News Update
Makabago at simpleng paraan ng natural family planning (Huling bahagi)
Ang Standard Days Method ay nakabatay sa kaalamang ang menstrual cycle ay binubuo ng fertile phase na sinusundan ng mga araw na infertile. Tumatagal ng 26 hanggang 32 na araw ang regular na menstrual cycle ng babae. Maaaring siyang mabuntis sa ikawalo hanggang ika-19 na araw. Sa 12 araw na ito, isinaaalang-alang ang maaaring pagbabago sa timing ng ovulation at ang haba ng buhay ng sperm habang nasa loob ito ng reproductive tract ng babae.
Gumagabay ang color-coded beads na tinatawag na cycle beads para matukoy ang araw na fertile at infertile sa cycle ng babae.
Two Day Method
Cervical secretions ang batayan ng fertility sa Two Day Method. Kailangan i-monitor ng babae kung may bakas ng secretion para malaman kung maaari siyang mabuntis.
Bawat araw may dalawang tanong ang gumagamit ng Two day Method :
May napansin ba akong secretion ngayon?
May napansin ba akong secretion kahapon?
Kung may mapansin siyang secretion ngayon o kahapon, masasabing fertile siya ngayon, at hindi siya dapat makipagtalik para umiwas sa pagbubuntis. Kung wala siyang napansing secretion ngayon at kahapon (dalawang magkasunod na tuyong araw), napakaliit ng posibilidad na mabubuntis siya.
Iba pang paraan ng natural family planning:
Ovulation Method
Ang Ovulation Method na tinatawag ding Cervical Mucus Method, ay nakabatay sa pagbabago ng cervical secretion sa leeg ng uterus o cervix. Sa panahong pinaka-fertile, nagiging clear ang secretions, stretchy, madulas at basa.
Kung umiiwas pagbubuntis, hindi dapat makipagtalik sa panahong ito. Dapat hintayin ang ikatlong araw matapos ang huling fertile-type secretion.
Basal Body Temperature (BBT)
Temperatura ng katawan sa umaga, bago ang kahit anong aktibidad, ang basehan ng BBT. Mas mababa ang temperature ng katawan bago ang ovulation, at bahagyang tumataas ng .2 degrees Celsius o .4 degrees Farenheit matapos ang ovulation.
Kung umiiwas sa pagbubuntis, dapat hintayin ang ikatlong araw matapos tumaas ang basal body temperature ng .2 degrees Celsius o .4 degrees Fahrenheit, na senyales ng katapusan ng fertile phase.
Symptothermal Method
Ang Symptothermal Method ay ang pag-oobserba sa mga pagbabago sa cervical secretions, kasama rin dito ang mga pagbabago sa basal body temperature, at ang posisyon at pakiramdam ng bukana ng cervix. Ang ilan pang senyales gaya ng mid-cycle pain o pagdudugo ay maaaring sumabay sa ovulation.
Fertility indicators ang mga ito. At hindi dapat makipagtalik sa panahong ito kung umiiwas sa pagbubuntis.
Lactational Amenorrhea Method (LAM)
Ang LAM ay nakabatay sa siyentipikong ebidensiya na hindi fertile ang isang babae at maliit ang tsansang mabubuntis siya sa panahon ng full lactation o exclusive breastfeeding. Tinutukoy ng full lactation ang pagpapasuso sa bata sa panahong walang regular na supplemental feeding (kahit na tubig).
Nagbibigay ng proteksiyon ang LAM kapag:
Hindi pa uli nagkakaroon ng menstruation
Hindi pa binibigyan ng bottle feeds at regular na mga food supplement ang sanggol
Wala pang anim na buwan ang edad ng bata
Gaano kaepektibo ang natural family planning?
Kung maingat na susundan ng kababaihan ang mga direksyon nito (ang pagtutukoy kung kailan siya may ovulation para malaman kung kailan siya makikipagtalik), 91% hanggang 98% na magiging epektibo ito. Pero dahil bihira ang perpektong pagsasagawa nito, tinatantiyang nasa 76% ang pagka-epektibo nito. Ibig sabihin sa 100 na babaing gumagamit ng natural family planning para umiwas sa pagbubuntis, 24 sa kanilang ang nabubuntis kada taon.
Ang pagkakaroon ng di-regular na period ang karaniwang dahilan ng pagkabigo ng natural family planning.
RSS