News Update

Protestang Black Friday vs. VAT tuluy-tuloy

in

Ilang-Ilang Quijano

TULUY-TULOY ang pagdaos ng progresibong mga grupo ng mga protesta tuwing Biyernes o tinaguriang Black Friday Protest hanggang hindi tinatanggal ni Pangulong Arroyo ang VAT (Value Added Tax) sa mga produktong petrolyo.

“Nakakagalit ang pagmamatigas ng rehimen. Patuloy nitong sinasandigan ang VAT at Oil Deregulation Law sa kabila ng pakiusap ng mga mardyinalisadong sektor at maging ng Simbahan,” sabi ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

Nagsagawa noong Hulyo 18 ng kilos-protesta ang Bayan, KMU (Kilusang Mayo Uno), Head (Health for Action and Democracy), Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees), Gabriela, Migrante, at Anakpawis Party-list sa kahabaan ng Commonwealth Ave. sa Quezon City at iba pang bahagi ng Kamaynilaan.

Pinabulaanan ni Reyes ang argumento ng Malakanyang na mayayaman lamang ang makikinabanang sa pag-alis ng VAT.

Ayon sa pag-aaral ng grupo, makikinabang ang 400,000 drayber ng dyip, 500,000 drayber ng traysikel, at 8.6 milyong pamilyang gumagamit ng LPG (Liquified Petroleum Gas) sa pag-alis ng VAT sa mga produktong petrolyo.

Halimbawa, P150 umano ang matitipid ng drayber ng dyip kada araw.

Sa kabilang banda, tinawag ni Reyes na “pansamantala” at “bulnerable sa korupsiyon” ang mga subsidyo na inihahaing solusyon ni Arroyo sa tumataas na presyo ng langis.

Nangako ang Bayan na ipagpapatuloy ang protesta laban sa VAT hanggang sa State of the Nation Address ng Pangulo sa Hulyo 28.

Samantala, noong Hulyo 17 sa España Ave. sa Maynila, namigay ang KMU ng mga sticker at nagpapirma ng petisyon sa mga drayber ng dyip para sa pagtanggal sa VAT.