News Update
Kababaihan at kabataan, pinaka-apektado ng sigalot sa Mindanao
Rodalyn Capilo
PINAKA-APEKTADO ang mga kabataan at kababaihan sa tumitinding operasyon ng mga militar laban sa MILF (Moro Islamic Liberation Front) sa North Cotabato, Mindanao.
“Ang tunay na larawan ng military operations sa Mindanao ay iyong mga nagtatakbuhang mga ina at mga anak, natatakot at nagsisiksikan sa evacuation centers,” sabi ni Jojo Guan, executive director ng CWR (Center for Women’s Resources), sentro ng pananaliksik para sa kababaihan.
Ayon sa pag-aaral ng CWR sa pakikipagtulungan ng United Nations Children’s Fund o Unicef, naghihirap ang mga kababaihan dahil sa stress na dulot ng armadong tunggalian.
Nagdudulot ito ng di-pagkakatulog, bangungot, at iba pang porma ng ligalig. Namamatayan ang mga babaing buntis ng sanggol bago pa man ipanganak. Humahantong ang iba sa maagang pagluluwal ng sanggol.
Dahil hindi rin malinis rin ang evacuation centers, maraming sakit tulad ng sipon, ubo, at lagnat ang dumadapo sa mga bata at sanggol. Ikinamamatay ito ng iba.
Marami ring kababaihan ang napipilitang itaguyod nang mag-isa ang kanilang mga anak dahil sa maagang pagkamatay ng kanilang mga asawa. Napipilitan pa ang iba na ibenta ang kanilang mga katawan kapalit ng pagkain at bahay o matitirhan.
“Inilagay ng administrasyong Arroyo sa panganib ang buhay ng libu-libong kabataan at kababaihan sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (sa MILF) na hindi naman sigurado kung matutupad o maiimplementa,” dagdag ni Guan.
Nagbabala rin ang CWR na hindi dapat ikasangkapan ang kasalukuyang sigalot para bigyang-daan ang Charter Change.
Sa halip, dapat umanong bigyang atensyon ang lumalalang kahirapan na dinaranas ng maraming bata at babae.
RSS