News Update

Saan napunta ang pera ng DAR? – Obispo

in

Soliman A. Santos

Hinahanap ng isang obispo kung saan napunta ang pondo ng DAR (Department of Agrarian Reform).

Sa isang press conference noong Hulyo 8, tinanong ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, si Undersecretary Gerundio Madueño kaugnay ng pahayag ni Sen. Gringo Honasan na hindi nagsumite ng ulat ang DAR kung paano nito ginamit ang pondo para sa repormang agraryo.

Sinabi umano ni Honasan sa mga obispo na bagamat matagal na ang CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program), wala namang ulat kung paano nito ginagastos ang pera.

Itinanggi naman ni Madueño na hindi sila nagsumite ng ulat kung paano ginastos ang pera para sa CARP.

Gayunman sinabi ni Pabillo na maaaring hindi nasapatan ang Committee on Agrarian Reform ng Senado sa ulat ng DAR.

Sinang-ayunan naman ng mga grupo ng magsasaka ang alegasyon sa di tamang paggastos sa pondo ng CARP. Tinawag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na “gatasang baka” ng mga tiwaling opsiyal ng gobyerno ang DAR kaya dapat na itong buwagin.