng aktres si Chris Martinez. “Nang tawagan niya ako para sa role, natuwa ako. Kahit hindi pa ako masyadong kilala ni Chris, nagtiwala siya sa akin,” sabi ni Mylene.
Simpleng-simple ang aktres ng gabing ‘yon bagamat marunong siyang magdala ng isang eleganteng katauhan.
***
Si Chris ang nagwagi bilang Best Director. Napunta rin sa kanya ang karangalang Best Screenplay para sa “100.”
Masyado anang mga hurado na siksik at consistent ang dulang pampelikula ni Martinez kaya ito ang nagwagi.
Matatandaan na si Chris ang sumulat ng “Bridal Shower” ni Jeffrey Jeturian para sa Seiko Films.
Kaya naman paham na si Martinez sa kanyang sining.
***
Best Actor si Baron Geisler kaya nang umakyat siya sa tanghalan ay gayon na lang ang kanyang kaba at nanginginig siya. Nagangatal din siya at naiiyak.
Halatang malapit na siyang bumigay sa pag-iyak sa kanyang pasasalamat. “Hindi ko po alam na mananalo ako pero naghanda rin po ako,” pahayag ni Geisler na bagamat nagbibiro ay nangangatog ang kanyang mga tuhod.
“Kukunin ko lang po ito,” patungkol sa kanyang kapirasong papel na nakasingit sa bulsa ng kanyang long-sleeved na polo na naiibabawan ng makapal na blazer na kulay gatas.
Para sa Panginoong Diyos din ang pag-aalay niya sa kanyang karangalan.
At gayundin sa kanyang pamilya. Nang kanyang banggitin ang showbiz na kanyang minahal, sinabi ni Geisler nang mangiyak-ngiyak na para sa kanyang mga kasama sa showbiz ang tropeyong ‘yon na kung tawagin ng Cinemalaya ay Balanghai.
***
Mahusay at intense ang pag-arte ni Baron bilang baklang peryodista sa “Jay” kaya naman ibinigay sa kanya ng mga lupon ng inampalan ang karangalan.
Pati naman si Geisler ay nagpapasalamat at nabigyan siya ng ganitong pagkakataon.
Halos liparin nga niya ang entablado para lang makapagsalita at tanggapin ang kanyang parangal.
***
Best Supporting Actress si Eugene Domingo para sa “100” at kahit na seryoso ang papel na kanyang ginagampanan sa obra ni Chris ay nakapagpatawa naman siya sa kanyang talumpati. “Thank you so much to the jurors who recognize my body,” patawa ng komedyante na mula sa teatro.
Malaman ang sinabing ‘yon ni Eugene kahit na nagpapakuwela siya. Hindi nga ba’t ang Tagalog sa body ay katawan? At ano ang ibig sabihin ng katawan o body sa pag-arte? Ito ang instrumento ng bawat aktor at aktres sa kanyang hanapbuhay maging saan, maging sa showbiz.
Ang katawan ang nagbibigay ng di-matingkalang grasya, ang katawan ang puhunan ng bawat tao sa kanyang paggawa kahit na saang larangan kaya matalinhaga ang paramdam na ‘yon ni Domingo.
***
Aminado si Eugene na ang Best Supporting trophy niya ang maagang pa-birthday sa kanya na ipagdiriwang niya sa araw na ito, Miyerkules. Bukod sa pagdi-display ni Domingo ng kanyang tropeyo sa kanyang sala sa araw ng kanyang kumleanyo, magsisimba na lang ang bituin.
“Mas mabuti na ‘yon, di ba?” sabi niya.
Pinasalubungan siya ng masigabong palakpakan ng mga manonood sa bulwagan.
Ang ibig sabihin ay malawak ang nalalaman ni Eugene sa pagganap.
***
Best Supporting Actor naman si Yul Servo para sa “Brutus” ni Tara Illenberger.
Mahusay ang pagtalakay ni Yul sa kanyang papel na miyembro ng New People’s Army sa Mindoro.
Masyadong makakalikasan ang pelikula at ito ang puhunan at sentro ng diskusyon ng obra kaya naman pinagkalooban ito ng Special Jury Prize.
“Pampito ko na itong award,” pahayag ni Yul na konsehal din ng Maynila na kasalukuyang kontrobersiyal nang mag-walk out sila at kumalas nang simboliko sa liderato ni Mayor Alfredo Lim sa Maynila.
***
Best Film ang “Jay” ni Francis Xavier Pasion dahil ani Manunuri ng Pelikulang Pilipino at isa sa mga hurado ng Cinemalaya 2008 na si Lito Zulueta ay nagpapahiwatig ng pagtalakay sa makabagong midyum ng teknolohiya ng digital samantalang tinatalakay rin nito ang midyum ng alternatibong pormat ng video.
“Maganda ang pelikula dahil ito ay nangahas na makaigpaw sa limitasyon ng teknolohiya,” pahayag ni Zulueta na sinabi niya sa Ingles pero iniakma ng may-akda sa Filipino.
***
Audience Choice din ang “100” na ang ibig sabihin ay naibigan ng madlang manonood na nahirati na sa mga komersiyal na panoorin pero dumating ang makapagsasalba ng pagkamatay ng komersiyal na pelikula sa Pilipinas.
Samantala, Best Sound Design naman ang “Ranchero” ni Michael Christian Cardoz at Best Production Design naman ang “Baby Angelo” nina Joel Ruiz at Abi Aquino na idinisenyo naman n Cristina Honrado.
Nagtabla sa Best Cinematography sina Jay Abello para sa “Brutus” at Dan Villegas para sa “Huling Pasada.”
Best Original Musical Score si Joey Ayala para sa “Brutus.”
***
Bongga rin ang mga nagwagi sa Short Film category.
Nakamtan ni Rommel Tolentino ang Best Film para sa kanyang “Andong” samantalang Special Jury Prize ang “My Pet” ni Anna Bigornia. Best Director si Mark V. Reyes para sa “God Only Knows” na nanalo rin bilang Audience Choice Award.
Special Jury Citation ang “Angan-Angan (Dreams)” ni Sheron R. Dayoc.
Binabati namin ang lahat ng mga nagwagi sa parangal na ito ngayong taong ito.
Kaya ng Filipino na buhayin ang patay nang lokal na industriya ng pelikula.
Kaya sa pamamagitan ng digital films, namamayagpag ang showbiz.
RSS