News Update
Nasaan ang mga nagpoprotesta?
Carol Pagaduan-Araullo
Ang publiko ay kinokondisyon para mag-isip na kung magaganap ang malalaking protesta – organisado man o ispontanyo, sulsol lamang ang mga iyon ng “mga kaaway ng estado.” Ang totoo, ang gayong mga protesta ay lehitimong pagtutol sa pagtutubong-lugaw ng mga kompanya ng langis at paglalahad ng demokratikong karapatan ng mga mamamayan. Ang totoo, inilalatag na ng gobyernong Arroyo ang kalagayan para sa mas malulupit na hakbangin para sagkaan o durugin ang namumuong alon ng protestang masa.
Ang pagpasok ng Isafp sa Energy Contingency Task Force ay nagbibigay din sa militar ng plataporma para maglunsad ng digmang sikolohikal. Minamaliit ni Brig. Gen. Romeo Prestoza, hepe ng Isafp at dating pinuno ng Presidential Security Command, ang posibilidad na magra-riot ang mga nagugutom. Paliwanag niya, dahil ang mga Pilipino ay “mature na mamamayan” na, hindi sila hahantong sa gayong “sagad” na hakbangin. Nagbubulag-bulagan si Hen. Prestoza sa katotohanang ang gutom at pagkabusabos ay sagad na kalagayang nagtutulak na sa mga tao para gawin ang sagad na sakripisyong ipagpaliban ang pang-araw-araw na paghahanapbuhay para tumindig laban sa mga patakaran ng gobyerno na sanhi ng kanilang abang kalagayan.
Naipauna na ng hepe ng Isafp ang napakatalinong pampulitikang pagtatasa na tanging ang “maingay” na mga grupong militante ang nagpoprotesta, pero “satsat lang sila nang satsat, hindi naman nagbibigay ng solusyon.” Pero inaamin din niya na nagseseminar pa ang mga pangkat ng Isafp para maunawaan “nang masinsinan” ang krisis sa enerhiya at pagkain. Siguro’y pagkakaabalahan ng mga ahente ni Hen. Prestoza na bisitahin ang website ng mga grupong ito, halimbawa, ang http://www.bayan.ph/; nariyan ang kanilang napakaraming praymer at pahayag, kasama na ang kongkretong mga panukala at programa na puwedeng makapagpagaan sa pagdurusa ng mga mamamayan sa kagyat at matagalan.
Kamakailan, sinabi sa isang news feature na may titulong “Where have all the protesters gone?” ng isang mayor na peryodiko na ako, bilang tagapangulo ng Bayan, ay naniniwalang “mas pinipili na lang ng mahihirap . . . na tiisin ang paghihirap” sa halip na magprotesta; na kahit ang mga aktibista ay abalang-abala sa paghahanap ng pera kaya hindi na sila makatupad sa importanteng tungkuling magmulat sa masa at magpakilos sa kanila tungo sa pagpapagaan at pagresolba sa kanilang mga problema. Pagkatapos, ginamit ng artikulo ang diumano’y pagtinging ito para suportahan ang linyang psywar ng Malakanyang na masunuring inilahad ng pinuno ng paniktik ng militar.
Una sa lahat, hindi totoo ang palagay na tumigil na ang mga protesta at naglahong parang bula ang mga nagpoprotesta. Nagpapatuloy ang mga protesta at walang dahilan para tuluyan silang maglaho. Pero totoong umaasa ang marami na magkakaroon ng mas malalaki at mas madalas na mga protesta dahil sa tindi ng krisis sa ekonomiya at sa lalim ng pagkakalantad ng mga anomalya sa gobyerno. Sinakmal at sinamantala ng gobyerno at mga tagapagtanggol nito sa midya ang tila apathy na ito sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagtutulak ng linyang “napapagod na ang mga tao” sa mga protesta, lalo na sa people power, at gusto nilang ang gobyerno ang magresolba sa mga suliranin ng bansa.
Kahit gaano pa magtagumpay ang gobyerno sa pagpapalaganap sa linyang ito at sa pag-imbento ng itsura ng mga mamamayang kontento, hindi ito makakalikha ng ilusyon ng mahusay na pamamahala sa ekonomiya, lalo na ng pagpapagaan sa kahirapan ng mga mamamayan.
