News Update

Presyo ng langis umakyat nang 70% simula patawan ng VAT

in

Ilang-Ilang D. Quijano

UMAKYAT nang halos 70% ang presyo ng ng mga produktong petrolyo simula nang patawan ng 12% VAT (Value-Added Tax), ayon sa grupong Kontra-KulimVAT.

Dahilan umano ito para ibasura na ni Pangulong Arroyo ang nasabing buwis.

Nang ipatupad ang VAT noong Nobyembre 2005, nasa P31.68 kada litro ang presyo ng diesel. Sa napipintong muling pag-akyat ng presyo ng langis nang P1.50 kada litro, ika-17 ngayong taon, aabot na sa P53.94 kada litro ang presyo ng diesel.

Sa parehong panahon, tumaas din ang presyo ng langis nang mahigit 70% (P56.52 mula P33.17), ng regular gasoline nang halos 77% (P60.96 mula P34.48), ng unleaded gasoline nang mahigit 68% (P61.57 mula P36.57), at ng premium gasoline nang mahigit 68% (P62.66 mula P37.24).

“Pinalalala ng VAT ang tumataas na pandaigdigang presyo ng langis,” sabi ni Arnold Padilla, tagapagsalita ng Kontra-KulimVAT.

Idinagdag ni Padilla na P80 ang nawawala sa kita ng mga drayber kada biyahe dahil sa VAT.

Kamakailan, umabot sa $45 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Abonado pa?

Samantala, binatikos ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang pahayag ni Edgar Chua, tagapangulo ng Shell Philippines, na may P7.01 na underrecovery o di pa nasisingil ang kompanya sa presyo ng diesel para sa Hunyo.

“Hindi ito kapani-paniwala. Ang gusto ba nila sabihin, abonado pa sila? Matagal nang hinuhuthutan ng sobrang-tubo ng mga monopolyo ng langis ang mga Pilipino,” sabi ni Mariano.

Ayon sa Ibon Foundation, umaabot ang windfall profits o tubo ng mga kompanya ng langis mula 47% hanggang 54% ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Nanawagan ang aktibistang mambabatas sa pamunuan ng Kamara na ipasa ang panukalang batas na nagbabasura sa ODL (Oil Deregulation Law).

Simula nang maipasa ang ODL noong 1996, tumaas ang presyo ng unleaded gasoline nang 492%, at ng diesel nang 607%.

Itinutulak din ni Mariano ang House Bill 3029 (An Act Regulating the Downstream Petroleum Industry), HB 3030 (Instituting Centralized Procurement of Petroleum in the Country), at HB 3031 (An Act Renationalizing Petron) na inihain ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran.