News Update
Pagbabalik tanaw sa mga kampeong Pilipino
SA EUPHORIA ng kakatapos na pag-akyat ni Manny Pacquiao sa entablado ng kasaysayan, nararapat rin naman sanang balik-tanawan ang mga kampeong pinaglipasan na ng panahon at alaala.
Kauna-unahang kampeong Pinoy
Ipinanganak bilang Francisco Guilledo, umangat si Pancho Villa mula sa kahirapan hanggang mapanalunan ang World Flyweight boxing championship noong 1923.
Ang tinaguriang "greatest Asian fighter in boxing history" ng ilang kritiko ay isang anak ng tagapag-alaga ng alagaing hayop. Isinilang siya noong Agosto 1, 1908 sa Ilog, Negros Occidental. Nilayasan ang kanyang pamilya ng kanyang ama nang siya'y anim na taon lamang, at lumaki sa isang asyendang katu-katulong ang kanyang ina sa pag-aalaga ng kambiing.
Pumunta siya sa Iloilo nang siya'y 11 taon lamang, at ginawang trabaho ang paglilinis ng sapatos bilang kabuhayan. Nagkaroon siya ng isang kaibigan na boksingero, at tumungo sa Tondo. Dumami ang kanyang kaibigan roon at nakuha ang atensiyon ng ilang aficionado ng boksing. Noong 1919 napanalunan ni Villa ang kanyang unang laban bilang propesyonal na boksingero laban sa isang Kid Castro. Dalawang taon matapos iyon, napanalunan na niya ang kampeonato ng Philippine Flyweight nang patumbahin niya ang isang tinaguriang "Terrible Pondong." Muntik na niyang talikuran ang boksing nang tanggihan siya ng kanyang nililigawan, at bumalik sa Negros upang magretiro noong 1922. Ang karamihan ng tagahanga niya ang nagpabalik sa kanya sa ring.
Marahil sa mga panahong ito nanggaling ang kanyang pangalan sa loob ng ring. Dalawang prominenteng pigura sa kasaysayan ng boksing ang naging katuwang ni Villa, sina boxing promoter Frank E. Churchill na nakabase sa Maynila, at si Paquito Villa na isang ice plant executive at boxing manager. Isang bersiyon ng kuwento ay nagsasabing legal na inampon ni Paquito si Guilledo mula pa 1918 at pinangalanan siyang Pancho. Ang isa nama'y si Churchill ang nagpalit ng pangalan ni Guilledo, hango sa isang gerilyang Mehikano.
Maaaring ang rekord ni Pancho Villa ang nagbansag sa kanya bilang "greatest Asian fighter in boxing history." Hindi siya tumumba sa loob ng kanyang karera. Napanalunan niya ang kanyang unang laban sa labas ng bansa noong 1922 kay Abe Attel Goldstein. Isinunod niya si Frankie Genaro, ang kanyang panalo ay nagbunsod ng pagkuha ng atensiyon ng mga afficionado ng boksing. Isinabak siya kay Johnny Buff upang lumaban sa kampeonato ng American flyweight, at inagaw ang korona sa loob ng 11 rounds nang pabagsakin niya ang kampeon.
Natalo man siya ni Genaro sa sumunod na taon upang mawala sa kanya ang korona ng American flyweight, malaking kritisismo ang tinanggap ng naging desisyon ng naturang laban. Sa panahon na ito, lumalaki na ang popularidad ng boksingerong Pinoy. Hindi pinagbigyan si Genaro na labanan si Jimmy Wilde, isang dating kampeon ng flyweight na nilisan ang kanyang pagreretiro upang lumaban sa noo'y bakanteng kampeonato sa world flyweight. Mas maalingawngaw ang sigaw ng "Viva Villa!" ng humigit sa 20,000 na nanood, sa pagpapatulog ni Villa kay Wilde sa ikapitong round.
Matagumpay ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas, at pagdalaw sa kanyang kinalakhan sa Iloilo. Hindi niya binitiwan ang korona ng ilang ulit na depensa rito. Isang laban ang kanyang tinahak sa Maynila noong 1924, laban kay Clever Sencio. Hindi alintana ng mga nanood noon na natunghayan na nila ang huling pagwawagi ng kampeon sa sariling bansa nito.
