Sobrang patong sa presyo ng langis pinaiimbestigahan sa Kongreso

in

Soliman A. Santos

DAPAT nang gamitin ng Kongreso ang kapangyarihan nito para imbestigahan ang umano’y sobrang presyo na ipinapataw ng mga kompanya ng langis para makagawa ang Kongreso ng mga polisiya na poprotektahan sa publiko laban sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ito ang reaksiyon ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa pagbubulgar ng Ibon Foundation na sobra ng hindi bababa sa P12 kada litro ang kasalukuyang presyo ng langis.

Sa kasalukuyang presyong P60 kada litro ng gasolina, dapat na P48 lamang umano ito. Samantala, dapat P43 kada litro lamang umano ang krudo at hindi P55.

“Hinahamon ng Bayan Muna ang pamunuan ng Kamara na gawing prayoridad ang pagbubukas ng mga libro ng mga kompanya ng langis at ilantad ang kanilang pormula ng pagpepresyo para makita ang kanilang pag-abuso at walang habas na pagtubo habang naghihirap ang publiko. Dapat itong imbestigahan ng Kamara sa muling pagbubukas nito ngayong buwan,” ani Casiño.

Patuloy na sinasabi ng Tatlong Dambuhalang kompanya ng langis sa bansa na nalulugi ito sa kabila ng katotohanan na tumutubo ang mga kapartner nitong dayuhang kompanya ng bilyun-bilyon, dagdag ni Casiño.

“Dapat lang malaman ng mamamayang Pilipino, na nagdarahop sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, kung paano nagtataas ng presyo ang mga kompanya ng langis,” aniya.

Sinabi pa ng mambabatas na dapat umaskiyon na ang Kongreso dahil inutil ang Task Force on the Oil Deregulation Law na binuo ng ehekutibo.