News Update
Osang, balik-pelikula; Anita, pinarangalan; Perla, inoperahan
Boy Villasanta
PAGKATAPOS ng maraming taon na wala siyang pelikula dahil na rin sa disyerto na ang paggawa ng pinilakan tabing ngayon at iba na ang estado niya sa pag-aartista, nagbabalik-pelikula si Rosanna Roces.
“Atat na atat na akong umarte. Nais ko nang ibuga ang nasa ilalim ko,” marubdob na pahayag ni Rosanna kamakailan sa pagbubukas ng 2008 Cinemalaya Independent Film Festival na ginaganap sa Cultural Center of the Philippines.
Sinabi ni Roces na kinakalawang na siya sa pag-arte kaya kailangan niyang linisin ang kanyang tubo ng sining.
Kaya tinanggap agad niya ang pakikitambal kay Piolo Pascual sa modernong bersiyon ng walang kamatayang obra ni Ishmael Bernal na “City After Dark” na ginawa ng National Artist for Film na unang tinituluhang “Manila By Night” noong 1980.
Hindi kasi naibigan ng dating unang ginang na si Imelda R. Marcos ang pananaw niyang negatibong implikasyon ng pamagat sa pagtingin ng daigdig sa Pilipinas kaya pinadisaprubahan niya ang pelikula.
***
“Excited ako at makakasama ko si Piolo sa pelikula. Dream come true ito sa akin. Siya pa rin ang pumili sa akin,” pahayag ni Rosanna.
Hindi niya maikubli ang kanyang kaligayahan sa paggawa ng pelikula ni Adolf Alix, Jr.
“Kaya inspirational ang 2008 para sa akin. As soon as possible, gagawin na namin ang pelikula,” susog ni Roces.
Ayon kay Osang, gagawa rin siya ng pelikula kasama sina Anita Linda at Katherine Luna, ang “Palahian” na ididirek din ni Adolf.
***
Napapag-usapan na rin lang si Anita.
Siya ang nasa title role ng “Adela” na siyang nagbukas ng kasalukuyang Cinemalaya.
Ginagampanan ni ni Linda ang papel ng isang balo at nagsosolong nabubuhay sa isang barung-barong sa gitna ng basurahan.
Pinarangalan ng Cinemalaya si Ms. Linda sa pamamagitan ng pagbibigay ng karampatang pagpuri sa kanyang papel.
***
Samantala, aminado si Osang na bilib siya sa kahusayan ni Ms. Linda sa pagganap.
Ayon kay Rosanna, isa si Aling Anita sa kanyang idolo sa hanay ng mga beteranang artista.
Pero ayon sa kanya ay si Perla Bautista ang talagang naging maestra niya sa pag-arte.
Kasama rin si Perla sa “Adela” bilang isang biyudang hindi na rin naaalala ng kanyang mga anak at apo kaya nakisama sa isang bagets na lalaki na nagpapaligaya sa kanya nang seksuwal.
***
Mas bata, mas sariwa, mas maganda at mas seksi si Osang ngayon. “Hindi na kasi ako naglalalabas ng bahay. Sa pag-aalaga ng mga apo ko ako nawiwili. Nanganak na ang misis ni Onyok kaya dalawa na ang apo ko,” masayang ulat ng aktres.
Leon Alonzo anya ang pangalan ng anak ni Onyok at ipinakita pa niya ang larawan ng bata sa kanyang cellphone.
Malusog na malusog ang kanyang apo kaya naman inspirado ang seksing aktres.
Sagana rin anya siya sa pag-ibig pero ayaw naman niyang sabihin kung sino ang lalaking nagpapaligaya sa kanya ngayon.
***
Bagamat lumipas na ang kirot, sinabi ni Perla na siya ay inoperahan sa kanyang mga suso nang madiskubre ng doktor na may cyst ang kanyang mga dibdib.
Noon din ay nagpunta siya sa surehano at ipinatanggal ang mga bukol na ‘yon.
