News Update
Walang tiwala sa liderato
Kenneth Roland A. Guda
INASAHAN na niya ito, pero hindi pa rin niya maintindihan kung bakit sumasadsad ang popularidad niya. Hindi naman daw kasalanan ni Pangulong Arroyo ang dinaranas na krisis ng bansa. Hindi kainutilan ng gobyerno ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Ginagawan naman daw ng Pangulo ang lahat ng magagawa.
“Hindi na nakapagtataka sa Pangulo ang pagsadsad ng kanyang popularidad,” sabi ni Lorelei Fajardo, katuwang na tagapagsalita ni Arroyo. “Ang mahalaga, ginagawa niya ang kailangang gawin.”
Kabilang umano rito ang pagsubsidyo ng gobyerno sa mumurahing bigas ng NFA (National Food Authority), at samu’t saring programang micro-finance at scholarships para sa mahihirap. Hindi umano kailangang magbayad ng income tax ang mga Pilipinong kumikita ng P200,000 pababa kada taon.
“Nakikinig tayo, nagmumuni, nakikiramdam, gumagawa ng aksiyon, ginagamit ang lahat ng rekurso,” sabi mismo ni Arroyo, sa kanyang talumpati sa harap ng mga kapanalig sa Lakas-CMD (Lakas-Christian Muslim Democrats) at Kampi (Kabalikat ng Malayang Pilipino) noong Biyernes.
Siyempre, pinalakpakan at ginawaran ng standing ovation ng mga kapanalig niya si Arroyo. Sa panahong ito ng kawalan ng popularidad at kumpiyansa sa kanya, kinailangan niya ang suporta nila.
Sa kanyang papalapit na Sona (State of the Nation Address), kung saan inaasahang sisingilin siya sa pagtindi ng karalitan ng mga mamamayan, kailangan niya ang lahat ng suportang makukuha.
Walang kumpiyansa
Pero batay nga sa huling sarbey ng SWS (Social Weather Stations), hindi niya makukuha ang suportang ito sa mga mamamayan. Sa isinagawang sarbey mula Hunyo 27 hanggang 30 ngayong taon, napag-alamang 22 porsiyento ang may kumpiyansa kay Arroyo samantalang 60% ang walang tiwala sa kanyang pamumuno.
Sa komputasyon ng SWS, umabot sa -38 ang net satisfaction rating ni Arroyo. Ito ang pinakamababang rating ng isang pangulo ng bansa magmula noong 1986, nang unang isagawa ng SWS ang mga sarbey nito.
Para sa mga oposisyunistang senador tulad nina Sen. Aquilino Pimentel, Jr., maiuugat ang kawalan ng kumpiyansa ng taumbayan kay Arroyo sa “kawalan ng legitimacy” ng administrasyon. Isabay pa umano rito ang “imoral” na paggamit nito ng militar para sa pampulitikang pamamaslang at pagdukot.
Pero bukod dito, malinaw na maiuugat ang pagsadsad ng popularidad ni Arroyo sa tumitinding krisis. Bago ang sarbey ng SWS, naglabas na rin noong Marso ang Pulse Asia ng resulta ng sarbey nito na nagsasabing dalawa sa bawat tatlong Pilipino ang naniniwalang lumala ang kalagayan ng ekonomiya sa bansa sa huling tatlong taon.
Pati ang Palasyo ay naniniwalang may kinalaman sa pagtindi ng krisis ang pagsadsag ng popularidad ng Pangulo. Ayon kay Sek. Cerge Remonde, hepe ng Presidential Management Staff, inaasahan na nila ang mababang rating dahil sa pagtaas na presyo ng bigas at langis na isinisisi kay Arroyo.
Ang depensa ng mga alyado ni Arroyo, mga eksternal naman daw na puwersa ang may dahilan ng krisis. “Sa ating bansa, lahat tayo nagdurusa dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng mundo, mga salik na di natin makontrol na nakakaapekto sa ekonomiya at pagkabuhay natin,” sabi ni Fajardo.
