News Update
Overkill
Carol Pagaduan-Araullo
Ipinapakita ng pagbisita sa US ni Gloria Arroyo, presidenteng de facto, sa gitna ng pambansang trahedyang idinulot ng bagyong Frank, na mas interesado siya sa kanyang kaligtasan kaysa sa daan-daang libong pamilyang Pilipinong apektado ng kalamidad; at itinuturing niyang mas mahalaga ang suporta ng US kaysa sa suporta ng sambayanang Pilipino.
Ano bang napakahalaga sa diumano’y “working
visit” sa US
ni Gng. Gloria Arroyo at hindi niya kayang putulin ang pagdalaw sa harap ng
pagkawasak sa maraming probinsiya, huwag nang banggitin ang paglubog ng MV
Princess of the Stars?
Ang rurok ng pagbisita ay ang 35 minutong pakikipagpulong ni Gng. Arroyo kay
Pres. Bush ng US na “nagpatibay” sa malapit na pagtutulungan ng Pilipinas at
Estados Unidos sa seguridad sa pagkain, depensa, at pang-ekonomiyang
pag-unlad.”
Ano ba iyon, sa totoong buhay?
Ayon sa Malakanyang, nakiramay si G. Bush sa mga pamilya ng mga biktima ng trahedya at inianunsiyo ang pagpapadala ng aircraft carrier na USS Ronald Reagan “at iba pang kagamitang pandagat” para tumulong. Nangako si G. Bush ng “pagkain para tulungan ang Pilipinas sa suliranin nito sa bigas.” Tinalakay nila ni Gng. Arroyo ang “kagustuhang sumulong… nang bilateralmultilateral sa mga adyendang pangkalakalan.” Ginamit ni Gng. Arroyo ang pagkakataon para idiing “malakas at malusog” ang ugnayang US-Pilipinas at nagtutulungan ang dalawang gobyerno “para magtatag ng maunlad na Pilipinas, ang sulo ng demokrasya sa Asya.”
Wala namang makayanig-mundo, batay sa opisyal na mga ulat. Wala namang hindi mapapag-usapan sa pamamagitan ng karaniwang lagusang diplomatiko o kahit ng videoconferencing. Ang totoo, sinasabi pa nga ng Malakanyang na sa pamamagitan ng huli, kinaya ni Gng. Arroyo na “makatutok” sa operasyon ng pagtulong at pagliligtas habang libu-libong milya ang layo sa bansa.
Pero hintay! Sinabi ng isa sa mga tagapagtanggol ni Gng. Arroyo, si Rep. Antonio Alvarez ng Palawan, na “dahil nagawa (ni Gng. Arroyo) na personal na manawagan ng tulong kay Pres. Bush, isang barkong may kakayahang panghimpapawid, na mas malaki sa pinagsamang kakayahan ng mga bansang Asean, ang tutulong sa pagliligtas.” Natangay ng kanyang lohikang mas mahusay ang mas malaki, sinabi pa ni G. Alvarez na dahil magpapadala ang US ng carrier strike group na mas malaki sa ipinadala nito sa Myanmar at Tsina, “na namatayan sa kanilang lindol at bagyo ng mas marami sa namatay sa bagyong Frank,” malinaw na may mataas na paggalang si Pres. Bush sa kanyang bosing na si Gng. Arroyo.
Sa mabilis na pagsasaliksik sa internet, napag-alaman natin na binubuo ang carrier strike groupaircraft carrier na isang “warship na idinisenyo para pangunahing mag-deploy at magpabalik ng aircraft” at isa o dalawang guided missile cruisers, isang guided missile destroyer, isang guided missile frigate, isa o dalawang submarinong pang-atake at pinagsamang pamutok, oiler, at barkong pansuplay.
Sabi ni Sen. Rodolfo Biazon, dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, “Hindi idinisenyo ang aircraft carrier para sa pagliligtas. Isang barkong estratehiko at pandigma ang USS Ronald Reagan na ang pinakamagandang bahagi ay aircraft, ang F-18s. Ano ang magagawa ng mga F-18 sa pagsisikap na magligtas?”
Dagdag pa ng Wikipedia, “Nakalaan ang CSG para gumawa ng alinman sa maraming tungkulin, na pawang sangkot sa pagkuha at pagkontrol sa dagat, tulad ng pagtatanggol sa mga barkong pang-ekonomiya o pangmilitar; pagprotekta sa isang pandagat na puwersang amphibious; pagpapakita ng presensiyang pandagat sa pagsuporta sa pambansang mga interes; at pagpapakita ng lakas.”
Hindi ba’t dapat lang isipin ng ating mga lider pampulitika ang simpleng mga tanong tulad ng: Makakatulong ba talaga ang ayudang inialok? Kung hindi, ano kaya ang mga dahilan sa likod ng kapansin-pansing overkill sa pagtulong?
Hindi na nakakagulat na ginagamit ng gobyerno ng US, sa pagsang-ayon ng gobyerno ng Pilipinas, ang makataong pagtulong kapag may kalamidad sa pagkokondisyon sa kaisipan ng publiko para di-kritikal na tanggapin ang presensiya at paghimpil ng mga puwersa at kagamitang pandigma ng US sa bansa, kasama na ang mga karagatang teritoryo nito. Iba pa ito sa pamilyar na at pekeng palusot ng “giyera kontra-terorismo.”
Ang pagpapadala ng USS Ronald Reagan at mga eskorteng warship ay walang iba kundi ang tusong pagsasamantala sa matinding pangangailangan ng bansa sa panahon ng krisis para isulong ang estratehikong mga layuning pampulitika’t pangmilitar ng US sa rehiyon.
Samakatuwid, ang masasahol na implikasyon ay higit sa halaga ng publisidad ni Gng. Arroyo sa balatkayo ng isang “working visit.” Bahagi si Gng. Arroyo ng mas malawak na pagbubukas ng pinto sa isang agresibo at paladigmang Superpower para sa pakikialam nitong pangmilitar sa Pilipinas at kanugnog na mga bansa. Bahagi ang kanyang rehimen ng malinaw na paglabag ng gobyerno ng US sa pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.
RSS