Isang non-title na laban ang itinaya niya kay Jimmy McLarnin noong July 4, 1925. Bago iyon, namamaga ang kanyang ngipin, at pinabunot niya ito. Kahit namamaga pa ang kakabunot na parte ng kanyang bibig, itinuloy niya ang laban, at natural na natalo siya. Ilang araw matapos iyon, nagpabunot pa siya ng ilan pang ngipin nang matukoy ang impeksiyon. Isinugod siya sa ospital July 13, 1925 nang kumalat na ang impeksiyon na nagresulta sa tinatawag na Ludwig's angina. Na-coma siya at namatay sa sumunod na araw. Siya ay edad 23 noon, sa rurok ng kanyang katanyagan at karera.
Ang kauna-unahang internasyonal na kampeon
Pero hindi si Villa ang unang internasyonal na kampeon ng Pilipinas. Nakuha ang karangalan bilang internasyonal na kampeon ni Gabriel "Flash" Elorde sa loob ng WBC (World Boxing Council) at WBA (World Boxing Association) na kinapapalooban ng ilang bansa kasama ang Pilipinas.
Tubong Bogo, Cebu, si Elorde ang kampeon ng WBC Junior Lightweight (Super Featherweight) mula March 20, 1960 hanggang June 15, 1967 at WBA Super featherweight champion mula February 16, 1963 hanggang June 15, 1967. Ang pitong taon at tatlong buwan ang pinakamahabang pagkakakorona bilang kampeon ng junior lightweight sa kasaysayan. Nakuha pa niyang mapanalunan laban sa puntos si Sandy Sandler, ang pinakamahusay na kampeon ng featherwight sa kasaysayan, noong 1955 sa isang non-title na laban. Natalo naman si Flash sa rematch nila sa sumunod na taon, na nakataya ang titluo ng featherweight ni Saddler.
Sumubok si Elorde sa dibisyong lightweight laban kay Carlos Ortiz nang dalawang beses. Dalawang beses siyang natalo, parehas sa ika-14 na round.
Nagretiro siya na may talang 88 na panalo (33 KOs), 27 talo, at 2 tabla. Pinarangalan siyang "the greatest world junior lightweight boxing champion in WBC history" noong 1974. Siya kauna-unahang Asyano na iniakyat sa International Boxing hall of Fame noong 1993.
Namatay siya sa kanser sa baga sa edad na 49.
Brutal na Navarette, basag na Navarette
Ang Bad Boy from Dadiangas ay marahil ang pinaka-makulay, at pinakamalungkot na kuwento sa kasaysayan ng boksing ng bansa.
Umangat sa rurok ng kasikatan si Rolando Navarette nang talunin niya si Cornelius Boza-Edwards ng Italya noong 1961 upang masungkit ang kampeonato ng WBC super featherweight (junior lightweight). Naging makulay ang kanyang karera sa pagpapanatili nito, at sa kuwento ng pag-aagawan nito naluklok ang kanyang pangalan sa pagitan nina Bobby Chacon, at Rafael "Bazooka" Limon. Nadepensahan niya ang titulo laban kay Choi Chung-Il ng Korea sa pammagitan ng pagbangon mula sa pagtumba ng ikalimang round at baligtarin niya ang laban nang patulugin ang kampeon sa ika-11 round.
Subalit pinahinto siya ni Limon noong May 29, 1982 sa isang laban na nagpakita ng kabrutalan ng paligsahan. Sa loob ng 12 rounds mabibigat nsa suntok ang inabot ng dalawang mandirigma. Mapapanalunana sana ni Navarette ang laban nang abutin siya ng uppercut ni Limon bago matapos ang huling round at hindi na puwedeng masalba ng bell.
Sa panahong ito rin napag-aralan ng mga organisador na bawasan ang haba ng mga propesyunal na laban mula 15 round hanggang 12 na lamang.
Hindi natapos rito ang kamalasan ni Navarette. Iniwan siya ng kanyang unang asawa nang siya'y kampeon pa lamang, at naubos ang kung ano mang naitabi niyang salapi. Nasentensiyahan rin siya ng panggagahasa at ikinulong sa Hawaii matapos mawala sa kanya ang korona. Tinangka niyang bumalik sa ring nang pakawalan siya sa humanitarian grounds. Ngunit hindi na niya naipanumbalik ang dati niyang karangalan.
