Palambutin ang Matigas

 

pw 7 25 edcart

SA HARAP ng pinakamalalang krisis sa ekonomiya sa loob ng 14 na taon, hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa si La Gloria: Kailangang ibasura na ang Oil Deregulation Law at kanselahin ang 12% VAT (value-added tax) sa langis. Ngayon na.

Naghihilahod na sa kahirapan ang mga mamamayan sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Kamakailan lamang, idineklara ng mga kompanya ng langis na itataas pa nila nang P7 ang kanilang presyo, at sinimulan ito sa P2 kada litro na pagtaas sa diesel simula noong Sabado ng madaling araw.

Hindi kailangang magtapos ka pa ng kurso sa Economics para mabatid ang pagkabangkarote ng polisiya ng deregulasyon laluna sa langis. Ngayong taon lamang, 18 beses nang nagtaas ng presyo ang Shell, Caltex at Petron (binuntutan ng small players). Lumobo nang P19.50 ang presyo ng diesel ngayong taon. Sa bawat pagtaas, napapanganga na lamang ang madla; kibit-balikat naman ang administrasyon.

Legal naman daw ang pagtaas, sabi ng Departamento ng Enerhiya, kaya wala tayong magagawa. Pero, siyempre, mayroon: Puwede namang hilingin din nito sa mga alyado ng Palasyo sa Kongreso na isantabi na ang implementasyon ng 12% VAT na ipinapatong pa sa mataas na ngang presyo ng langis. Sa simpleng hakbang na ito, mababawasan agad ang presyo ng diesel ng P6.53 kada litro, ang presyo ng gasolina ng P7.26 kada litro, at presyo ng LPG ng P87 kada tangkeng 11-kg.

Pagkatapos, puwede namang kagyat na hilingin na agarang isalang ang pagrerepaso sa polisiya ng deregulasyon sa langis. Puwede namang gamitin ng gobyerno ang kapangyarihan nitong iregularisa ang industriya, at hindi lang bantayan kundi parusahan pa ang mga kompanya ng langis na walang pakundangan sa pagtaas ng presyo nito.

Paglimian ang datos na ito: tumaas nang 535% ang presyo ng mga produktong petrolyo mula nang isabatas ang Oil Deregulation Law noong 1995. Ano mang magagandang senaryong ipininta para sa bansa ng neoliberal na mga ekonomista ay matagal nang nabura sa alaala. Walang idinulot ang deregulasyon kundi kapahamakan.

Siyempre, sinasabi ng neoliberal na mga ekonomista at ng gobyerno na may krisis kasi sa pandaigdigang merkado kung kaya tumataas ang presyo ng langis dito. Pero madaling niligwak ng Organization of Petroleum Exporting Countries ang puntong ito. Ayon mismo sa 2007 World Oil Outlook nila, hindi nagkukulang ang suplay ng langis sa mundo. Ang problema, monopolisado ng pandaigdigang kartel ng langis ang suplay. At dahil sa praktika ng ispekulasyon – kapag may giyera, halimbawa, itinataas na ng mga mangangalakal ang presyo dahil sa ispekulasyong maaapektuhan ng giyera ang suplay – tuluy-tuloy na ang pagtaas ng presyo sa pangdaigdigang merkado.

Apektado ng pagtaas ng presyo ng langis ang ibang produkto. Pinakauna nang maaapektuhan ang pamasahe sa dyip, bus at taksi. Dahil tataas ang gastos sa transportasyon, inaasahan ding tataas ang presyo ng mga bilihin, laluna ang presyo ng pagkain. Ang dati nang tumataas na presyo ng bigas (tumataas din dahil sa ispekulasyon), lalo lamang tataas. Sadsad na ang kabuhayan ng Pilipino, pilit pang inilulublob sa putikan.

Sa kabila ng lahat ng ito, wala pa ring aksiyon ang gobyerno sa dalawang kongkretong mungkahi na ibasura ang ODL at 12% VAT. Magmamatigas ito hangga’t kakayanin. Tungkulin na ngayon ng taumbayan na irehistro ang galit, sa pinakamalakas na paraan.

Sa harap ng lakas ng mga mamamayan, hindi habambuhay na makakapagmatigas ang pamahalaan. (KRG)