News Update
Nanganganib sa Iraq
SA TABI ng kalsada, nakita niya ang pira-pirasong bahagi ng
helikopter at tangke. Minsan, bangkay. Nang unang makita ito ni Jonathan Abad,
35 anyos, ramdam agad niya ang panganib: Nasa gitna siya ng pinakamapanganib na
lugar sa mundo – Iraq.
“Masyadong risky,” pailing na kuwento ni Jonathan, hinggil sa karanasan niya sa pagmamaneho ng trak ng langis sa Iraq. Ang masama rito, hindi man lang sumagi sa isip niyang mapupunta siya sa gitna ng giyera. Taong 2006 nang nag-aplay at matanggap siya bilang drayber sa Al Jassim Transport Co., isang kompanya sa Kuwait. Daan-daan silang Pilipino na napasok bilang drayber sa Al Jassim.
Pagpasok sa Iraq
Isa ang Al Jassim sa mga nakontrata ng militar ng US para sa transportasyon ng langis sa iba’t ibang kampong militar nito. Nakabase ito sa Safat, Kuwait.
Inilarawan ni Jonathan ang pangkaraniwang araw niya bilang drayber ng trak sa Kuwait:
“Halimbawa, aalis kami ng madaling araw, ta-transfer kami sa Camp Virginia. Makakarating kami roon ng alas-kuwatro ng hapon.”
Camp Virginia ang isa sa maraming kampong militar ng US sa silangang bahagi ng Kuwait. “Mula Camp Virginia, tatlo hanggang limang oras papuntang Iraq, depende sa dala namin,” kuwento pa ni Jonathan.
Sa daan, dalawang bagay ang lubos na ikinakatakot ng mga drayber: sumabog ang sasakyang minamaneho nila (langis pa naman ang dala), o tamaan sila ng bala sa biglang palitan ng putok sa pagitan ng mga rebeldeng Iraqi at mga sundalong Kano. “Isa sa pinangangambahan namin ang roadside bombing, o di kaya’y RPG (rocket propelled grenade,” sabi pa ni Jonathan.
Sa Camp Cedar (matatagpuan sa timog ng Baghdad, Iraq) nila dinadala ang mga transport. “Mga isa’t kalahating araw kami sa Camp Cedar, tapos babalik na ng Kuwait. Sa trak lang kami natutulog,” sabi pa ni Jonathan.
May kilala si Jonathan na mga kapwa Pinoy na nagmamaneho patungong Baghdad at maging Fallujah sa Iraq. Matatandaang Fallujah ang isa sa pinakasentro ng insureksiyon ng mga rebeldeng Sunni laban sa tropang Kano.
Dito rin nadukot ng mga rebeldeng Iraqi ang Pinoy na drayber na si Angelo dela Cruz noong Hulyo 7, 2004.
Ban sa Pinoy
Batid niya na may idineklarang ban ang gobyerno ng Pilipinas na pumasok ng Iraq ang mga Pinoy: Nakatatak ito sa mga pasaporteng iniisyu ng DFA (Department of Foreign Affairs).
“Pero balewala ’yan (ang ban),” aniya. Sa Camp Virginia, inisyuhan sila ng border-crossing ID ng militar ng US. Pagdating sa border ng Iraq mula sa Kuwait, papasok sila sa entrance na eksklusibong dinadaanan ng mga sasakyan ng militar ng US. Dito, tsinetsek ng bantay ang border-crossing ID. Samantala, sa “normal” na entrance na binabantayan ng gobyerno ng Iraq tsinetsek ang pasaporte at hinaharang ang sinumang may pasaporteng may ban sa Iraq, tulad ng sa Pilipinas.
Sigurado si Jonathan na batid ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait ang pagpasok nila araw-araw sa Iraq. Ilang beses na rin nila inireklamo ito sa embahada at sa mismong mga employer sa Al Jassim. Wala kasi sa kontratang nilagdaan nila na nagsasabing bahagi ng magiging trabaho nila ang pagmaneho patungo sa nasabing mapanganib na bansa.
Sinikap kontakin ng Pinoy Weekly sa pamamagitan ng e-mail ang embahador at mga konsulado ng Pilipinas sa Iraq, pero hindi nila ito sinasagot hanggang sa isinusulat ang artikulong ito.
Ikinulong
Abril ngayong taon nang pormal na inireklamo ng nagkaisang mga manggagawa ng Al Jassim ang mapanganib ng pagmamaneho nila patungong Iraq. Bukod dito, inilaban ng mga empleyado mula sa iba’t ibang nasyunalidad ang pagtaas ng suweldo mula 100 hanggang 110 KD (Kuwaiti dinars) patungong 250 KD kada buwan, pati ang pagtaas ng kanilang trip allowance.
Dahil istrikto ang gobyernong Kuwait sa mga manggagawa nito na nagwewelga, tinawag ng mga manggagawa ng Al Jassim na sit-in protest ang pagpapahayag nila ng protesta laban sa kompanya.
Nagpatulong ang mga manggagawang Pinoy sa embahada ng Pilipinas hinggil sa kanilang sitwasyon. Isa ang Migrante International, militanteng organisasyon ng mga migrante, sa mga nakipag-ugnayan sa mga Pinoy na opisyal.
Pero nabigo sila. Ayon kay Gina Esguerra, coordinator ng Migrant Assistance Committee ng Migrante, kinontak ng kanilang tagapag-ugnay sa Kuwait ang embahador, pero “pinatayan siya ng cellphone” nang tinatawagan na nito ang mga opisyal.
Nang kalauna’y sumagot na ang embahada at dininig ang reklamo ng mga Pinoy hinggil sa pagpasok sa Iraq, sinabi umano ng mga opisyal na wala silang magagawa. Maaari lamang nilang pagalitan ang recruitment agency na BMWIMS na nagpasok sa mga Pinoy, pero hindi nila puwedeng ireklamo ang Al Jassim.
Samantala, noong Abril 19, pitong manggagawang Pinoy ang pinaaresto ng manedsment ng Al Jassim dahil pinamunuan umano nila ang protesta.
Isa si Jonathan sa mga inaresto. Kagagaling pa lamang niya ng biyahe mula Iraq nang kumpiskahin ng mga tauhan ng manedsment ang kanyang susi sa minamanehong trak. “Pinatawag kami ng manedyer sa opisina. Ang akala namin, kung ano lang. ’Yumpala, ang ginawa ng amo, sinabi sa pulis na nanggugulo raw kami. Pinaaresto kami,” ani Jonathan.
Laki ang pagtatampo niya sa mga opisyal ng embahada. “Kung hindi pa pinukpok ng Migrante, hindi pa kikilos para makalaya kami,” ani Jonathan. Halos isang buwan silang nakulong. “Ang usapan (sa embahada), pauuwiin kami, pero walang problema dahil makakabalik. Pero pagdating namin sa Pilipinas, nalaman naming blacklisted na kami sa Kuwait.”
Wala siya halos na naiuwi sa pamilya sa Iba, Zambales. Samantala, tatlong buwan matapos pauwiin sa bansa, sariwa pa rin kay Jonathan ang alaala ng lagim sa Iraq at Kuwait.
Nangangamba rin siya sa mga Pilipinong nanatili sa naturang kompanya at sa naturang kalagayan: “Inaalala ko sila na nasa panganib pa rin ngayon.”
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version

RSS