Kaya lang, kasyang-kasyang masyu-shooting siya ng “Adela” kaya kahit hindi pa naghihilom ang sugat ay napasabak na siya sa trabaho.
E, ang eksena ay yayakapin siya nang mahigpit ng lalaking kanyang katalik kaya napatiis na lang sa sakit si Baby, palayaw ni Bautista.
Mabuti na lang at hindi cancerous ang mga bukol kundi benign lang.
“Salamat sa Diyos at walang masamang epekto,” sabi ni Perla.
***
Samantala, maraming artista at taga-showbiz ang dumalo sa pagbubukas ng Cinemalaya kabilang sina Chanel Latorre at Zach Urdaneta na kapwa tampok sa “Latak” ng Outline Films sa direksyon ni Jowee Morel.
Nandoon din si Jao Mapa at Racquel Villavicencio.
Nakibahagi rin sa okasyon sina Joel Lamangan, Mel Chionglo, Gil M. Portes, Miguel Castro, Danny Dolor, Felino Tañada III, Ellen Ongkeko-Marfil at marami pang iba.
Nais sanang manoon ni Jowee pero ang dami niyang ginagawa kabilang ang pag-i-edit ng “Latak” na ipapalabas sa UP Film Institute Cine Adarna sa Diliman sa Quezon City sa ika-21 ng Agosto sa ganap na ika-7 ng gabi.
***
Masyadong masigasig ang kabataan sa partisipasyon sa Cinemalaya kaya taun-taon ay parang umuusad ang pagtangkilik ng publiko sa taunang makasaysayang pagtitipon na ito.
Makikita mo na karamihan sa mga nagsipanood ay mga kabataan at estudyante sa mga unibersidad sa buong kapuluan. Nandoon ang mga mag-aaral sa UP, FEU, UST, St. Scholastica’s College, De la Salle University, Ateneo at marami pang iba.
Talagang buhay na buhay ang showbiz.
Talagang may kinabukasan pa ang pelikulang Pilipino.
***
Nagdiwang naman ng kaarawan si direktor Arman Reyes kamakailan kasabay ang selebrasyon ng kapwa niya direktor na si Senedy Que, ang sikat na mandudulang pampelikula ng “Mga Munting Tinig” ni Gil na pinanghunahan ni Alessandra de Rossi.
Sa hardin ni Senedy ginanap ang pagtitipon at dinaluhan nina Maryo J. de los Reyes, Jake Tordesillas, Piolo Pascual, Mark Bautista, Adolf, Ronald Arguelles ng Cinema One, Baron Geisler at marami pang iba.
Ayon kay Arman, siya ang assistant director ni Senedy na katatapos lang ng “Dose,” ang kuwento ng isang batang labindalawang taong gulang na bading at nagkagusto sa maraming lalaki.
Sa katunayan, sa imbitasyon sa birthday party ay nagyayaya ang mga may birthday na mga dose anyos na lalaki ang magsisilbi sa mga bisita.
***
Kasabay namang nagdiwang nina Arman at Senedy ang peryodistang pampelikula na si Ricky Calderon sa Music 21.
Dumalo ang maraming movie press mula sa magkatunggaling Philippine Movie Press Club at Enpress.
Gayundin, nandoon si Malou Choa-Fagar na imbiyernang-imbiyerna pa sa movie reporter na si Ernie Enrile na nagpakalat sa text na patay na ang Executive Producer ng “Eat Bulaga” nang dahil sa kanilang tunggalian.
Sumunod sa piging ni Ricky si Maryo J. kasama ang isa sa mga miyembro ng M-Gage.
***
Buhay na buhay ang peryodismong pampelikula sa bansa dahil ang daming pelikula.
Kaya hindi totoo na patay na ang showbiz dahil pumipiglas pa ito nang todo.
Ang Cinemalaya ay isa sa mga sukatan na nand’yan pa ang showbiz at mananatili hanggang sa dulo ng panahon.
Matatapos ang film event na ito ng CCP sa ika-20 ng Hulyo.
RSS