Nagmamatigas
Pero marahil ay may epekto sa popularidad ng Pangulo ang pagmamatigas ng administrasyon sa ilang kongkretong panukalang makakaalwan sana sa krisis. Kabilang dito ang pagbasura sa VAT (value-added tax). Matagal na itong ipinapanukala ng Ibon Foundation, isang non-governmental think tank. Ang isa sa mga batayan: Mababawasan nang P6-7 kada litro ang presyo ng langis kung tatanggalin ang 12 porsiyentong VAT.
Hindi rin daw kapani-paniwala ang pahayag ng gobyerno na ginagamit nito ang koleksiyong P118.3 Milyon mula sa diesel at P22.7-M sa LPG para sa serbisyong panlipunan.
Kasabay pa nito, hindi pinaniniwalaan ng gobyerno ang pahayag ng Ibon – batay na rin mismo sa “opisyal” na mga datos – na sinosobrahan ng mga kompanya ng langis nang P12 kada litro ang presyo ng mga produktong ito. Tila nagbibingi-bingihan ang gobyerno sa sistematikong overpricing sa langis.
Habang patuloy ang depensa ni Arroyo sa VAT, umaarangkada
naman ang Palasyo sa pagluluto ng mga programa para maibsan daw ang krisis
gamit ang pondong nakolekta mula sa VAT. Kabilang sa mga programang ito ang
pamamahagi raw ng compact flourescent
lamps na nagkakahalagang P500 Milyon sa mahihirap na kabahayan sa National
Capital Region.
Pero simple lang ang sagot ng Ibon: Kakarampot pa rin ito para maibsan ang
paghihirap ng buong sambayanan. Ayon kay Sonny Africa, pinuno ng pananaliksik
sa Ibon, P6 sa bawat P10 na nakokolekta sa VAT ay napupunta lamang sa
pagbabayad ng utang panlabas ng gobyerno.
Batay sa resulta ng sarbey, masasabing ramdam ng mga mamamayan na may magagawa pa sana ang gobyernong Arroyo para maibsan ang krisis, pero hindi nito ginagawa.
“Hindi pinaniniwalaan ng taumbayan ang linya ni Arroyo na pagsisi sa eksternal na mga salik sa halos walong-taong maling panunungkulan niya,” sabi ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo.
Sasadsad pa lalo
Sa pagsabi ni Arroyo na hindi mahalaga sa kanya ang
popularidad, parang sinasabi niyang hindi totoo ang nararamdamang kahirapan ng
taumbayan. Sinasabi niyang tama ang mga polisiya niya sa ekonomiya.
“Parang sinasabi ng Malakanyang na tama sila at mali tayong lahat. Tama sila sa VAT
at mali
ang lahat sa paghiling na tanggalin ito. Tama sila sa oil deregulation at mali
tayo na hilingin ang regulasyon sa presyo,” sabi pa ni Renato Reyes, Jr.,
pangkalahatang kalihim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).
At kaalinsabay ng papalapit ng Sona, malaki ang posibilidad na lalo pang sumadsad ang rating ni Arroyo.
Dalawang linggo na lamang bago ang Sona, pero tila lalo lamang lumalala ang krisis. Sabi ni Reyes, inaasahan nilang lalong sasadsad pa ang popularidad ng Pangulo dahil ginawa ang sarbey bago pa ang lingguhang pagtaas ng presyo ng langis ngayong Hulyo.
“Hindi pa natin nakikita ang katapusan ng lingguhang pagtaas ng presyo ng langis. Hindi pa rin natin nakikita ang katapusan ng mapagsamantalang VAT sa langis at kuryente,” ani Reyes.
Duda si Reyes na mababalik ang kumpiyansa ng publiko kay Arroyo matapos ang Sona.
“Tuluy-tuloy na ibinabasura siya ng taumbayan. Makikita sa lahat ng signos na kailangan na niyang umalis. Kailangan na niyang bumaba sa puwesto para sa ikabubuti ng bansa,” pagtatapos niya.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version

RSS