News Update

Takot sa Pakikisangkot

SA dinami-dami ng pribilehiyong ginagamit ni La Gloria ngayon—tulad ng pribilehiyong imantine ang Value Added Tax sa langis kahit malinaw na ikinadurusa ito ng sambayanang Pilipino—ipinagtibay pa ng Korte Suprema ang executive privilege, na ilang beses nang kinasangkapan para itago ang baho ng rehimen sa mga isyu ng korupsiyon gaya ng NBN-ZTE. Sa pagkakataong ito, sinabi ng korte na may karapatan ang ehekutibo na ilihim ang naging takbo ng negosasyon sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng Hapon noong ibinabalangkas ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement). Tinanggihan nito ang petisyon ng ilang mga grupo na ihayag ang sikretong mga dokumento ng Jpepa na makapagpapayaman sana sa umaalimpuyong debate hinggil sa pakinabang—o mas angkop sabihin, kawalang pakinabang—sa ating bansa ng kasunduan.

Simula’t sapul, itinakas na ni La Gloria ang kasunduan mula sa mapanuring mata ng publiko. Plantsado na ng kanyang mga tagapayong pang-ekonomiya ang pahapyaw na mga argumentong pabor sa Jpepa nang pirmahan niya ito sa Helinski, Finland noong Setyembre 2006. Madaragdagan daw ang iniluluwas nating mga produkto sa Hapon ng halagang mahigit-kumulang $1 Bilyong dolyar. Daan-daan libong trabaho raw ang malilikha dahil sasaluhin ng Hapon ang mga Pilipinong nars. Papasok daw sa bansa ang mahigit $500 Milyong halaga ng pamumuhunang Hapon. Kaya walang dahilan ang Senado para hindi ito iratipika, sabi ni La Gloria, na para bang umaasang hindi na sisisirin pa ng mga senador o ninuman ang teksto ng 965-pahinang kasunduan at dudungkalin ang mga aspekto nito na labis na ikinatuwa ng mas makapangyarihang bansa.

Ang mga grupong makakalikasan at makabayan ang unang namuna: Labag ito sa Konstitusyon! Halimbawa, ipinagbabawal ang 100% dayuhang pag-aari ng lupa, pero pinapayagan ito sa Jpepa (tulad sa mapandambong na Mining Act ng 1995 na kinatigan din ng Korte Suprema). Mga dalubhasa sa batas mismo ang umamin sa mga pagdinig ng Senado, sagasa ang Jpepa sa 15 probisyon ng Saligang Batas na nagpoprotekta sa pambansang soberanya. Binibigyan umano ng Jpepa ng espesyal na pagtrato ang mga negosyanteng Hapon, sa ikapipinsala ng lokal na ekonomiya at Pilipinong lakas-paggawa. Agad ding tumambad na hahayaan ng kasunduang itambak ng Hapon sa bansa ang nakalalasong basura—paglelegalisa at pag-eengganyo pa sa matagal nang gawain nito.

Binusbos pa ng No Deal Movement!, alyansang kontra-Jpepa, ang inaasahang epekto ng kasunduan sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Mawawalan ng huli ang maliliit na mangingisda dahil sa pagkubra ng Hapon sa ating mga lamang-dagat, partikular ng paborito nitong tuna. Aagawan ng lupa ang mga magsasaka at gagawing kontraktuwal sa lalawak na mga plantasyon ng prutas, dayuhan din naman ang may-ari, na nag-eeksport sa Hapon. Daan-libong mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng mga pabrika ng mga produktong tatalunin ng murang imports mula sa Hapon—o di kaya’y makakatikim sila ng ibayong pambabarat at panunupil na tatak ng mga korporasyong Hapon. Bilang kapalit, lalo pang paduruguin ang naghihikahos nang sistemang pangkalusugan ng bansa—palalabasin ang mga nars na pagdating naman sa Hapon, mahihigpit na rekisitos pa ang haharapin at dudang makapagtatrabaho nang maalwan.

Balewala ang lahat ng alingasngas na ito para sa Korte Suprema. Umano’y walang sapat na pampublikong interes ang paghahayag ng sikretong mga dokumento ng Jpepa. Umano’y “di-kasing kritikal” ang karapatan ng mga mamamayan sa impormasyon kaysa sa “mas mataas” na pambansang mga interes. Pero may tataas pa ba sa interes ng mga mamamayang Pilipino na, ayon nga kay Punong Hukom Reynato Puno sa kanyang dissenting opinion, lumalaban “mula sa sikmura para matugunan ang batayang mga pangangailangan bilang tao at para makapamuhay nang makatao”? Ipinunto pa ni Puno na mas bukas na ang mga gobyerno sa ibang bansa hinggil sa dayuhang pakikipagrelasyon at pakikipagkasundo nito, at makaluma na ang paglilihim sa ngalan ng diplomasya. Dapat lamang, dahil may sisi ang neo-liberal na mga patakarang itinatakda sa mga kasunduang multi-lateral at bilateral gaya ng Jpepa sa taggipit na nararamdaman ng bawat Pilipino.

Sa pagtaguyod ng korte sa executive privilege, hindi lamang nito pinapadali ang ratipikasyon ng isang kasunduang tagibang at nakaiinsulto. Inalisan din nito ng karapatan ang mga mamamayan na makisangkot sa isyung taya mismo ang kanilang mga buhay. Kaya bagaman masaya si La Gloria dahil makukuntento ang pinaninikluhurang mga Hapon, mas masaya siya marahil dahil maikukubli kung paano niya ibinenta ang kapakanan ng publiko. Sa napipinto pang mga negosasyong pangkalakaran sa higanteng mga bansa gaya ng US, European Union, at Tsina, inaasahang patuloy na gagamitin ng gobyernong Arroyo ang pribilehiyo ng paglilihim, panlilinlang, at pagraratsada—anuman ang kailangan para maetsa-puwera ang mga mamamayang nakakatakot nga naman kapag namulat sa katotohanan. (IDQ)