News Update
Repleksiyong biswal: Rebyu ng SONArt
Darius Galang at Chrysalin Ann Garcia
Rebyu ng SONArt
Lunduyan Art Gallery
(88 Kamuning Rd., Quezon City)
Hunyo 15 - Hulyo 15, 2008
"Ang artista, namimili rin ‘yan. Puwede siyang magpakita ng katotohanan, o puwede rin siyang magtakip ng katotohanan,” pahayag ni Eunice de Asis ng Concerned Artists of the Philippines o CAP.
Kagyat at kamakailan lamang nabuo ang SONArt, isang eksibit ng mga manlilikhang-sining, mula sa isang munting salu-salo ng mga artista na nagtanungan kung ano na ang nagawa sa ilang buwan. Naisipan nilang tipunin ang ilang likhang sining nila na wala namang tema sa umpisa. Ngunit sa malaon, pinili na nilang gawing tema ang paghahanda para sa gagawing Sona (State of the Nation Address) ng pangulo sa Hulyo 28.
Sinosente...Pano Sila? ni Maia Magpantay (Mixed Media)
Simple lang ang pahayag ng koleksiyon. May ilang mga obra na naka-display ang naipakita na sa mga nagdaang eksibit. Ngunit isang pahayag na rin ito – hindi pa rin nagbabago ang mga kondisyon sa lipunan.
Iba’t-ibang midya ang ginamit ng mga artista kaya nagmukhang interesante. Nariyan ang gawa ng mga artistang sina Boy Dominguez at Neil Doloricon na madalas na nating nakikita ang mga gawa. Ilang piyesang napagdaanan na ng panahon rin ang nakasabit, tulad ng Si Juan Ngayon ni Ronald Jeresano.
Si Juan Ngayon ni Ronald Jeresano (Oil/acrylic on canvas)
Katabi nito ay ang makulay at madetalyeng gawa ni Parts Bagani, na nagpapakita ng buhay ng mga mandirigma sa kanayunan. Kitang-kita naman ang emosyon sa dalawang obrang pinamagatang Sigaw ni Rommel Ramota. Mistulang nilalayon nitong pukawin ang atensiyon ng tagamasid sa metapora ng pagsigaw sa ilalim ng paniniil. Kakatuwa, na may apat na dibuho rin si Ramota na nagpapakita ng iba’t-ibang ekspresiyon. Pinagbibigkis ito ng apat na tuyong nagpapakita ng nabubulok na sikmura.

Sigaw 1 ni Rommel Ramota (Oil on canvas)
May ilang likha namang, oo, malayung-malayo sa pagkakapulido sa paggawa. Aminado rito si de Asis, ngunit para sa kanya, hindi na usaping estetika ang isang likhang-sining kung mahusay naman ang ibinibigay nitong mensahe. Content over form, sa madaling salita.

Concealer ni Ediefer Gutierrez (Acrylic)
Kapansin-pansin ang malaking litrato ng isang taong nagmistulang “Hitler” dahil sa tekstong nakalagay sa itaas ng labi (Tramp/Tyrant ni Renan Ortiz). Kakatwang nasa mismong gitna ito ng espasyo ng eksibit. Tila hindi batid ng midyang ginamit dito (tarpaulin) ang kahirapan ng paghahagilap ng materyales ng iba pang nakapaligid sa kanya. Maaari, intertextual na ang laman/mensahe nito sa pagpapakita ng tila bulag na pananaw sa nakapaligid sa kanya.

Tramp/Tyrant ni Renan Ortiz (Light box and tarpaulin)
Hindi man gaanong pansinin, nasa isang sulok naman ang ilang kakatuwang obra. May isang larawan ni Pangulong Arroyo, na nakapinta sa parihabang plywood. May dalawa pang malaking garapon/damawana na pinintahan ni Ted Camahalan. Ayon sa mga manlilikha, mahirap na ang buhay ngayon kaya kahit anong midya bukod sa kambas – na hikahos na silang bilhin ngayon - ang dapat nilang matutunang gamitin. Marahil, repleksiyon ang pagpili ng midya sa reyalidad ng buhay.
Anu’t ano pa man hindi malayo ang koleksiyon bilang ekspresiyon at pagharap ng mga alagad ng sining sa kasalukuyang nararanasan ng sambayanan.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS