News Update
Kilos-protesta laban sa Cha-Cha inumpisahan na
Jean Campos/ Mary Rose Retrita

AYAW MAKISAYAW KAY GLORIA. Protesta ng mga militante kontra sa
Charter Change sa Naga City sa rehiyong Bicol. (Pons Caudilla / Bikol Xpress)
NAGSAGAWA ng kilos-protesta ang mga kabataang estudyante noong Agosto 15 sa Mabuhay Rotonda, Quezon City para tutulan ang binabalak ng administrasyong Arroyo na Charter Change o Cha-Cha.
“Kinokondena namin ang administrasyong Arroyo sa maling pamamahala sa sigalot sa Mindanao para lamang muling buhayin ang isyu ng Cha-Cha,” ayon kay Ken Ramos, tagapangulo ng Anakbayan.
Kabilang sa protesta ang mga mag-aaral na mula sa University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, University of Sto. Tomas, Far Eastern University, University of the East, Letran College, Philippine Normal University, Jose Rizal University, Technological Institute of the Philippines, Ateneo de Manila University, at ilang pampublikong hayskul.
Magkakaroon ng walk-out at boykot sa mga klase sa darating na Agosto 22 bilang simbolo ng patuloy na pagtutol ng mga kabataang estudyante sa administrasyong Arroyo. Pangungunahan ito ng mga organisasyong Anakbayan, League of Filipino Students, Student Christian Movement, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines , Karatula, Kabataang Pinoy at Youth Revolt.
Samantala, lumahok din sa kilos-protesta sa Mabuhay Rotonda ang KMU (Kilusang Mayo Uno) at iba pang mga organisasyon sa ilalim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).
“Hindi kailanman naging seryoso si GMA sa paggalang sa karapatan ng Bangsamoro sa pansariling determinasyon. Inuuna niya ang kanyang pulitikal na ambisyon kaysa sa moralidad. Ang kanyang mga pamamaraan ay nagdudulot lamang ng ibayong kaguluhan at kamatayan sa Mindanao,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Diniin pa ni Labog na maaaring magdulot ang Cha-Cha ng pagkawala ng mga natitirang probisyon sa Konstitusyon na nagpoprotekta sa pang-ekonomiyang soberanya ng bansa.
RSS