News Update
Sa deportasyon ng OFW sa Sabah: Malaysian Airlines, iboboykot?
PARA iprotesta ang malawakang deportasyon ng mga Filipino sa Sabah, Malaysia, isang alyansa ng mga grupo ng OFW (overseas Filipino workers) sa buong mundo ang nagbabalak na iboykot ang Malaysian Airlines.
“Dahil sa marahas na pagpapalayas ng gobyerno ng Malaysia sa
di-dokumentadong mga migrante, kabilang na ang libu-libong Pilipino,
ikinukonsidera naming manawagan sa mga migrante na iboykot ang Malaysian
Airlines,” ayon kay Connie Bragas-Regalado, tagapagsalita ng Migrante
International.
Ipinanawagan ng Migrante ang boykot matapos ipahayag ni Najib Razak, Deputy
Prime Minister ng Malaysia,
na naghahanda sila sa malawakang deportasyon sa di-dokumentadong mga migrante
simula sa Agosto.
Sinabi pa umano ni Najib na 100,000 hanggang 150,000 katao ang palalayasin mula sa Sabah. Naglaan na rin ang gobyerno ng Malaysia ng US$15.6 milyon para pondohan ang naturang operasyon.
“Tiyak kami na malalabag na naman ng immigration authorities ang karapatan ng mga migrante sa Sabah,” ani Regalado.
Sinabi pa ni Regalado na noong
deportasyon ng 2005, umupa pa ng mga “Relas” ang gobyerno ng Malaysia para ipatupad ang
deportasyon. May insentibong 80 ringgit
ang mga Relas sa bawat migranteng mahuhuli.
Nanawagan si Regalado kay Pangulong Arroyo at sa Department of Foreign Affairs na maglabas ng pahayag na kumukondena sa di-makataong pag-aresto at deportasyon ng mga Pilipino sa Malaysia.
Si Regalado ang kasalukuyang pangkalahatang kalihim ng bagong tatag na International Migrants Alliance, pormasyon ng mga organisasyon ng migrante sa 25 bansa.
Soliman A. Santos
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS