News Update

Pulitika sa DA, FPA sinisi sa panganib ng endosulfan sa M/V Princess of the Stars

in

KR Guda

INUTIL ang DA (Department of Agriculture) at FPA (Fertilizer and Pesticides Authority) sa pagreregularisa ng transportasyon ng nakalalasong mga kemikal tulad ng endosulfan.

Ito ang pahayag ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano, kaugnay ng pagpapalusot sa transportasyon ng endosulfan sa lumubog na pampasaherong barkong M/V Princess of the Stars.

Sinabi ni Mariano na masyadong nagluwag ang DA af FPA sa regulasyon ng nakalalasong mga kemikal, lalo na nang binuwag ng DA ang PTAC (Pesticide Technical Advisory Council) noong 2002.

“Lumalabas na may vested interest na lumalaro sa DA noong 2002,” sabi ni Mariano tungkol sa DA sa ilalim ni Sek. Luis Lorenzo noong taong iyon.

Naging maluwag umano si Lorenzo sa pagpapatupad ng importasyon, distribusyon, handling, transportasyon, pagtatago at paggamit ng ipinagbabawal na pestisidyo.

“Dati, kailangang mag-renew ng exemption bawat anim na buwan ang dalawang kompanyang nakabase sa US (Dole at Del Monte). Bakit magmula noong 2006, pinahaba na nang tatlong taon ang renewal ng exemption?” tanong ni Mariano.

Sinabi pa ni Mariano na nirekomenda pa ng PTAC sa FPA ang pagbawal sa endosulfan noon pang 1994. Pero pinayagan ng FPA ang exemption sa Dole at Del Monte.

Binigyang-diin din ni Mariano na bago natalaga sa DA, tagapangulo at chief executive officer si Lorenzo ng Lapanday Foods Corporation. Naging tagapangulo rin siya ng Del Monte Philippines mula 1997 hanggang 2002, at pangalawang tagapangulo ng Del Monte Pacific Ltd.

Kinuwestiyon pa ng militanteng kongresista ang pagmonitor ng DA sa paggamit ng endosulfan, lalo pa’t ginagamit ito hindi lamang ng dalawang kompanya kundi kahit ng mga subsidyaryo nitong Lapanday at Stanfilco.

“Sakop din ba ng exemption sa endosulfan ang mga subsidyaryo ng Del Monte at Dole?” tanong pa ni Mariano.

Binatikos rin ni Mariano si dating Sek. Arthur Yap ng DA na “tuluy-tuloy na tinanggihan noon ang rekomendasyon ng mga eksperto para i-ban ang endosulfan, at binalewala ang panawagan ng mga magsasaka para sa lupa at pagkain na walang lason.”

Nanawagan si Mariano sa Kamara at Senado na imbestigahan ang naturang isyu.

Ang endosulfan ay isang pestisidyo na napatunayan nang nagdudulot ng matinding panganib sa nervous system ng tao. Nakamamatay kahit ang kaunting exposure dito.