News Update

Pinoy Weekly, finalist sa JVO Awards para sa 2007

in

Kinilala bilang isa sa sampung pinakamahusay na artikulo para sa taong 2007 ang istorya ng Pinoy Weekly hinggil sa inaasahang epekto ng Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) sa sektor ng mangingisda.

Sinulat nina Soliman A. Santos at Kenneth Roland A. Guda at lumabas sa PW noong Oktubre 17-23, 2007 ang artikulong “Malansang balak ng Hapon sa Pilipinas,” na napili bilang finalist sa JVOEJ (Jaime V. Ongpin Awards for Excellence in Journalism).

Pinangangasiwaan ang JVOEJ ng CMFR (Center for Media Freedom and Responsibility), sa pakikipagtulungan ngayong sa Open Society Foundation at Ateneo de Manila University.

“Para tuunan ng atensiyon at maghikayat sa pag-uulat hinggil sa maiinit na isyu ng karapatang pantao, kalikasan, at pagogobyerno at korupsiyon, inusisa ng JVOAE awards ngayong taon kapwa ang mga artikulong imbestigatibo at explanatory sa tatlong nabanggit na usapin,” ayon sa CMFR.

Kabilang sa kinilala bilang pinakamausay sa sampu ang mga artikulo nina Roel Landingin at Glenda Gloria, kapwa ng Newsbreak, at Prime Sarmiento ng Philippine Center for Investigative Journalism. Kinilala rin bilang finalist ang ilang mga artikulo mula sa Philippine Daily Inquirer at Manila Times.

Ito ang ika-apat na pagkakataong kinilala bilang finalist ang mga artikulong lumabas sa PW. Noong 2004, tatlong manunulat ng PW na sina Ilang-Ilang Quijano, Jim Fernando at Danilo Arao ang kinilala bilang finalist sa kategorya ng explanatory writing.

JVOEJ ang itinuturing na isa sa pinaka-prestihiyosong patimpalak sa larangan ng pamamahayag sa bansa.