Naging pala-away siya sa loob ng dekada otsenta at marami siyang napasukang gulo. Minsan ay nadaya pa niya ang kamatayan nang saksakin siya ng kanyang kainuman. Hindi naman nabago ng insidente ang kanyang pag-uugali.
Nagkaroon siya ng trabaho sa city hall ng Dadiangas matapos ang kanyang pagkakakulong, ngunit nang hindi siya nai-renew, nag-umpisa siyang manggulo sa mga empeyado ng city hall sa pamamagitan ng panunulak, o mas masahol pa, ang pagsusutok, sa mga ito.
Sa ngayon, bagaman nasa kanya pa rin ang matipunong pangangatawan, tila wala na ang katinuan sa kanyang sarili. Lakad-lasing na ang dating kampeon, at hindi na maintindihan ang kanyang mga sinasabi. May ulat pa ng pakikipag-away niya sa kanyang pang-ilang live-in na kinakasama. Sadlak na rin siya sa hirap. Maaaring nagkaroon siya ng talent fee nang ilabas ng Channel 2 ang kanyang kuwentong buhay sa Maalalala Mo Kaya ngunit maaaring hindi na rin ito nagtagal.
Sa ngayon tila awa ang magsasalba sa dating kampeon.
'Lindol' ng Pilipinas
Si Luisito Pio Espinosa ang isang kampeon na maaaring nabiktima ng kanyang mga promotor ukol sa usaping pinansiyal at promosyonal.
Dalawang dibisyong timabang ang pinagharian ni "Lindol.” Una siyang naging propesyonal noong 1984. Napanalunan niya ang titulong WBA Bantamweight noong 1989 nang patumbahin niya si Khaokor Galaxy sa unang round lamang. Dalawang beses niya itong nadepensahan bago yumuko kay Israel Contreras sa ikalimang round noong 1991.
Noong 1995 naman niya nahablot ang kampeonato ng WBC Featherweight sa pagsupil kay Manuel Medina sa pamamagitan ng puntos. Pitong beses niyang matagumpay na nadepensahan ang titulo, tinapos ang mahabang panahon na ito ni Cesar Soto sa pammagitan ng unanimous decision noong 1999. Sumubok siya kay Guty Espadas nang sumunod na taon para sa bakanteng WBC Featherweight, ngunit hininto ang laban sa technical decision matapos magkauntugan ang magkatunggali. Nagretiro si Louie noong 2005, sa likod rin ng malaking panawagan ng kanyang mga tagasubaybay, matapos patulugin ni Cristobal Cruz.
Sa ngayon iba't ibang trabaho ang pinasok ng dating kampeon, kasama na ang pagiging stockman sa isang supermarket sa US. Napabalitaan ring lumalaban pa rin siya, ngunit tila pampuno na lamang ng panalo ng kanyang mga katunggali.
Si "Dodie Boy," at pagpapatuloy ng Pinoy Pride
Ipinanganak si Diosdado "Dodie Boy" Peñalosa noong Nobyembre 19, 1962. ang tubong-San Carlos City,Negros Occidental ay nanatili sa dibisyong Flyweight nang siya'y naging propesyonal na boksingero noong 1982.
Kaunaunahan sa kanyang mga titulo ang IBF (International Boxing Federation) Light Flyweight nang makua niya ito noong 1983sa pamamagitan ng technical knockout laban kay Satoshi Shingaki. Tatlong beses niya itong nadepensahan bago niya ito iwang bakante nang sinubukan niyang lumaban kay WBA Flyweight title holder Hilario Zapata noong 1986. Tinalo ang pinoy ngunit nakuha naman niya ang IBF Flyweight Title sa sumunod na taon laban kay Hi Sup Shin. Nabitiwan niya ang titulo sa unang depensa lamang nito, laban kay Chang Ho Choi.
noong 1989, nagkaroon muli si Dodie Boy ng pagkakatao para sa titulo ng IBF Flyweight Title laban kay Dave McAuley, ngunit natalo siya sa split decision.
Nagretiro si Peñalosa noong 1995. Siya ay miyembro ng kilalang pamilya ng boksingero. Kasalukuyang WBO bantamweight champion ang kanyang kapatid na si Gerry.
Darius Galang
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS