News Update
Ang 'Ber months' at ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin
Gert Ranjo-Libang
MGA mare, matatapos na ang Agosto at papasok na ang “Ber months”. Ibig sabihin papalapit na ang pasko at dahil dito papataas na naman ng presyo ng mga bilihin. Di ba’t taun-taon namang nangyayari ang ganito. Ang kaibhan nga lang ay ngayong taon, mangyayari ang pagtaas ng presyo dahil magpapasko sa gitna ng walang humpay nang na pagtaas ng presyo ng bilihin. Lalo pa’t sunud-sunod rin ang naging pagtaas ng presyo ng langis.
Ang nakakainis, mga mare, nang bumaba ang presyo ng langis, hindi naman bumaba ang presyo ng bilihin. Ang daya, ‘di ba? Kaya naman patuloy ang laban para tanggalin ang Value-Added Tax sa mga batayang bilihin at serbisyo at tayong kababaihan ang dapat nangunguna dito.
Kung natatandaan ninyo, taong 1987 nang unang isabatas ang VAT, 10 porsiyentong buwis na ipinapataw sa iba’t ibang produkto at serbisyo at sa bawat bahagdan o antas ng produksiyon ng mga produkto. Ang masaklap, pinayagan ng batas na ito na ipasa sa mga mamimimili ang VAT. Bahagi ito ng imposisyon ng International Monetary Fund at World Bank upang maseguro nila na may kikitain ang gobyerno para pambayad utang nito.
Sa kabila ng maraming pagbatikos sa VAT, tinaasan pa ang VAT, ginawang 12% at mula 1998-2002 pinalawak ang saklaw nito. Isinama na ang mga produktong petrolyo, kuryente at maging serbisyong medikal at ligal sa ipinasang batas na EVAT at RVAT noong 2005.
Nagkakandakuba na ang kababaihan sa pagpasan ng bigat ng taas ng presyo ng bilihin samantalang nananatiling walang kabuhayan o kapos ang kita ng pamilyang Pilipino. Ayon nga sa Ibon Foundation, sa Metro Manila P382 lamang ang minimum wage – 38 porsiyento lamang ito ng P871 na kailangan ng isang pamilya kada araw para mabuhay.
Kaya naman kagyat ang kagustuhan ng kababaihan at mamamayang Pilipino na tanggalin ang VAT sa mga bilihin at utilidad. Pero ang sabi ng gobyerno, hindi daw maaaring alisin ang VAT dahil dito kinukuha ang panlipunang serbisyo kaya malaki ang pakinabang dito ng maliliit na tao.
Kasinungalingan, iyan ang masasabi natin sa paliwanag na ito ng gobyerno. Mga mare, mismong Department of Finance (DopF) ang nagsabing samantalang may inaasahang P100 bilyong dagdag na kita pa sa VAT ngayong taon, P13 bilyong lamang ang inilalaan sa serbisyong panlipunan. Dehadong-dehado tayo! Para bang nagbayad tayo ng P100 para sa isang bagay na P13 lang pala ang halaga.
At ayaw din ipaalam ng DoF sa publiko ang buong pinaglalaanan ng gobyerno sa kita ng VAT. Hindi malayong sa pagbabayad ng utang ng goberyerno napupunta ang malaking porsyento ng kita ng VAT. Pambayad utang sa mga proyektong batbat ng korupsiyon. Ibig sabihin, maaaring malaking bahagi ng ibinabayad nating VAT sa bawat ating bilhin ang ipinambabayad utang sa mga kinurakot ng pulitiko.
Kaya, mga mare, dapat sabay-sabat nating sigaw “Tanggalin ang VAT!”
RSS