News Update
‘Estados Unidos may kinalaman sa MOA’
Soliman A. Santos
TINAWAG na sinungaling ni Jose Maria Sison, tagapangulo ng ILPS (International League of People’s Struggles), si US Ambassador Kristie Kenney sa pahayag nitong inimbitahan lamang siya sa naantalang pagpirma sa MOA-AD (Memorandum of Agreement on Ancestral Domain) at wala siyang alam sa nilalaman ng MOA.
Iginiit ni Sison na batay sa ulat ng US Institute of Peace o USIP, malaki ang papel na ginampanan ng US sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at MILF (Moro Islamic Liberation Fornt) na nagluwal sa kontrobersiyal na MOA.
“Alam ng publiko na madalas magpunta sa Mindanao si Kenney bilang kinatawan ng US para subaybayan ang interes ng kanyang bansa, kabilang na ang direktang pamumuhunan, puwersang militar at mga pekeng proyektong pangkaunlaran,” aniya.
Idinagdag pa ni Sison na nakipag-uganayan si Kenney sa Philippine Facilitation Project ng USIP para sa usapang pangkapayapaan ng GRP-MILF. Nais umanong makuha ng US ang langis at iba pang likas na yaman ng Mindanao, at magtayo ng base militar doon.
Pinatutunayan umano ito ng dokumentong Special Report 202 ng USIP, na may pamagat na “Toward Peace in the Southern Philippines” (A summary and assessment of the USIP Philippine Facilitation Project) at may petsang Pebrero 2008.
Nakasaad sa nasabing ulat na, “In 2003 the US State Department
...engaged the United States Institute of Peace
to facilitate a peace agreement between the government of the Republic of the Philippines
and the MILF.”
Sinabi rin umano sa naturang ulat na sa kabila ng mga balakid, nakabuo ng
magandang relasyon ang US
sa GRP at MILF at nakatulong sa paghahanap ng solusyon sa isyu ng ancestral domain o lupaing ninuno. Nagpakilala
ang USIP ng mga konsepto at lapit na nakatulong kapwa sa gobyerno at sa MILF,
dagdag pa nito.
Inamin din umano ng ulat ang makasariling interes ng US dahil sinabi nitong, “Because of its ability to deal with nonstate actors and sensitive issues underlying civil conflict, USIP can be a useful instrument for advancing US interests.”
Iginiit ni Sison na hindi interesado ang US sa kapayapaan sa Bangsamoro o sa buong Pilipinas. Interesado lang umano ito sa pagsusulong ng pansariling interes sa gitna ng armadong tunggalian.
Samantala, pinanagot naman ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) si Pangulong Arroyo sa pagpayag nito sa pakikialam ng US sa usapang pangkapayapaan ng GRP at MILF.
Ginamit ng US at gobyernong Arroyo na oportunidad ang usapin sa MOA-AD para isulong ang magkaparehong interes sa Charter Change at pamumuhunan ng US sa Mindanao, ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.
RSS