News Update
Rekord ni La Gloria, Rekord ni El Macoy
in

ITO ang ikawalong Sona (State of the Nation Address) ni La Gloria. Maliban kay El Macoy, walang ibang presidenteng tumuntong sa entablado ng Batasan para ihayag -- o ihambog -- ang kalagayan kuno ng bayan ang mas nakarami pa sa kanya.
Kung mayroon mang rekord sa pagpapatakbo ng pamahalaan ang gustong basagin ni La Gloria, ito na siguro ang rekord ni El Macoy. Hindi malayo sa posibilidad: Kung masusunod ang mga alipores niya sa Kongreso, mas mabuti pang kalimutan na nina Bayani Fernando, Mar Roxas, Manny Villar, atbp., ang kanilang mga pangarap -- mananatili sa poder ang "ina ng bayan" lampas ng taong 2010. Kung hindi man, kahit sinumang alyado niya.
Sa pagkapit niya sa trono ng Palasyo, hindi lang rekord ng pananatili sa kapangyarihan o paramihan ng talumpati sa Batasan ang binabasag ni La Gloria. Hindi lang paramihan ng palakpak o pahabaan ng Sona. Sa dami ng kontrobersiyang kinasasangkutan niya, ng pamilya Arroyo, at ng kanyang mga alipores, matagal na ring nabasag ang rekord ng nasirang diktador.
Noong nakaraang linggo, inilabas ng SWS (Social Weather Stations) ang sarbey nito na nagsasabing si La Gloria na ang may pinakamababang kredibilidad sa lahat ng mga pangulo magmula ng mapatalsik si El Macoy noong 1986. Pero hindi pa ito ang nakakagulantang na bagong rekord ng Pangulo. Tutal, hindi naman siya naging popular sa masa kailanman. Ang bagong rekord na dapat ipagsigawan ng lahat para ikondena ay ang ibayong pagtaas ng porsiyento ng mga pamilyang nagugutom.
Ayon sa SWS, umabot sa 16.3% ng mga pamilyang Pilipino ang nakakaranas ng "involuntary hunger" -- iyong tipo ng kagutuman na hindi gugustuhin ng nagpapapayat na Kris Aquino o Sharon Cuneta. Kagutumang nakamamatay ito. Kagutumang hindi lang epekto ng pandaigdigang krisis sa bigas, kundi direktang dulot ng mga polisiyang pang-ekonomiya ng pamahalaan. Ang pagtulak nito ng mga polisiyang neoliberal, pagtanggi sa panukalang ibasura ang Oil Deregulation Law at Value-Added Tax sa langis at kuryente, pagmatigas sa hiling ng mga manggagawa na P125 na umento sa sahod -- ilan lamang ito sa nagpapatindi sa nakamamatay na kagutuman ng aabot sa dalawa sa bawat sampung Pilipino.
Sa kanyang bahagi, ramdam naman ni La Gloria ang presyur para maibsan ang kagutuman. Kaya naman inaasahang magiging pokus ito ng kanyang Sona -- ang pinagmamalaking National Social Welfare Program. Habang itinatangging may kinalaman siya sa lumalalang krisis na ito, ibinabandera pa niya ang sarili bilang solusyon. Laman ng programang ito ang pagdagdag sa subsidyo sa mga mahihirap. Inaasahang manggagaling sa kanilang koleksiyon sa VAT ang subsidyong ito.
Siguradong hindi tatanggihan ng masa ang subsidyo -- kung makararating ito sa kanila. Ang problema kasi, walang sapat na accounting sa publiko kung saan mapupunta ang buong P2 Bilyon (o mas marami pa) na pondo ni La Gloria na ipamimigay kuno sa mahihirap. May ilang pagkakataong ipinakita sa midya ang pamumudmod, pero aabot kaya ito ng P2-B? Kahit pa isama ang pagbili ng mga compact flourescent lamp na siyang pamamaraan daw ng gobyerno para makatipid ang masa? Paano pa ang tira sa P118.3 Milyong arawang nakukuha mula sa VAT sa diesel at P22.7-M sa LPG?
Nitong nakaraang mga araw, abala si La Gloria sa promosyon ng isa pang programa na ibabandera niya sa Sona: ang paggamit ng biofuel tulad ng jathropa bilang alternatibo raw sa gasolina. Wala namang radikal sa programang ito. Katunayan, itinutulak ng mayayamang mga bansa tulad ng US ang maraming mahihirap na bansa sa kumbersiyon ng maraming lupaing agrikultural nito para itanim ang mga pananim tulad ng jathropa.
Ano ang kaso rito? Ayon mismo sa isang sikretong dokumento ng World Bank na nakalam ng pahayagang The Guardian sa Inglatera, itinaas ng biofuel ang presyo ng pagkain sa daigdig ng 75 prosiyento. Marami kasi sa mga lupaing dating tinatamnan ng batayang mga pagkain, tulad ng palay sa Pilipinas at iba pang bansa, ang napagtataniman na ngayon ng cash crops para raw sa biofuel. Hindi nito napababa ang pagkokonsumo ng gasolina ng mga mamamayan ng mundo -- lalo lamang pinalala nito ang kagutuman.
"(Aabot sa) 100 milyong katao sa mundo ang naitutulak sa kahirapan dahil sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain, tantiya ng World Bank, at nagdulot ng riot mula sa Bangladesh hanggang sa Egypt," ayon sa ulat ng The Guardian. Sa pagtulak ni La Gloria sa biofuel, lalong isinasadlak niya ang taumbayan sa ibayong kahirapan at kagutuman. Pero hindi na inaalala ng gobyerno ang AKTUWAL na resulta ng kanyang mga programa. Ang mahalaga, may masasabi itong ginagawa, at sa proseso kikita ito para sa susunod pang mga gastusin tulad ng pagtutulak ng Cha-Cha.
Ang problema ni La Gloria, habang tumitindi ang kahirapan, tumitindi rin ang disgusto sa kanya. Kailangan niyang alalahaning may isa pang rekord si El Macoy na hindi pa niya nababasag: ang pagkatalsik sa kanya dahil sa matinding galit ng taumbayan. (KRG)
RSS