Kung gayon, bakit ang mga tao, lalo na ang mga sektor na pinaka-pinagsasamantalahan at pinakaapi, ay hindi pa bumubuhos sa lansangan nang daan-daang libo para ipresyur ang gobyerno na baligtarin ang mga patakaran at programa nitong kontramamamayan?
Sa kasamaang palad, nakakapanlinlang pa ang rehimeng Arroyo para maghugas-kamay. Kapag maganda, bagamat dinoktor, ang mga indikasyong pang-ekonomiya, inaangkin ng gobyerno ang karangalan kasabay ng di-katanggap-tanggap na paliwanag kung bakit hindi nararamdaman ng mga mamamayan ang diumano’y mga ganansiyang ito. Kapag may di-maitatangging pagbagsak, sinisisi naman ang mga puwersa ng merkado ng daigdig na hindi kontrolado ng gobyerno.
Gayundin, kinakaya pa ng rehimen na pagtakpan ang marami sa mga krimen nito mula sa “Hello Garci” na malawakang pandaraya sa eleksiyon; hanggang sa ekstrahudisyal na pamamaslang, tortyur at pagdukot; hanggang sa mga eskandalo ng dambuhalang korapsiyon tulad ng kontratang NBN-ZTE; at ang kulelat, kalunus-lunos at kapos na mga hakbangin sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Frank.
Kinaya nitong gamitin ang malawak nitong rekurso at awtoridad para sawatain ang impeachment sa Kongreso; gamitin ang Korte Suprema para payagan ang Ehekutibo na gumawa ng mga krimen sa balatkayo ng “pribilehiyong pang-ehekutibo”; mangidnap ng mga whistleblower at panatilihin silang tahimik; iligtas sa imbestigasyon at kaso ang maysalang mga opisyal at kroni sa negosyo; punuin ang bulsa ng mga oportunista sa pulitika at carpetbaggers na nagpapanggap na responsableng mga opisyal ng gobyerno; pag-apawin ang kaban ng simbahan para sa imoral na mga obispo at taong-simbahan na handang magbulag-bulagan sa kasamaan; panatilihing matapat ang tiwali at di-prinsipyadong mga heneral sa kanilang kasing-tiwali at kasing-baluktot na Punong Komander; protektahan ang pang-ekonomiyang interes ng mga dayuhan at lokal na Malalaking Negosyo at panatilihin silang “apolitikal”; at magsunud-sunuran sa kagyat at matagalang mga interes ng US kapalit ang basbas na pampulitika at pagpapalaki ng ayudang pinansiyal.
Hindi rin maitatanggi ang nakakapilay at mapanirang epekto ng walang humpay na kampanya ng panunupil at terorismo ng gobyerno sa mga eryang rural gayundin sa mga komunidad ng maralitang tagalungsod; sumira sa kanilang kabuhayan at naglagay sa kanila sa grabeng kahirapan at kawalang-katiyakan; at nagdulot din ng walang kalutasang mga pagpatay, ilegal na pag-aresto at matinding panliligalig sa mga lider at organisador ng mga mamamayan at kanilang mga tagasuporta sa panggitnang mga uri.
Bagamat sa kagyat ay nagtagumpay nga ang mga hakbanging ito para hadlangan ang malalaking protestang tulad ng mga pumutok noon, hindi pa rin nito natanggal ang sanhi ng galit. Taliwas dito, lalo lang pinatapang ng iniluwal na impunity ang mga kriminal para gumawa ng mas masasahol na krimen.
At bagamat nasusuklam ang malawak na mayorya ng mga mamamayan sa kabulukan at pagkaganid ng rehimeng ito; at bagamat iginigiit nila ang pundamental na mga pagbabago sa sistema, nagdududa rin sila sa mabilisang mga solusyong ipinapangako ng mga grupong kontragobyerno na nagpopokus lang sa panawagan para palitan ang pangulo o administrasyon. Naghahanap sila ng tunay, matagalang mga solusyon sa kronikong mga suliranin ng isang naghihingalong lipunang pana-panahong kinokombulsiyon ng malala at pabalik-balik na krisis. Ipinapakita nito ang tunay na pampulitikang maturity ng mga mamamayan at dapat ituring na hamon ng mga grupong tumututol sa rehimeng Arroyo.
RSS